Umaagos. Bumabagal, unti-unting humihinto. Sa iisang direksyon ng paggalaw, may malinaw na hangaring sama-samang maglakbay. Lulan ng isang daluyang natitibag, bigla-biglang nahihiwalay mula sa direksyong binubuo ng agos ng tubig na sumisimbolo sa mga batang mag-aaral na nangangailangan ng espesyal na kalinga mula sa mga bagay na naging dahilan ng pag-agos nito.
Kahanga-hanga—ganito mailalarawan ang mga batang may ‘exceptionalities’ o naiiba sa mga batang karaniwang matatagpuan sa paaralan. Sa kabila ng kanilang espesyal na pangangailangan, naipagpapatuloy nila ang kanilang kagustuhang matuto sa pamamagitan ng mga gurong naging ilaw at gabay sa kanilang pagtahak sa landas tungo sa pag-abot ng kani-kanilang mga pangarap. Naiiba man ang kanilang paraan ng pagkatuto, likas pa rin ang kanilang kakayahang makihalubilo at magkaroon ng mga kaibigang tutulong at huhubog sa kanilang pagkatao. Ngunit sa isang kisapmata, nagbago ang lahat nang dumating ang pandemya: sarado ang mga paaralan, walang personal na interaksyon, at mahirap ang komunikasyon.
Dahil dito, kinakailangan ding bigyang-pansin ang mga espesyal na bata lalo na sa kanilang kakayahang magawa ang mga bagay na kanilang nakasanayan noong bukas pa ang mga paaralan. Kaugnay rin nito ang paglalahad ng kuwento ng kanilang mga guro tungkol sa iba’t ibang paraang kanilang ginagawa upang matulungan ang kanilang mga estudyante sa kabi-kabilang hamon.
Tangay ng hagupit ng alon
Pilit iniintindi ng bawat bata ngayon ang rason sa biglaang pagbabago ng kanilang kinagisnang araw-araw. Hindi man gaano kalinaw sa kanila ang pangyayari ngayon, nananaig ang pangarap nilang makasabay sa hagupit ng rumaragasang alon.
Sa tulong ng kapatid ni Spencer, 12 taong gulang, nakuha ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang karanasan sa pag-aaral ngayong pandemya. Mayroong Mild Autism si Spencer at kasalukuyan siyang nag-aaral sa online na pamamaraan. Isa sa mga hirap na dinanas niya sa online class bilang batang may espesyal na pangangailangan ang paghabol sa bilis ng pagturo ng kaniyang mga guro. Aniya, “Parang nagmamadali ‘yung teacher ko tuwing tatapusin tapos binibilisan nila . . . kasi 1 hour lang ‘yung subject kaya mas mahirap [ma]intindihan.” Gayunpaman, ginawan niya ito ng paraan sa pamamagitan ng panonood ng naitalang aralin ng kaniyang guro.
Hindi rin nawala kay Spencer ang paghahangad na makapaglaro at magkaroon ng kaibigan sa paaralan, na kabilang sa mga hinadlangan ng pandemya. Giit niya, “. . . Mas mahirap gumawa ng friends doon [sa online class].”
Matagal man siyang naghihintay, umaasa pa rin si Spencer na bumalik ang lahat sa dati. “Ine-expect ko nga mga early 2021 balik na sa face to face class pero ganito pa rin hanggang ngayon.” Mahirap man ang paglayag sa hagupit ng mga alon para sa isang batang katulad niya, nananaig pa rin ang pag-asang mapatatahan muli ang sunod-sunod na daluyong sa tinatahak.
Tanglaw sa gitna ng makabagong pagkatuto
Iba ang karanasan ng mga batang nasa ilalim ng programang Special Education (SPED) lalo na sa gitna ng pandemya. Ngunit sa kabila ng distance learning, nagsisilbing gabay ang kanilang mga guro—mistulang tanglaw sa gitna ng karagatang kasalukuyan nilang binabagtas. Subalit, nahaharap din sa mga suliranin ang mga guro ng SPED; napupuno ng pangamba pagdating sa pagkatuto ng kanilang mga estudyante.
Nakapanayam ng APP si Rolan Flores, isang SPED educator sa loob ng mahigit 25 taon, tungkol sa kalagayan ng mga estudyante’t guro ng SPED ngayong pandemya. Aniya, may malaking kaibahan sa pagitan ng face-to-face at distance learning. Isa sa mga suliraning kanilang dinaranas sa online classes ang tutok na paggabay sa mga bata sang-ayon sa kanilang kinagisnan. “. . .You’re in the screen now, makita kitang nahihirapan diyan, what can we do… Napakahirap kasi you are just in that area, plus you are limited for time,” ani Flores.
Ibinahagi rin niyang para sa mga batang may exceptionalities, partikular sa mga batang may autism at learning disabilities, mahalaga sa kanila ang pagkakaroon ng estruktura sa pag-aaral, dahil sa oras na mabago nang kahit kaunti ang kanilang kapaligiran, tulad ng pagbabago sa ilaw, mabilis din silang nawawala sa pokus. Para kay Flores, mahalagang nabibigyang-pansin ang ganitong bahagi ng programang SPED dahil kadalasang lingid ito sa kaalaman ng mga guro sa regular na paaralan. “Things like these matter to us, for teachers like us in the special education department. It should be a controlled environment,” paglalahad niya.
Katulad ng mga mag-aaral, marami ding ginagawang kompromiso ang mga guro ng SPED upang makapagturo sa ganitong sitwasyon. Ayon kay Flores, bukod sa pag-aaral ng teknolohiya, isa sa mga pagbabagong kanilang kinahaharap ang pagkakaroon ng kolaborasyon sa mga magulang ng kanilang estudyante upang masiguradong natututo ang mga bata. Aniya, “I have to think of the parents because the parents are the primary caregivers, and sabihin na natin assistant teachers mo na lalabas [sa setting na ito] . . .We have to work together. Moreso collaboration is important when it comes to parents and teachers. So ang adjustment ay collaboration that we don’t usually do.”
Panghuli, bukod sa solusyong panteknolohiya para sa distance teaching at learning, ninanais din ni Flores na magkaroon pa ng mas kongkretong mga hakbang para sa mga estudyante’t guro sa ilalim ng programang SPED, lalo na’t nananatili pa ring parehas ang kanilang mga suliranin sa tinagal ng kaniyang karera bilang guro ng SPED. Hinihikayat rin niya ang Kagawaran ng Edukasyon na magpatupad ng mas ingklusibong mandato at patakaran para sa mga guro’t estudyante sa ilalim ng SPED. Iginiit niyang kahit matapos ang pandemya, mananatili ang mga problemang ito kaya’t patuloy nilang isusulong ang kanilang mga panawagan. “That would be the perennial problem if we go back again this school year, kung halimbawang by next year mawala na ang COVID at babalik ulit kami. We would still be fighting for that kind of rights,” pagpapaliwanag niya.
Pagsagwan tungo sa panibagong agos
Hindi tumitigil ang pag-agos ng batis ng kaalaman sa gitna ng nakababalisang sitwasyong ating kinasasadlakan. Kaya naman, patuloy ring sumasagwan ang mga guro’t estudyante upang mapagpatuloy ang proseso ng kanilang pagtuturo’t pagkatuto. Bagamat naipagpapatuloy ang pagsagwan, lantad ang katotohanang hindi parehas ang bangkang lulan ng bawat mag-aaral, tulad ng mga batang may exceptionalities na kinakailangang matuto sa ilalim ng kasalukuyang sistema, kahit hindi nakadisenyo ang kanilang programa sa ganitong moda ng pagkatuto.
Maging sa mga matang hindi nakakakita, sa taingang hindi nakaririnig, pati sa mga batang bahagi ng ispektrum ng autism, klaro ang pangangailangang makabalik sa eskuwelahan ang mga mag-aaral nang ligtas mula sa sakit. Gayundin, kinakailangang bigyang-pansin ang kanilang sektor upang patuloy itong lumago. Sa pagsagwan tungo sa panibagong agos ng pagkatuto, patuloy ang panawagan para sa isang ingklusibong edukasyon na isinasaalang-alang ang bawat estudyante—tulad ng mga batang may exceptionalities na sinusuong ang alon ng edukasyon sa gitna ng pandemya.