Hindi basta numero ang buhay ng Pilipino

Hindi sapat ang habambuhay na sentensya bilang singil sa bawat buhay na kinitil ng administrasyong Duterte sa ilalim ng pamamahala nito. Mula sa extrajudicial killings na lantarang pagpaslang sa walang kalaban-labang mga Pilipino, hanggang sa indirektang pagpatay sa mga mamamayang pinababayaang maghirap at magutom, numero unong promotor ng kawalang katarungan ang kasalukuyang pamahalaang hindi binibigyan ng lalim ang estadistika sa balita. Sa paningin ng administrasyong malayo sa danas ng masa, pawang numero lamang ang bilang ng mga nagdurusang Pilipino.

Kinokondisyon ng kasalukuyang administrasyon ang isipan ng sambayanan at ninonormalisa ang tala ng libo-libong buhay na apektado ng pandemya. Sa pagpasok ng Oktubre 2021, humantong na sa dalawa’t kalahating milyon ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa bansa. Sa kabila ng lumalalang krisis pangkalusugan sa bansa, may lakas ng loob pa si Presidential Spokesperson Harry Roque na ipagmalaki ang tugon ng administrasyong Duterte sa pandemya nang sabihin niyang ‘excellent’ ito sa pagkontrol ng nasabing sakit. Kasuklam-suklam ang pagkakaroon ng mga opisyal na pinipiling maging mangmang mapagtakpan lamang ang kanilang kapalpakan at maisulong lamang ang pansariling interes kaysa ang para sa bayan. 

Ipagkibit-balikat man ng administrasyong Duterte ang araw-araw na pagkawala ng sagradong buhay ng mga Pilipino, nakakasa na sa hinaharap ang puntong sisingilin ito ng taumbayan para sa buhay ng higit 50,000 Pilipino na nasawi dahil sa palyadong tugon nito sa pandemya, karagdagan sa 8,000 Pilipino na namatay sa paglulunsad ng War on Drugs. Hindi rin makalilimutan ng sambayanan ang 4,800,000 pamilya na nagutom at 4,400,000 kabataang hindi nakabalik sa pag-aaral sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Ipadarama ng masa ang puwersa ng naglalakihang numero, na minamaliit ng pasistang rehimen.

Sa pagsulong tungo sa punto ng sukdulang paniningil, mananatiling kaisa ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa pagsalin at pagpapalalim sa ibinabalitang estadistika upang maipaalam sa mga Pilipino ang kaakibat na bigat nito. Kahanay nito, pumiglas tayo tungo sa pagpapanagot sa administrasyong responsable sa pagtaas ng mga numerong nagbababa sa antas ng pamumuhay ng mga Pilipino. Nananawagan din ang APP sa iba pang organisasyon o sangay ng midya na makiisa sa pagpapalakas ng kuwento at danas ng masang Pilipino upang kontrahin ang pagnonormalisa ng administrasyong Duterte sa kamatayan. Muli, ipaalala nating sagrado ang buhay ng bawat indibidwal at hindi mababang tala ang batayan ng pagkaepektibo ng pamamalakad. 

Pawang numero man kung ituring ng administrasyong Duterte, ang bawat indibidwal na bumubuo nito ang siyang maniningil para sa bawat butil ng buhay na ipinagsawalang-bahala nito, at doon marahil mapagtatanto nito ang bigat na kaakibat ng bawat karagdagan sa talaan.

———