Sa madilim na kwartong tila isang maliit na telepono lamang ang nagbibigay-liwanag, maririnig ang isang mahinang impit dulot ng pag-iyak. Kasabay ng mga luhang tumutulo ang pagbabasa ng mga katagang “Lumingon ka” na nagsisilbing wakas sa isang kuwentong tila isinakay ang mga mambabasa sa tsubibo ng emosyon. Hindi katulad ng mga kinasanayang kuwentong piksyon ang binasa ng luhaang mambabasa, sapagkat mula sa mga piraso ng realidad ipinagdugtong-dugtong ang bawat piyesa upang makabuo ng isang bagong mundo.
Nakapaloob sa iba’t ibang website ang mga kuwentong masasabing hindi nalalayo sa nakasanayang literatura. Maliban sa hindi ito nakalimbag sa papel, masasabing ang motibo ng manunulat bilang isang panatiko ang nagbibigay ng pinakamalaking pagkakaiba sa mga naturang piyesa. Hindi katulad ng kinasanayang piksyon, hango sa mga kilalang tao o palabas ang mga karakter sa mga makabagong kuwentong ito—ito ang Alternate Universe (AU) fanfictions.
Mundo ng mga manunulat ng alternatibong mundo
Bago mabuo ang samu’t saring piyesa ng alternatibong mundo ng AU fanfictions, magsisimula muna ito sa pinakaunang bahagi ng mala-palaisipang konsepto—ang pagiging panatiko ng mga manunulat. Sa likod ng makukulay na kuwento, may mga panatikong manunulat na pinamumungahan ng iba’t ibang istoryang tinatangkilik ng kanilang mga kapwa panatiko. Subalit, katulad ng kanilang mga alternatibong mundong nililikha, nakatago ang kanilang mga pagkatao sa mga fan account.
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina @uwuwooozi, @shuahonglyfans, at @minwonst, ilan sa mga sinusubaybayang manunulat ng AU fanfictions sa mundo ng Twitter. Dahil sa kanilang paghanga sa K-Pop boy group na SEVENTEEN, nakalilikha sila ng mga alternatibong mundo para sa mga kuwentong kanilang isinusulat na hango sa mga miyembro ng grupo.
Masasabing maihahalintulad ang mga kuwentong kanilang isinusulat sa kanilang mga karera bilang mga manunulat ng AU fanfictions, sapagkat katulad ng mga kuwento, mayroon ding simula ang kanilang karera. Para kay @minwonst, nagsimula siyang magsulat noong tumapak siya sa ika-anim na baitang sa elementarya–mga panahong nahumaling siya sa mga akdang nasa Wattpad. Tila naging sandigan din niya ang pagsusulat ng mga tula at kuwento upang matakasan ang mga problemang kaniyang pinagdadaanan noon. Ganito rin ang kuwento ng pagsisimula ni @shuahongonlyfans, na dahil sa pagsubok na dala ng law school, naghanap siya ng paraan upang panandaliang takasan ito. “So when I was starting, parang ang goal ko lang talaga ay magsulat about my struggles in law school,” paglalahad niya.
Bilang mga manunulat, may kani-kaniyang proseso sila ng pananahi ng mga naratibo upang mabuo ang mga kuwentong kanilang binubuo. Para kina @shuahonglyfans at @uwuwooozi, walang konkretong plano’t pundasyon ang kanilang mga kuwentong isinusulat. “‘Pag nagsusulat ako, hindi ko siya plinaplano na dapat ganito ang plot, dapat ganito ‘yung mangyayari. . .” pagbabahagi ni @uwuwooozi. Kabaliktaran naman ang prosesong sinusunod ni @minwonst dahil itinatakda niya ang kabuuang tema ng kuwento, ngunit sinisiguro niyang isinusulat pa rin niya ito na tila ang mismong mga karakter ang nagdidikta ng kanilang mga kuwento.
Upang mas mabigyang-buhay ang mga akdang isinusulat, humuhugot muna ang mga manunulat ng inspirasyong magsisilbing mga krayolang magbibigay-kulay sa mga karakter at kuwento ng kanilang akda. Para sa ibang manunulat, kadalasang sa mga kanta’t mga linya nito nila kinukuha upang makabuo ng mga kabanata sa kanilang mga kuwento. “I like listening and discovering songs while writing. It fuels my mind and serves as an inspiration for possible scenes,” pagbabahagi ni @shuahonglyfans.
Kumukuha rin ng inspirasyon ang mga manunulat sa mismong mundong kanilang kinabibilangan. Masasabing sinasalamin ng realidad ang mga kuwentong umiikot sa alternatibong mundong kanilang nililikha. “Parang movie lang din eh, while writing these characters, you envision yourself to be that character, ‘yung music na pineplay mo is like the soundtrack of that specific scene,” ani @minwonst.
Katulad ng mga kuwento, hindi ito kompleto kung walang mga problemang dapat suungin. Bilang mga manunulat, naranasan din nila ang iba’t ibang balakid sa kanilang karera. Naging isa sa mga balakid na kinaharap ng mga manunulat ang lumalaganap na pandemya. Anila, nahihirapan silang humanap ng inspirasyon sapagkat nakakulong lamang sila sa apat na sulok ng kanilang mga silid. Naging hamon din sa mga manunulat ang mga rekisito sa pagsusulat ng mga AU fanfiction, katulad na lamang ng mga trigger warning na kinakailangang ilagay upang magsilbing babala sa mga mambabasa; nahirapan umano ang mga manunulat sapagkat walang trigger warnings sa mga librong kanilang binabasa. Naging balakid din para sa kanila ang istriktong pagsunod sa pag-a-update ng kanilang mga akda.
Maliban sa mga nasabing balakid, ang pagkakaroon ng writer’s block at ang dagdag na bigat sa pagsusulat ang pinakamahirap lagpasan. “. . . the pressure is there kasi with the decreasing creativity in me and the increasing demand for fresh AUs, I can’t reconcile the two together so I tend to beat myself up about it,” pag-amin ni @minwonst.
Katulad ng kanilang pagdudugtong-dugtong ng mga salita upang makabuo ng isang konkretong kuwento, tila naging tulay ang kanilang pagsusulat upang mas mapagtibay ang mga fandom na kanilang kinabibilangan. “As a writer, sobrang big achievement nun kasi my AUs are my way of sharing what I know. Not for the readers to imitate but to learn from,” ani @minwonst. Tila nabibigyan ng bagong rason ang kanilang kasanghiyang sa paghanga upang mas manatili sa kinabibilangang fandom. Isa ring paraan umano ang mga AU upang mas maraming bagong panatiko ang mahumaling sa grupong kanilang inspirasyon sa pagsusulat.
Napatitibay man ang samahan sa loob ng fandom, mayroong mga pagkakataong nabubura na ng ibang panatiko ang linya sa pagitan ng realidad at piksyon. “Tapos ‘yung bad thing is ‘pag sobrang hooked na nila sa character hindi na nila ma-ano [hiwalay ang] realidad [sa piksyon] . . .” pangamba ni @uwuwooozi. Nagbibigay pa rin ang mga manunulat ng paalala na kinakailangang maging responsable ang mga mambabasa, gayundin ang mga manunulat, sa kanilang mga inilathala at binabasa.
Masasabing hindi man nasa parehong porma ng nakasanayang literatura ang mga AU fanfiction, ngunit sa pagpasok natin sa makabagong panahon, tila arbitraryo rin ang uri ng literaturang nalilikha ng mga tao. “It engages the youth to explore their creative side through words and pictures. It may be seen as just a mere post on the internet but it still has creative merit on it,” pagdidiin ni @shuahonglyfans. Naniniwala naman si @minwonst na unti-unti nang nag-iiba ang kinokonsumo ng masa sa kasalukuyan pagdating sa panitikan. Aniya, “I think yes. We’ve come a long way from the traditional literature consumed by the masses.” Katulad ng mga librong inilimbag gamit ang tina’t papel, nilalaman ng bawat salitang naka-type sa AU fanfictions ang emosyon, inspirasyon, at mensahe ng mga manunulat.
Hirayang nanghahalina sa kasanghiyang
Patuloy ngang lumalaki ang espasyong ginagalawan ng AU fanfictions sa kultura ng panatisismo sa iba’t ibang uri ng fandoms. Nagmimistulang pintura rin ito na nagbibigay-kulay sa karanasan at mundo ng isang panatiko. Nagsisimula man ito sa guniguni at pagnanais ng isang manunulat, nagagawa rin nitong higupin patungo sa isang kakaibang mundo ang iba pang tagahanga. Gamit ang kanilang imahinasyon, nakalilikha ang mga manunulat ng isang kathang nagbibigay-saya hindi lamang sa sarili, kundi pati na rin sa kapwa nila panatiko. Lingid sa kaalaman ng karamihan, bukod sa kakayahan nitong magpasaya, nagagawa rin ng AU fanfictions na ibahagi sa iba ang kulturang Pilipino sa isang kahali-halinang paraan.
Sa panayam ng APP kay Lalai De Luna, isang mambabasa ng AU fanfictions, kaniyang inilahad na bukod sa pagiging sandalan palayo sa totoong buhay, pinaiigting din ng AU fanfictions ang ating mga imahinasyon dahil nagagawa ng mga akdang itong ilagay ang ating mga idolo sa kontekstong mas malapit sa atin bilang mga Pilipino. “Kasi for example parang ‘yung mga characters eh nag-aaral sa mga universities dito sa Pilipinas, ‘yung setting dito sa bansa natin. With these AUs, mas lumilipad ‘yung imagination natin in a way na we are putting our idols in a much more relatable position or setting which is definitely nakakatuwa talaga at siyempre nakakagaan din sa pakiramdam,” paglalahad niya.
Ibinahagi rin ni De Luna na nagiging susi rin ang AU fanfictions upang maibida ang kulturang popular ng Pilipinas, partikular na ang Original Pilipino Music (OPM). Aniya, “nag-iincorporate rin sila [mga manunulat] ng mga OPM songs [sa kanilang akda] . . . with that, mas napapa-widen ‘yung reach ng Filipino music for example . . . sa ibang bansa, which is really nice . . . umaabot ‘yung OPM songs or ‘yung Filipino songs sa ibang bansa.”
Aminado si De Luna na may kakayahan din ang AU fanfictions na hubugin ang talastasan at relasyon ng mga panatiko sa loob ng isang fandom. “Nagkaroon tayo ng relationship with each other na tayo lang ‘yung nakakagets ng jokes from that AU, which is really parang . . . nakakatuwang isipin kasi para na rin tayong magkakaibigan na may alam tayong something na hindi alam ng ibang fandoms,” pagpapaliwanag niya.
Patungo sa panibagong kalawakan
Hindi maikakailang binabasag ng mga kasalukuyang kumbensiyon, tulad ng mga AU fanfiction, ang ating ideya ng panitikan. Bukod sa pagbibigay nito ng kulay sa panatisismo, patuloy rin nitong pinalalawak ang mga hangganan ng pagkukuwento kasabay ng patuloy na paglago ng teknolohiya. Binabali ng mga akdang ito ang realidad sa pamamagitan ng pagbuo sa panibagong mundong hinuhubog ng hiraya at paghanga. Bagamat marami pa ring nakataas ang mga kilay sa ideya ng AU fanfictions, lantad ang katotohanang nagsisilbi itong katalista upang maipakilala sa iba ang mayamang dunong at danas ng mga Pilipino—tulad din ng ibang akdang bahagi ng ating panitikan.
Dahan-dahang ibababa ng mambabasa ang tangang telepono—ninanamnam ang bawat sandali mula sa binasang akda habang nasa alapaap pa ang puso’t isipan. Sa oras na mabasa ang katagang “Wakas” sa binabasang AU, unti-unting magsasara ang isang lagusan sa pagitan ng realidad at piksyon. Bagamat nagtatapos na ang isang kuwentong nagpadama ng sari-saring damdamin, nananatiling puno pa rin ang puso nilang kasanghiyang sa paghanga—naghihintay na magbukas ang ibang mundo mula sa kalawakang lulan ang mga istoryang tampok ang minamahal na artista.
Bukas o makalawa, maaaring estudyante na si idol sa isang kilalang pamantasan sa Pilipinas, o kaya naman isang single parent, o kaya naman isang anak ng mafia boss. Hangga’t patuloy na umaalab ang puso’t hirayang binabaga ng paghanga, patuloy na dadalhin ng mga AU ang mambabasa’t manunulat sa iba’t ibang mundo—mga mundong nagbibigay-saya at esensya sa buhay ng isang panatiko.