Mapayapang asul na kalangitan at kalmadong tunog ng mga alon—iyan ang tanawing makikita sa karagatang nagbibigay ng kapanatagan sa isa. Matatagpuan na lamang ang sariling nagtatampisaw sa ragasa ng tubig sa dalampasigan nang walang inaalalang panganib. Hindi alintana ang unti-unting pagsuong sa agos ng karagatan, ngunit sa isang iglap tila hindi na maabot ang buhanging tinatapakan kahit magpumilit sa pagtingkayad.
Ganyan din ang tanawin sa yugto ng pagiging kabataan—may kapanatagang tinatahak ang pagkilala sa sarili at pagtuklas sa nararapat na pakikitungo sa iba. Nananabik na sisirin ang bagong karanasang naghihintay—kasama na rito ang pagmamahal sa sarili at pagkatuto na umibig sa iba. Sa kasamaang palad, maraming nananamantala sa kanilang pagkainosente at nagbibigay ng maling payo sa paraan ng paglangoy tungo sa patutunguhan.
Pag-ahon mula pagsisid
Iba ang ligayang dala ng paglangoy sa mga lugar na hindi pa napupuntahan. Iyan ang pakiramdam ni *Marie, 20 taong gulang, nang makilala niya si *John sa mundo ng online gaming noong 15 taong gulang pa lamang siya. Bagamat pitong taon ang agwat sa isa’t isa, para kay Marie, walang makatatalo sa ligayang dala ng pagmamahal at pagdadalaga. Mabait at maginoo umano si John noong una, kaya’t walang problema kahit na magkalayo ang kanilang edad at tirahan. Ngunit sa kalaunan, nalalayo na rin ang kaniyang pagkatao mula sa pagkakakilala ni Marie sa kaniya.
Biglaan kung rumagasa ang alon ng mapanakit na mga salita ni John. Kapag hindi nasunod ang kaniyang gusto, duduruin niya si Marie. Tatakutin siyang makipaghiwalay at magbabantang ipagkakalat ang malalaswang mga retrato. Kung gaano kahigpit si John, ganoon din siya kagaling magtago ng sikreto. Patuloy niyang nilunod si Marie sa walang humpay na mga dahilan sa tuwing pinaghihinalaan siya, at lahat ng pagtataksil, panggigipit, at pang-aabuso, itinatago niya sa pagiging “possessive”. Bilang baguhan sa pag-ibig, itinuturing ni Marie na normal ang mga ito. Nagbabakasakaling parte ng relasyon ang pakikipag-ayos kapalit ng pagiging seksuwal. Sunod-sunuran niyang sinuko ang bawat kagustuhan, pati na ang kasarinlan upang magalak ang kaluluwa ng nang-aabuso. Aniya, “. . . to please him. . . I would do everything that he would ask for.”
Sa halip na kaniyang labanan ang pang-aabuso—lubos niyang naramdaman ang pagkabalisa sa mga maaaring gawin ng naturang groomer sa kaniya. Kuwento niya, upang maiwasan ang pagputok ng galit ng kaniyang groomer, hinayaan niyang manipulahin nito ang kaniyang relasyon sa ibang tao.
Matapos ang ilang buwang pagtitiis, unti-unti nang nararamdaman ni Marie ang pagkalunod sa umaapaw na pang-aabusong kumikitil sa kaniyang hininga. Tulad ng malalakas na alon, tila nilunod ng groomer ang naghihikahos niyang boses. Ngunit sa impit na tinig ding ito nagmumula ang kaniyang pag-asang makalalaya mula sa daluyong ng abuso at pagmamaltrato. “Never be afraid to speak up and to tell these especially to someone who they trust the most like friends, lalo na sa parents,” payo ni Marie sa mga kapwa-biktima.
Binigyang-diin rin ni Marie ang mga senyales na makapagsasabing groomer ang isang tao, “. . . one of the flags. . . they have no respect for your opinion. . . pangalawa. . . papatol sa underage. . . at pangatlo. . . if they see that you are emotionally vulnerable, they will take advantage of you.”
Lubid at salbabida
Nahirapan man lumangoy palayo sa peligro, mas napadali ito sa tulong ng mga taong pilit siyang hinila tungo sa dalampasigan. “Limitadong porsiyento lang ang nakakaalis sa ganitong klaseng relasyon on their own,” ani Marie, kaya’t laking pasasalamat niya sa ina at mga kaibigang hindi tumigil sa pagligtas sa kaniya. Dagdag pa niya, “Kung hindi ko ‘to sinabi sa mom ko, I would still be in the same position.”
Sa paglalahad rin ni Marie, inihalintulad niya ang sarili sa isang rag doll; walang emosyon at may ‘di matatag na pag-iisip dahil sa paulit-ulit na pagmamalupit ng kaniyang dating kasintahan. Higit pa roon, nagdulot din ito ng pagkatakot na magtiwala muli sa iba pang tao. Kaya matapos ang relasyon, sumabak na lamang siya sa mga fling upang makalimot. Ang hindi alam ng karamihan, tatlong taon bago niya napagtantong grooming pala ang naranasang pang-aabuso.
Sa kabila nito, bakas pa rin ang pinsalang idinulot ni John. Unti-unti niyang kinitil ang dangal ni Marie hanggang dumating sa punto na nagsimula na siyang umatras sa pakikipaghalubilo sa kaniyang mga kaibigan at nawalan na rin siya ng kagustuhang mabuhay. Sa kabutihang palad, nawala ang mga ito noong natapos ang relasyon. Bagkus, handog na lamang nito sa kaniya ang pagkamulat sa katotohanan ng pakikipagrelasyon—na hindi man ganito lahat subalit may mga lalaking katulad ni John. Ipinunto rin niya ang panganib na dala ng isang mapang-abusong relasyon, lalo na sa pagitan ng isang menor de edad at taong lagpas na sa kaniyang tamang gulang. Paalala niya, “. . . A minor having to do things with an older person is not right and is a type of emotional manipulation turning into sexual exploitation.”
Pag-ahon mula sa daluyong
Hindi kailanman masusukat ang epekto ng pananamantala ng mga groomer sa kanilang mga naging biktima. Tila isa itong kadenang nakagapos sa himpilan ng pagkatao at sariling pag-unlad. Sinisira’t winawasak nito ang pagtingin sa sarili, pati na ang darating na mga ugnayan sa ibang tao. Subalit hindi natatapos sa pagiging biktima ng grooming ang kuwento ng mga menor de edad na pinagsamantalahan; may maliwanag na kinabukasang naghihintay sa kanila, sapagkat hindi sila nag-iisa sa kanilang laban.
Hindi man kasingbilis ng pag-agos ng mga alon ang paghilom ng mga sugat, unti-unti rin itong maglalangib. Sa bawat paglubog ng araw at pagtaas ng buwan, araw-araw magbabago ang nakatala sa kalendaryo — dala ang mensaheng mayroong kaakibat na punto ang numero, katulad ng edad ng isang tao.
*hindi tunay na pangalan