OPISYAL nang inilabas ng University Student Government (USG) Office of the Ombudsman ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang kanilang unang Ombudsman Council Memorandum na nagpakilala sa mga miyembro ng konseho ng ombudsman. Matatandaang nabuo ang Office of the Ombudsman dahil sa pag-amyenda sa konstitusyon ng USG nitong botohan ng plebisito sa nakaraang Make-Up Elections 2021.
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Lunette Nuñez, ombudsman at Leandro Villamor, overall deputy ombudsman ng Office of the Ombudsman upang ipakilala ang kanilang opisina sa pamayanang Lasalyano.
Pagpapakilala sa Office of the Ombudsman
Paglalahad ni Nuñez, pangunahing layunin ng Office of the Ombudsman ang magsilbi bilang natatangi at malayang opisinang lalaban ang anomang kaso ng graft at korupsiyon sa loob ng USG. Dagdag ni Villamor, gampanin din ng konseho na imbestigahan at usigin ang mga opisyal ng USG na mahaharap sa mga aksyong makasisira sa integridad ng USG.
Magsisilbing pinakamataas na namumunong kinatawan ng Office of the Ombudsman ang ombudsman council. Paliwanag ni Villamor, sa ilalim ng Ombudsman Act, binubuo ang council ng ombudsman bilang chair, overall deputy ombudsman, at ng mga deputy ombudsman ng bawat kolehiyo at kampus bilang miyembro nito.
Dagdag pa ni Villamor, “the council may issue Administrative Orders, Resolutions, or any other issuance in pursuance of their mandate and any other matters relating to the Office of the Ombudsman.” Sa kasalukuyan, tanging sina Nuñez at Villamor pa lamang ang bahagi ng konseho.
Bilang pinuno ng konseho, gampanin ni Nuñez na pamunuan at pangatawanan ang opisina, lalo na sa pag-iimbestiga, pagkukuro, at pag-uusig sa mga halal ng USG. Si Villamor naman ang nagsisilbing katuwang ni Nuñez sa konseho at maaaring humalili sa kaniya sa oras na bumitiw o matanggal sa puwesto, o mawalan ng kakayahan na magserbisyo bilang ombudsman.
Nakikipag-ugnayan ang Office of the Ombudsman sa lahat ng opisina at miyembro ng USG, lalo na sa mga kaso o imbestigasyong kanilang isasagawa. Bukod pa rito, katuwang din ng opisina ang Judiciary na bumubuo sa legal na sistema ng USG dahil kinakailangan ring counsel officer (CO) o mahistrado ang bubuo sa Ombudsman Council.
Paliwanag ni Nuñez, “we are currently involved in the Legal and Judicial Training Program that trains CO and Magistrate trainees. Both Overall Deputy Ombudsman Villamor and I are lecturers of this training program.”
Tungkulin sa mga Lasalyano
Nakaangkla ang trabaho ng konseho alinsunod sa Article VII ng konstitusyon ng USG na nagmamandato sa tungkulin ng mga opisyal ng USG. Ayon kay Nuñez, “[this] states ‘all USG officers shall at all times be accountable to the studentry who they must serve with utmost responsibility, integrity, loyalty, efficiency, and professionalism.’”
Kaugnay nito at dulot na rin ng Ombudsman Act, ibinahagi ni Nuñez sa APP ang mga kapangyarihan ng kanilang opisina bilang tagapagtaguyod ng mabuting pamamalakad sa USG. Isa rito ang magsagawa ng inspeksyon sa anomang aktibidad, programa, at paggalaw ng USG o ng alinmang yunit nito. May kakayahan din silang mag-imbestiga sa oras na makahanap sila o may magsumbong sa kanila ng anomang anomalya o iregularidad.
Ang Office of the Ombudsman din ang uusig sa mga paglabag kaugnay ng pananalapi, tulad ng ilegal na pag-disburse ng pondo, graft, at korupsiyon. Panghuli, may kapangyarihan din ang opisina nina Nuñez na pangaralan at disiplinahin ang mga halal ng USG kaugnay ng paglabag sa batas.
“Through this newly established office, we can demand better and cleaner governance that we all deserve from our USG officers,” giit ni Nuñez.
Patutunguhan ng opisina sa hinaharap
Inihayag din nina Nuñez at Villamor ang kanilang mga plano sa Office of the Ombudsman. Matapos umanong maipakilala ang Ombudsman Council sa kanilang opisyal na Facebook page, pinaplano nina Nuñez na gumawa ng tatlong proyekto para sa susunod na mga termino.
Una rito ang pagkakaroon ng recruitment of officers na magiging bahagi ng kanilang opisina. Sunod ang paglapit sa mga Lasalyano upang mas makilala at maunawaan ang mga tungkulin ng ombudsman. Ani Nuñez, “this is to let everyone know and understand our duties, powers, and responsibilities so that we can utilize these for the furtherance of good and clean governance that we all deserve.”
At panghuli, nais nina Villamor na makalikha at makapaglathala ng Rules of Procedures of the Office of the Ombudsman upang mabuo ang panlabas at panloob na sistema at proseso ng opisina sa pag-uusig, pag-iimbestiga, at pagdidisiplina sa mga opisyal ng USG.
Ngayon pa lamang, nagpahayag na ng pasasalamat si Villamor sa mga Lasalyanong nagnanais maging bahagi ng kanilang opisina. “For those planning and who are interested in joining the Office of the Ombudsman, it would be an honor to work with all of you. The USG needs you,” ani Villamor.
Bagamat mahirap, umaasa rin ang pinuno ng ombudsman council na kanilang bubuuin at pagtitibayin ang bagong opisina ng USG sa tulong at suporta ng pamayanang Lasalyano. Pagtatapos ni Nuñez, “we promise to always uphold the law and justice above all else and that we will fully exercise our duties, powers, and responsibilities for a better USG.”