Lubhang pinalala ng pandemyang COVID-19 ang kalagayan ng sektor ng manggagawa dulot ng banta at restriksyong kaakibat nito. Bagamat inaasahang kaligtasan at kapakanan ang pangunahing paiigtingin ng gobyerno, nawaglit na kabuhayan at buhay na walang kasiguraduhan ang bumabandera sa hanay ng mga manggagawang sinusubok ng krisis pangkalusugan at kabuhayang nalugmok sa kahirapan.
Kasalukuyang nakasalalay sa estratehiyang inihahain ng gobyerno ang kakayahan ng bansang sugpuin ang pandemya at epektibong maibangon ang ekonomiya. Subalit, sa kabila ng pagluluwag ng gobyerno sa restriksyon ng pandemya, nananatiling pa ring nasa 8.9% ng mga nawalan ng trabaho nitong Setyembre batay sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority.
“Our appeal is for a robust budget to address unemployment. If there is no intervention, the economy would fall and small companies would fold up, plunging workers further into poverty,” panawagan ni Atty. Sonny Matula, presidente ng Federation of Free Workers.
Kabuhayang iginapos ng pandemya
Ibinunyag ng Department of Labor and Employment na umabot sa halos sampung milyong manggagawa ang naapektuhan ng pandemya noong nakaraang taon dulot ng mahigpit na pagpapatupad ng quarantine sa mga lalawigang may mataas na kaso ng COVID-19. Bagamat bahagi ng balangkas ang pagpapanukala ng lockdown sa iba’t ibang lugar, tila ramdam pa rin sa kasalukuyan ang pinsalang dulot nito sa mga pamilya ng mga manggagawa.
Walang ligtas sa mapanghamong kumpas ng panahon ang sektor ng mga manggagawa matapos lumabas sa pagsisiyasat ng International Labour Organization na halos dalawang milyong manggagawa sa bansa ang naapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng 83,000 establisyemento nitong Agosto. Bunsod nito, hindi maitatangging nababawasan ang oportunidad para sa mga manggagawang makahanap muli ng pagkakakitaan na may kalidad sa gitna ng krisis pang-ekonomiya at pandemya.
Ayon sa ulat ni JC Punongbayan ng Rappler, sumasabay sa humihirap na sitwasyon ang naitalang 4.8% inflation rate nitong Setyembre at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at iba pang bayarin, tulad kuryente, tubig, at iba pang pangangailangan sa pang-araw-araw. Aniya, hindi makatarungan ang patuloy na paglobo ng inflation rate sa gitna ng masalimuot na sitwasyon ng bansa ngayong pandemya lalo na at hindi pa nakababangon ang ekonomiya. Naniniwala siyang patunay lamang ito na hindi nagtatagpo ang kalagayang pangkabuhayan ng mga mangggagawa sa kaginhawaang matagal na nilang inaasam.
Paghihikahos upang makaraos
Sinubaybayan sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang danas na ibinahagi ni Kristine Aira Sta. Maria, isang dental aide, sa gitna ng pandemya bilang isang karaniwang manggagawang naiipit sa pagitan ng gobyernong patuloy na nagbubulag-bulagan at ekonomiyang patuloy na nasasadlak sa kahirapan. Ayon kay Sta. Maria, matinding pasakit ang idinulot ng pandemya sa kaniyang paghahanapbuhay, lalo na sa usaping pinansyal.
“Nahirapan ako dahil mas naging limitado ang mga araw ng aking pasok at hindi nagiging sapat ito para sa aking pag-aaral at para sa aking pamilya. Dahil din sa pandemya ay madalas na hindi nakakapagbigay ng suportang pampinansyal,” paglalahad ni Sta. Maria.
Isang repleksyon ng sitwasyong puno ng pinaghalong paghihirap at kaba dahil sa kawalan ng seguridad ng kanilang trabaho. Gayunpaman, hindi nakalimot si Sta. Maria na ipahayag ang kaniyang pagkadismaya sa kakulangan ng gobyernong bigyang-tuon ang sektor ng mga manggagawa, partikular sa aspekto ng pagbibigay ng karampatang kompensasyon para sa mga healthcare worker.
“Napapagod na ang ating mga doktor at nars, pero mas nakakapagod kung hindi ka inaalagaan ng gobyerno mo,” ani Sta. Maria.
Pagguho ng ekonomiya
Sa pagdating, pananatili, at pagtindi ng COVID-19 sa bansa, hindi maiiwasang maapektuhan ang ekonomiya at ang lahat ng sektor na kaakibat nito, tulad ng mga manggagawa. Ayon kay Gregory Mankiw, ekonomista mula Harvard University, tuwing tumataas ang bilang ng mga nawawalan ng trabaho, bumababa rin ang bilang ng mga nabubuong produkto at naibibigay na serbisyo sa publiko. Bunsod nito, bumababa ang bilang ng mga produkto at serbisyong maibebenta na nagdudulot ng pagbaba ng kalidad ng pamumuhay sa lipunan. Sa huli, habang patuloy na nagtitiis at nagdurusa ang mga mamamayang Pilipino sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya, bumababa rin ang kalidad ng pamumuhay na kanilang nararanasan.
Bukod dito, tila walang espasyo na lunurin ang sarili sa kaalaman at mga libro sa mga pagkakataong mas kinakailangang tugunan ang kumakalampag na sikmura. Nakadudurog ng puso para sa mga manggagawang na masaksihan ang kanilang pamilyang patuloy na nagtitiis sa buhay na walang kasiguraduhan. Subalit dahil sa desperasyong makaahon sa kasalukuyang kalagayan, marami sa kanila ang pinipiling makipagsapalaran sa ibang bansa kahit maging sanhi rin ito upang mas bumaba ang puwersa ng paggawa sa bansa. Walang makapagbabato ng sisi sa mga manggagawang nais lamang patuloy na mabuhay at umahon sa lipunang kumakalinga lamang sa interes ng iilan.
Bagamat walang pinipiling antas sa lipunan ang pandemya, nananatiling mapait na reyalidad na magkakaiba pa rin ang delubyong sinasalubong ng bawat isa. Natatamo ng iilan ang pribilehiyo ng komportableng buhay ngunit nananatili itong panawagan para sa karamihan. Habang nangangalampag at naghihikahos ang mga nasa laylayan, patuloy na mahimbing ang tulog ng mga taong nasa kapangyarihan at tila nasasakluban ng pribilehiyo ang kanilang mga tainga. Kaya, higit kailanman, nararapat na tumindig ang mga nasa laylayan at gamitin ang patak ng tinta sa mga balota sa darating na eleksyon upang maghalal ng mga pinunong gising at marunong makinig sa hinaing ng mga biktima ng kahirapan at pagpapahirap.