Sa tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan sa Pilipinas, tanaw sa bawat pintuan at bintana ang mga parol na sumisimbolo sa espesyal na tradisyon ng Paskong Pilipino. Dala-dala ang liwanag na nagbibigay-aninag sa kasiglahan at pag-asa, kalakip nito ang masasayang alaalang handog ng Pasko sa bawat isa. Nitong lumipas na taon at mga buwan, humarap at patuloy pa ring humaharap sa malaking hamon ang mga Pilipino dahil sa paglaganap ng pandemya na nakaaapekto sa nakasanayang gawain na bahagi ng ating mayamang kultura—ang makulay at malikhaing pagdiriwang ng mga Pilipino sa Kapaskuhan.
Isang disenyo at magandang palamuti kung ituring ng iba ang mga parol sa daan at kabahayan, ngunit para sa mga kapwa nating Pilipino na gumagawa at nagdidisenyo nito, isa itong pundasyon ng kanilang buhay—nagsisilbing hanapbuhay para lumarga sa araw-araw. Sa kapansin-pansing pagbaba ng bilang ng mga makikitang parol sa komunidad nang dahil sa pandemya, mahalagang makilala natin at malaman ang buhay ng mga taong nasa likod ng mga kumukuti-kutitap na parol, at sa paanong paraan nila hinarap at patuloy na hinaharap ang mga pagsubok na siyang nagpahina sa liwanag ng nagniningning na palamuti ng Kapaskuhan. Kumusta na nga ba sila?
Pagbuo sa mga bituin
Panandaliang bumababa ang kalangitan sa mga kalye tuwing papalapit na ang buwan ng Disyembre—puno ito ng mga palamuti, tulad ng makukulay na ilaw na may iba’t ibang hugis at ng mga nagniningning na parol. Bagamat patuloy na lumalago ang ating kultura, nananatiling simbolo ng Kapaskuhan ang mga maliwanag na parol. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Virginia Medrano, ibinahagi niya ang kaniyang mga karanasan at pananaw bilang isang bihasang tagagawa ng parol.
Isang mabusising proseso ang pagbuo ng isang parol. Ani Medrano, nagsisimula ito sa paggawa ng balangkas gamit ang kawayan at patitibayin naman ito sa pamamagitan ng pagpukpok. Sunod, didikitan ito ng charol, isang plastik na materyales na karaniwang ginagamit bilang pantakip sa nabuong balangkas, at babanatin upang maging mas kaaya-ayang tingnan ang produkto. Matapos lagyan ng hugis bulaklak na charol ang tatlong sulok ng bituin, sunod namang ilalagay ang dalawang buntot nito upang makompleto ang tradisyunal nitong itsura. Para sa mga kagaya niyang matagal nang lumilikha ng parol, umaabot lamang ng sampu hanggang labinlimang minuto ang paggawa sa isang tipikal na parol, bagamat nagbabago ito ayon sa laki ng produkto. Sa oras na mabuo na ang parol, tutungo naman ito sa susunod nitong destinasyon—sa mga bentahan.
Sa mga palengke man, barangay, eskuwelahan, o paglalako, marami ang patuloy na tumatangkilik sa parol. Sa ganitong paraan kumikita si Medrano, at tulad ng mga parol na naghatid ng liwanag sa kaniyang buhay, umaasa siyang makapagbibigay ito ng pag-asa sa kaniyang mga mamimili. Bagamat nakararanas siya ng ilang hadlang, tulad ng pagod, kakulangan sa materyales, at mga mamimiling hindi niya nakasusundo, nagpapatuloy siya sa trabahong ito dahil bukod sa sapat na salaping kaniyang kinikita, marami rin siyang nakahahalubilong tao. “Nagkakaroon din ako ng mga bagong kakilala at mas napapagyaman ko ang aking kakayahan sa tuwing gumagawa ako [ng parol],” ani Medrano.
Kultura sa likod ng parol
Nang lumaganap ang pandemya, tila napunding lampara ang mga parol na nagsisilbing pangunahing pangkabuhayan ng pamilya ni Medrano. Lubos na naapektuhan ang kanilang pinagkakakitaan dahilan upang mabawasan ang bilang ng kanilang mga mamimili. Gayunpaman, tulad ni Medrano, umaasa ang mga gumagawa ng mga parol na muli nilang masisilayan ang liwanag at makakamit ang kaginhawaan.
Sa kabila ng suliraning dulot ng kasalukuyang sitwasyon, patuloy pa rin ang pamilya ni Medrano sa kanilang nakagisnang selebrasyon tuwing Kapaskuhan. Ibinahagi niya na tuwing Pasko, pumupunta sila sa simbahan para magpasalamat sa Diyos at nagsasagawa rin ng handaan at palitan ng regalo sa isa’t isa. Para kay Medrano, hindi lamang isang simpleng dekorasyon ang parol. Aniya, “Ito ay simbolo ng pagsilang ng ating panginoon na si Hesus. Ito ang mga tala na nagdadala ng liwanag sa malamig na gabi sa araw ng Pasko at nagdadala ng kasiyahan sa mga tao.”
Pag-asang dala ng liwanag
Naging limitado ang maraming gawain at nag-iba ang tanawin dahil sa pandemya—madilim at tahimik na kapaligiran na lamang ang karaniwang nakikita kahit sa pagsapit ng Kapaskuhan. Hindi naging madali ang desisyon upang ipagpatuloy ang paggawa ng parol na siyang nagbibigay-kulay at liwanag sa bawat tahanang madadatnan sa daanan. Nagdulot man ng malaking pagbabago sa ating kinagisnan ang pandemya, magpapatuloy pa rin ang kultura ng mga Pilipino sa paggamit ng parol pati na rin ang liwanag nitong nagbibigay at nagsisilbing pag-asa para sa lahat.
Palaging pakatandaan ang mga alaalang nakapinta sa ilaw ng mga parol—matitingkad na kulay na nagpaliliwanag sa daanan, malalakas na tunog na nagbibigay-sigla at nagpaaalala ng masayang diwa ng Kapaskuhan, ang pananabik na kitang-kita sa kislap ng mata ng bawat indibidwal, at ang pag-asang maipagdiwang ang Pasko tulad ng nakasanayan.