NANGIBABAW ang Pilipinas sa larangan ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) matapos pagharian ang M3 World Championship nitong Disyembre 6 hanggang 19 sa Suntec Singapore International Convention. Bitbit ang hangaring magtagumpay para sa bansa, nag-untugan sa kampeonato ang Blacklist International (BLCK) at Onic Philippines.
Naiuwi naman ng BLCK ang tropeo matapos lampasuhin ang ONIC, 4-0, sa pangunguna ni finals Most Valuable Player (MVP) OHEB na nagtala ng anim na kill at tatlong assist, at OhMyV33NUS na nagtatak ng game-high 11 kill sa huling yugto ng laro. Ito ang ikalawang kampeonato ng Pilipinas sa world championship matapos ang pananaig ng Bren Esports noong nakaraang taon.
Bakbakan sa group stage
Opisyal na nagsimula ang mga laro ng MLBB M3 World Championship nitong Disyembre 6. Sa group stage ng torneo, nahati sa apat na grupo ang mga pambato ng iba’t ibang bansa at sumailalim sa best-of-one format. Pinangunahan ito ng koponan ng pambato ng Pilipinas na BLCK na kabilang sa group A. Matapos magpakita ng kompletong dominasyon, napasakamay ng BLCK ang kanilang nakamamanghang sweep laban sa Red Canids, Bedel, at Malvinas Gaming.
Bumida sa serye na ito si OhMyV33NUS tangan ang kaniyang 100% kill participation, dalawang kill, at 14 na assist kontra Red Canids. Nagsilbing kasangga naman ng kapitan si OHEB na itinanghal na MVP kontra Bedel at Malvinas Gaming matapos mamayagpag sa labanan gamit ang kaniyang marksman hero na si Beatrix. Bunsod nito, matuling umabante sa upper bracket ng playoffs ang Blacklist International.
Kasunod nito, nagpakitang-gilas ang koponan ng Onic PH sa ikalawang araw ng torneo. Kinapos mang makuha ang panalo kontra Onic Indonesia, napasakamay ng Onic PH ang huling halakhak matapos patumbahin ang mga koponang Todak at Keyd Stars.
Humataw sa mga laro ang tambalang Baloyskie at Hatred ng Onic PH upang bitbitin ang kanilang koponan sa unang panalo kontra Todak. Nagpatuloy naman ang pag-arangkada ng Onic PH matapos samantalahin ang naghihingalong opensa ng Keyd Stars, dahilan upang matagumpay na sungkitin ang kanilang ikalawang panalo sa group stage. Buhat nito, sumunod na umakyat patungong upper bracket ng playoffs ng torneo ang Onic PH matapos makapagtala ng upset ang koponang Todak at Keyd Stars kontra MPL Invitational champion Onic Indonesia.
Dominasyon sa upper at lower bracket
Napabilang ang Onic PH at BLCK sa upper bracket playoffs matapos dominahin ang group stage. Pinaluhod ng BloodThirstyKings (BTK) ang BLCK sa unang araw ng playoffs, 3-2, bunsod ng pag-arangkada ng koponang Amerikano sa ikalimang yugto, 12-4. Samantala, malinis ang pagkapanalo ng Onic PH laban sa Resurgence Singapore (RSG SG) matapos pangunahan ni Kairi ang kaniyang koponan sa pamamagitan ng late game maniac sa ikatlong yugto, 3-0.
Patuloy ang pag-arangkada ng Onic PH sa playoffs matapos walisin ang RRQ Hoshi, 3-0. Bumida muli si Kairi kontra RRQ, na nagsilbing pinakamahabang laban ng torneo, nang makapagtala siya ng anim na kill at anim na assist sa huling yugto.
Sa kabilang banda, bunsod ng mga komentong ibinato ni MobaZane na mas mahina ang Onic PH kaysa sa BLCK, nilaglag ng Onic PH ang BTK patungo sa lower bracket, 3-0. Tinapos ng Onic PH ang upper bracket playoffs na walang talo, 9-0, patungong grand finals.
Nalaglag man patungong lower bracket, hindi nagpatinag at bumawi ang BLCK kontra Indonesian powerhouse Onic Indonesia, 2-1. Tumikada si OHEB ng triple kill sa huling dalawang minuto ng ikatlong yugto upang makalusot mula sa kanilang low-scoring 7-5 affair. Naghalimaw rin ang BLCK sa sumunod nitong dalawang laban matapos pabagsakin ang Keyd Stars at RRQ Hoshi sa parehong iskor na 3-0.
Sa muling pagkikita sa finals ng lower bracket, nagawang plantsahin ng BLCK ang kusot na iniwan ng BTK sa kanilang unang paghaharap, 3-1. Naselyuhan ng BLCK ang kanilang puwesto sa grand finals. Pinangunahan ito ni OhMyV33NUS tangan ang kaniyang apat na kill at walong assist sa huling yugto ng bakbakan.
Mabagsik na tapatan sa grand finals
Dalawang kinatawan ng Pilipinas ang nanaig upang magharap sa inaabangan na grand finals ng MLBB M3 World Championship—ang BLCK at Onic PH. Bunsod nito, mistulang rematch ng nagtapos na MPL PH Season 8 grand finals ang nangyari sa torneo. Sa pagkakataong ito, tanging ang pinakamalakas na koponan lamang ang kokoronahan at hihirangin bilang world champion sa MLBB.
Pinasinayaan naman sa unang yugto ng sagupaan ang pagharurot sa pagpaslang ng Onic PH na pinangunahan ni Markyyyyy, 2-0. Kinalaunan agad na nagsimula ang matinding sagupaan sa mid lane na nagdulot ng sunod-sunod na pagpaslang ng parehong koponan, 11-all. Agad namang binawi ng Onic PH ang kalamangan ngunit hindi nagtagumpay matapos magkamit ng kills ni Wise, 18-14.
Sumiklab ang pagkasabik ng parehong koponan na magwagi sa torneo nang magsimula ang ikalawang yugto sa pagpapatabla ng iskor, 3-all. Pinaulanan naman ng tandem nina BLCK OHEB at Hadji ang rumaragasang pagpaslang sa koponan ng Onic PH. Bunsod nito, buong tapang na sinugod ng BLCK ang natitirang turret ng Onic PH at tuluyang tinuldukan ni OHEB ang ikalawang salpukan, 19-7.
Naging mainit ang simula ng ikatlong yugto nang bumungad ang double kill ni Wise. Hindi naman nagpatinag ang Onic PH at pinatabla ang iskor sa pangunguna ni Baloyskie, 15-all. Nagpakitang-gilas naman sa pagpaslang ang koponan ng BLCK at nalasap ang ikatlong pagkapanalo sa pangunguna ni OHEB, 20-17.
Umarangkada ang kagustuhan ng parehong koponan na makamit ang pagkapanalo ngunit agad na bininyagan ni Hadji ang unang paslang sa simula ng ikaapat na yugto. Hirap na mahabol ng Onic PH ang patuloy na kalamangan ng BLCK, 6-1. Nagpatuloy naman ang momentum at kalamangan ng naghaharing koponan kaya hindi na pinatagal ni Wise ang pagpaslang kay Baloyskie at pagwasak sa natitirang turret ng Onic PH, 15-7.
Waging napasakamay ng BLCK ang kampeonato matapos dominahin ang isa pang pambato ng Pilipinas na Onic PH, 4-0, sa best-of-seven grand finals ng M3 World Championship. Matapos tuldukan ang sagupaan, taas-noong naiuwi ng bagong kampeon ang tropeo gayundin ang mahigit Php15,000,000 na gantimpala. Samantala, mahigit Php6,000,000 naman ang nakuha ng first runner up na Onic PH.