Panibagong hiyas ng mga pambato: Pagsulyap sa umuusbong na karera ni Mark Nonoy

Likha ni Isabella Bernal | Mga larawan mula sa Manila Bulletin, DLSU Website, at Pexels

DETERMINADO AT MATATAG—pinagtitibay ng mga estudyanteng atleta ang kanilang kaalaman at talento tuwing binabalanse ang mga gawain sa eskuwelahan at pag-eensayo habang kinahaharap ang banta ng pandemya. Isa si Mark Nonoy sa mga estudyanteng atleta na patuloy na nagsusumikap upang makamit ang pangarap na masungkit ang kampeonato sa mga sinasalihang torneo.

Maliban sa angking husay sa laro, nagsilbing inspirasyon ni Nonoy ang kaniyang pangarap na maging tanyag na atleta upang magpursigi at makamit ang iba’t ibang parangal. Nagsimulang umusbong ang karera ng dekalibreng atleta sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) matapos hiranging rookie of the year sa Season 82 ng torneo. Matapos nito, sunod-sunod na nakatanggap ng oportunidad si Nonoy sa iba’t ibang klase ng entablado sa bansa—mula pangkolehiyong torneo hanggang sa pro-league na mga laro.

Matulin na umuukit ng sariling tatak sa mundo ng basketball ang young gun na si Nonoy. Itinatayang nakapagtala siya ng average score per game na sampung puntos, 3.8 rebounds, at 2.3 assists sa kaniyang rookie season sa UAAP. Sa kabilang banda, hinirang din siya bilang pinakabatang nakatungtong sa finals ng UAAP men’s basketball matapos niyang makalaban ang three-peat champion na Ateneo Blue Eagles sa naturang yugto ng torneo. 

Kinang ng bagong kabanata

Kamakailan lang nang buong pusong sinalubong ng pamayanang Lasalyano ang bagong pambato ng Green Archers na si Nonoy. Kaakibat ng inaasahang pagbabalik ng UAAP ngayong Marso, matapos mahinto nang halos dalawang taon, napilitan ang Green Archers na hasain ang kani-kanilang abilidad sa pamamagitan ng birtuwal na pagsasanay. Buhat nito, mahigit isang taon nang naghahanda si Nonoy, kasama ang iba pang manlalaro ng Green Archers, para sa muling pagbubukas ng mga laro sa entablado ng UAAP. 

Sa pagtahak sa panibagong kabanata ng kaniyang karera, hindi naging hadlang para kay Nonoy ang birtuwal na pag-eensayo sa kabila ng panandaliang pagtigil ng operasyon ng mga gymnasium dulot ng pandemya. “Always prepared naman kasi kami and almost ilang months na rin kami nagte-training everyday through Zoom din. Kasi kinukuha namin ‘yung goal namin na kahit 70% [ay maging handa kami na sumabak muli sa kort] para hindi na kami mahirapan makapag-adjust pagdating sa bubble kaya nagte-training kami,” giit ni Nonoy sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP)

Taluktok ng karera

Bunsod ng kaniyang potensyal at pagkasabik na maging tanyag na atleta, nakasali noong 2019 sa torneong Philippine Basketball Association (PBA) D-League si Nonoy sa tulong ng kaniyang dating coach na si Aldin Ayo. Bilang isang baguhan na manlalaro, nagsilbing malaking hakbang para sa namumukadkad na karera ni Nonoy ang pagtapak niya sa malaking torneo. “I was really excited for my first game in the PBA D-League. I knew it meant I had already made it to the next level [because] it wasn’t high school basketball anymore, nor was it just college basketball,” pagbabahagi ng UAAP rookie of the year sa espn.ph. 

Nakamtan ni Nonoy ang titulong pinakabatang manlalaro na sumabak sa PBA D-League. Bilang karagdagan, umani ng 15 puntos, anim na rebound, at apat na assist si Nonoy sa kaniyang unang laro sa naturang torneo. Bunsod nito, itinanghal ang estudyanteng atleta bilang player of the game sa kaniyang unang laro sa pro-league kasama ang mga batikang manlalaro.

Hindi papatinag sa anomang balakid 

Kalakip ng pamamayagpag ng karera ni Nonoy sa larangan ng basketball ang pagsusumikap niyang mabalanse at magampanan ang kaniyang mga tungkulin bilang estudyante. Nagsilbing hamon para sa dating Tomasino ang pagtransisyon bilang isang Lasalyano sapagkat naging mabigat ang kaniyang mga gawaing pang-akademiko kasabay ng kaniyang pagsasanay bilang bagong miyembro ng Green Archers.

Sa panayam ng APP, ibinahagi ni Nonoy ang kuwento ng kaniyang pagpupursigi bilang estudyante at atleta upang mapagtagumpayan ang kaniyang mga tungkulin sa dalawang mundong kaniyang ginagalawan. “. . . Kailangan namin mag-adjust kasi ’yun ’yung pinasok namin eh. Kapag hindi kami nag-aral, hindi naman kami makakapaglaro sa UAAP [men’s basketball]. Kapag nag-training lang kami, hindi naman kami makakatapos ng pag-aaral,” ani Nonoy. 

Kasama ang Green Archers, puspusan naman ang pag-iingat ng dating rookie star player upang masiguro ang kaligtasan ng koponan kontra COVID-19. “Kailangan namin mag-adjust, kailangan naming umiwas sa virus kasi mahirap na pagbalik namin buong team namin ma-lockdown [pansamantalang patigilin sa paglaro at pag-ensayo dahil nagkasakit] tapos baka hindi kami maka-prepare as a team,” wika ni Nonoy. 

Sinag ng pagbabalik

Dahil sa pag-asang maaaring pagbabalik ng UAAP sa Marso, nagkaroon ng pagtitipon sina Commission on Higher Education Chairman Popoy de Vera, Department of Health Secretary Francisco Duque III, at ang UAAP board members upang pirmahan ang memorandum na magbibigay-daan para masimulan ng bawat atleta ng mga pamantasan ang pag-eensayo nang face-to-face.

Bunsod nito, nasasabik na makapag-ensayo nang face-to-face si Nonoy para sa pagbabalik ng UAAP. “Iba pa rin ‘yung face-to-face [trainings] kasi magkakakilala kayo ng mga teammates mo gano’n,” saad ni Nonoy. Dagdag pa niya, “siguro makakapag-prepare kami nang maayos kapag bumalik kami sa Maynila.”

Maaasahan ding pagbubutihin ni Nonoy ang kaniyang face-to-face trainings sa loob ng bubble upang mas mahasa ang kaniyang abilidad at pakikipag-ugnayan sa iba pang miyembro ng Green Archers. “I hope na makapaglaban kami nang maayos and then makapag-prepare kami nang maayos kasi siyempre maraming bago sa team namin so kailangan pa namin mag-adjust sa isa’t isa and sa coaching staff. And I hope na maiuwi natin ‘yung champion[ship] sa La Salle,” ani Nonoy.

Bunsod nito, mayroon ding mensahe si Nonoy para sa mga tagahanga ng Green Archers na nagsisilbing inspirasyon ng koponan tuwing nag-eensayo para sa darating na UAAP Season 84. Mungkahi niya, “siguro kailangan lang namin ng buong suporta [ng mga Lasalyano] matalo or manalo. I hope na nandiyan pa rin sila hanggang sa dulo ng laban namin”.

Suot ang mga kulay na berde at puti, tiyak na magiging kaabang-abang ang darating na UAAP Season 84 sapagkat masisilayan muli ng mga manonood at tagahanga ang natatanging talento ng dating finalist at pinakamahusay na rookie na si Nonoy sa loob ng kort. Kaakibat ng kaniyang puspusang pag-eensayo, sinisiguro ng atleta na kaya niyang patunayan sa mga tagahanga ang katas ng kaniyang pagsusumikap upang patuloy na maitayo ang bandera ng Pamantasang De La Salle sa entablado ng UAAP.