Nitong Nobyembre 21, nagsagawa ng caravan ang mga taga-suporta ni presidential candidate Bongbong Marcos (BBM) sa Ilocos Norte. Ayon sa ulat, tumagal ang nasabing caravan nang halos pitong oras at humigit-kumulang 100,000 katao ang dumalo. Bagamat inaasahan na rin namang marami ang dadalo sa tinawag nilang “BBM Unity Ride”, hindi ko pa rin mawari kung ano nga ba ang kanilang mga dahilan kung bakit sila sumali sa caravan at patuloy na sinusuportahan ang pamilyang Marcos. Upang masagot ang aking katanungan, sinubukan kong lumapit sa ilan sa mga dumalo at halos lahat sila ay iisa ang sagot—“dahil Ilokano kami at Ilokano rin sila [mga Marcos].” Bilang taga-Ilocos din, hindi na nakagugulat at hindi na bago para sa akin na marinig ang ganitong mga pahayag. Oo, naiintindihan kong mahalagang suportahan ang kapwa Ilokano, pero kung halalan ang pinag-uusapan; kung kinabukasan ng mga mamamayan—hindi lamang ng mga Ilokano—ang kailangang isaalang-alang, masasabi ba nating sapat na ang dahilang ito upang suportahan at higit sa lahat, iboto ang isang kandidato?
Tulad ng karamihan sa aking mga kapwa Ilokano, masasabing lider na may mataas na pangarap at masasabing kuwalipikadong tumakbo sa pagkapangulo si BBM. Gayunpaman, kaakibat pa rin nito ang maraming stipulasyon, kondisyon, at limitasyon. Ang hindi ko lamang maintindihan ay ang patuloy na pang-aatake ng mga Ilokano sa mga kapwa nila Ilokano na may paniniwalang hindi tugma sa kanilang paniniwala. Bakit ginagamit ng mga tao ang katotohanan na Ilokano ako para kondenahin ang aking pagsuporta sa isa pang kandidato.
Oo, Ilokano ako pero sa Halalan 2022, ibang pinuno ang sinusuportahan ko. Gaya ng inyong pinuno, hindi rin siya perpekto. May mga katanungan tungkol sa kaniyang kakayahan, ngunit para sa akin, sapat na ang kaniyang napatunayan—mula sa kaniyang malinis na track record, mga nagawang inisyatiba sa pagtugon ng pandemya, at ang kaniyang paninindigan sa iba’t ibang isyu—masasabi kong, siya ang pinunong kailangan ng bansa.
Kaya naman, nananawagan ako sa mga kapwa ko Ilokano. Nawa’y hindi kayo nagbubulag-bulagan, nawa’y hindi kayo nakikiayon lamang dahil mas malalim pa diyan ang usapang halalan.
Ika nga ni @steelawake sa Twitter, “Bes, ang Martial Law parang bagyo. May lugar na umulan, may nasalanta, may namatayan. Sa iba, umaraw. So, wala ka nang paki kasi naarawan ka?”
Oo, umaraw sa Ilocos Norte noong panahon ng Martial Law, ngunit babalewalain na lamang ba natin ang mga naulanan sa ibang lugar?