PINATUNAYAN ng Blacklist International (BLCK) na ang Pilipinas ang pinakamalakas sa buong mundo pagdating sa Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) matapos kalusin ang puwersa ng BloodThirstyKings (BTK), 3-1, para sa huling puwesto ng grand finals ng MLBB M3 World Championship kagabi, Disyembre 18, sa Suntec Singapore International Convention.
Bumulusok ang BTK sa pagsisimula ng unang yugto ng laro nang makagawa sila ng 3-0 run. Matapos nito, kinuha ng koponang Amerikano ang kalamangan sa early game mula sa pagkitil ng turtle. Sa kabila nito, maingat na galawan ang ikinasa ng BLCK upang makaiwas sa nagbabadyang peligro na hatid ng katunggali.
Ginulat naman ng BLCK ang BTK sa late game matapos magkaroon ng momentum at makapuslit ng lord. Bukod pa rito, natibag ng tower dive ng Paquito ni Edward ang Granger ni MobaZane. Nagbigay-daan ang clutch play na ito upang tuluyang tibagin ang pinakamatalim na sandata at carry ng BTK. Nagpatuloy rin ang momentum ng BLCK hanggang sa dulo ng laban sa iskor na 9-6, pabor sa panig ng koponang Pilipino.
Ipinalasap ng BLCK ang ragasa ng kanilang pormasyon sa pagsisimula ng ikalawang yugto ng laban matapos selyuhan ang first blood kontra scoring machine MobaZane. Matapos nito, bumagal ang takbo ng laro at nagpokus ang dalawang koponan sa pag-farm at pag-split push. Namayagpag ang core ng BLCK na si Wise sa pagpuslit ng gold bunsod nito. Buhat nito, nakamit ng naturang manlalaro ang mahigit 12,000 gold sa pagtatapos ng bakbakan.
Pagsapit ng 13:34 minuto ng laro, matagumpay na kinalbo ng BLCK ang turrets ng BTK na nagsilbing tulay sa pagkamkam nila ng 6.1K gold lead. Bunsod ng kanilang malabundok na kalamangan, tuluyang tinuldukan ng BLCK ang bakbakan na pinangunahan ni MVP Edward tangan ang dalawang kill at limang assist.
Bumalikwas naman ang BTK sa ikatlong yugto ng laro upang makabawi sa kanilang sunod-sunod na pagkatalo. Kaakibat nito, inilabas ni MobaZane ang bangis ng kaniyang Roger upang pangunahan ang kaniyang koponan kontra BLCK. Sa huli, tinuldukan ng BTK main gun ang naturang laro matapos makapagtala ng sumatotal 14 na kill at dalawang assist, daan upang selyuhan ang kanilang unang panalo sa laban.
Sa pagbukas ng ikaapat na yugto, agad na pinamangha ni OHEB ang kaniyang mga tagahanga nang umukit siya ng umaatikabong triple kill na nagbigay-daan upang makalamang sila kontra sa katunggali. Nasungkit din ng BLCK ang turtle sa early game na pinangunahan ni Wise. Bunsod nito, hinakot ng koponang Pilipino ang liderato sa gold kaya bumagal sa pagbuo ng items ang carry ng BTK.
Sa huli, tuluyang pinatumba ng BLCK ang BTK bunsod ng kanilang nagbabagang UBE strategy. Pinangunahan ito ni MPL PH MVP Hadji na ikinasa ang kaniyang knock up skill na wild charge mula sa kaniyang tank hero na si Grock. Tangan ang hangaring tapusin ang laban, mabagsik na sinundan ni The Queen OhMyV33NUS si Hadji upang paslangin ang mga katunggali gamit ang kaniyang real world manipulation skill mula sa mage hero na si Yve, 17-16.
Lubos namang nagalak si OhMyV33NUS sa kanilang pagkapanalo matapos malaglag ng BLCK sa lower bracket ng playoffs bunsod ng kanilang unang talo kontra BTK. “I’m so proud of my team, like I can see their efforts since we went down to lower bracket [playoffs],” pagwawakas ng kapitan ng BLCK sa kaniyang post-game interview.
Matagumpay na gumanti ang BLCK kontra BTK na mismong nagpadapa sa kanila noong upper bracket playoffs. Bunsod nito, aabante ang BLCK sa grand finals ng torneo kasama ang kapwa koponang Pilipino na Onic Philippines. Tunghayan ang kaabang-abang na laban sa pagitan ng dalawang koponan mamaya, ika-5 ng hapon.