“Cubao Station. Nakarating na tayo sa Cubao Station.” May sinusundang siklo ang tren pagdating sa mga lugar na dapat nitong paroroonan. Matapos magbaba sa huling estasyon, babalik muli ito sa unang estasyon — doon na magsisimula ang siklo nito. Tulad ng isang tren, may patutunguhang direksyon ang ating mga buhay na isinasabuhay. Subalit, sa buhay ng tao, mayroon lamang tayong dalawang estasyon, ang pagkabuhay at pagkamatay. Taliwas ng sa tren, sa oras na humantong ka na sa huling estasyon, hindi ka na maaaring bumalik sa pagkabuhay.
Hatid ng University of the Philippines-Los Banos College of Arts and Sciences, sa pamumuno ng mga estudyante ng BA Communication Arts, ang Limbo Rak, isang collaborative festival na itinampok ang mga gawa ng mga estudyante mula sa mga seksyong THEA 102, THEA 103, at THEA 157. Mula sa panulat ni Jennifer Angeles at sa direksyon ni Jc Villareal, kanilang itinampok sa dulang ‘Waiting Room’ ang konsepto ng purgatoryo at ang kuwento ng pagsisi ng mga taong nasa hantungang ito. Sa kabilang dako naman, isang kahindik-hindik na istorya tungkol sa pagmamahal at pagkabuhay ang hatid ng dulang ‘Terminal’, mula sa panulat ni Erick Aguilar at sa direksyon ni Darlene Villabriga.
Araw-araw, tinatahak natin ang buhay nang walang kasiguraduhan—walang kasiguraduhan sapagkat dalawa lang naman ang maaaring mangyari sa ating kinabukasan—magpatuloy sa buhay o harapin ang kamatayan. Sa pagitan ng dalawang estasyon, napakaraming alaala ang nabubuo, masasaya at masasalimuot na gunitang patuloy na panghahawakan hanggang sa kadulu-duluhan ng ating buhay.
Hatol ng kamatayan
Sa tala ng ating buhay, bakit tila isang pagdurusa ang paghihintay ng isang patawad? Hindi ba sapat ang pagsisisi at paglalaan ng oras upang muling makuha nang buo ang loob? Bagamat kalakip ng pagsisisi ang pagsubok, may nalalabi pa ring oras upang pagnilayan ang mga kasalanang ginawa at mga kasalanang tila hindi naman sinasadya.
Sa panulat ni Jennifer Angeles at sa ilalim ng direksyon ni Jc Villareal, itinanghal sa “Waiting Room” ang konsepto ng paghihintay at pagpapalaya sa sarili nating mga multo at anino. Ipinakita sa dulang ito ang mga kuwento at danas ng mga espiritung bilanggo ng kanilang mga alaala noong buhay pa sila. Sa pagsilip sa apat na sulok ng waiting room, makikita ang dalawang pintuan, isang kulay puti at isang kulay itim. Isinasalamin ng puting pintuan ang konsepto ng langit na ang tanging mga tagasundo lamang ang may kakayahang magbukas nito. Sinasagisag naman ng itim na pintuan ang daan pabalik sa mundo ng mga tao bilang isang espiritung ligaw. Sa kabila nito, mapapansing magkakaiba ang itsura ng waiting room dahil naaayon ang itsura ng kuwarto base sa isang alaalang hindi pa waring mabitawan ng isang espiritu pagdating ng oras ng kaniyang kamatayan.
Sa waiting room, muling ginunita ng mga espiritung tulad nina Lily, Ken, at Marko ang mga huling araw ng kanilang buhay at ang mga tanda ng kanilang mga pagsubok. Mula rito, muli nilang hinarap ang hamon sa likod ng kanilang pagkamatay at napagtantong kinakailangan nilang palayain at patawarin ang sarili mula sa rehas ng kanilang nakaraan. Tila ipinakita ng dula ang pananabik ng mga espiritu na tuluyang matanggap at nakapasok sa puting pintuan habang kanilang pasan ang hamon ng pagbitaw at buong-loob na pagtanggap sa katotohanan ng kanilang mga karanasan. Sa kabila ng pandemya, matagumpay na nailahad ng dula ang konsepto ng paghihintay at pagpapatawad sa pamamagitan ng mahusay na pagbuo sa mga karakter at malikhain na pagpapahayag. Dama sa bawat linya ang emosyong nais iparating habang matagumpay na nailarawan ang mga bagay na karaniwan nating pinaglilingapan sa punto ng ating kamatayan.
Sa pagitan ng pananatili at pag-alis
Walang nakaaalam kung saan patungo ang tren. Bagamat sa oras na piniling sumakay sa tren, hindi ka na makakabalik. Inilarawan ng dulang “Terminal”, sa panulat ni Erick Aguilar at sa direksyon ni Darlene Villabriga, ang agos ng dugo ng mga pusong umiibig at ang paglalakbay ng mga taong hinahanap ang sarili. Sa terminal na ito, mapakikinggan ang iba’t ibang kuwento ng pamilyar na himig ng pag-ibig at yapak ng kahandaan.
Isang siglo ang kinakailangang hintayin ng mga taong nais sumakay sa tren, subalit sa oras na magkaroon ng pagkakataong makalakbay, naduduwag at tila unti-unting niyayakap ng takot at pangamba ang buong pagkatao nilang sasakay. Bagamat marami ang sumasakay ng tren, mayroon pa ring mga pinipiling magpaturok ng serum na nagbibigay ng karagdagang siglo sa buhay ng isang tao–tila pinapahiwatig nito ang pagharap sa desisyong lumisan o muling manatili sa kasalukuyang mundong ginagalawan. Sa dulang ito, ipinakita ang iba’t ibang dahilan sa likod ng hindi pagsakay at hindi pananatili–ang katuwiran sa likod ng pamumula’t paririto.
Nahahati sa tatlong parte ang dulang Terminal–ang kuwento ng bata, ng matanda, at ng ikakasal. Ipinakita ng mga ito ang siklo ng pagsisisi at pasasalamat sa paglisan sa terminal. Sa panahong buo na ang loob na sumakay sa tren, tumitindig ang pagtanaw ng pagpapasalamat sa mga nais pasalamatan dahil oras na upang pumunta sa huling paroroonan. Mapapansin din ang bigat sa bawat hakbang papasakay sa tren. Unti-unting hihiling ng isa pang pagkakataon upang marating at makamit ang tunay na inaasam–ang makasakay sa tren. Kasabay ng hiling na ito ang paglalaan ng oras sa paghihintay at pagnanais na muling makasama ang matagal nang hinihintay–ang ating mga minamahal sa buhay. Gayunpaman, kaakibat ng paghihintay sa terminal na ito ang paglagpas ng pagkakataong makarating sa nais mong paroroonan. Sa huli, tila nagsilbing sukatan ang kabuuan ng loob ang katiyakan ng iyong kahihinatnan sa kinabukasan. Kung ikaw ang tatanungin, handa ka na bang sumakay sa tren?
Kasarinlan mula sa mga alaala
Patuloy tayong hahabulin ng ating mga alaala hanggang sa ating huling hantungan. Pinapaalaala ng mga dulang hatid ng Limbo Rak na mahalagang matuto tayong patawarin at palayain ang ating mga sarili mula sa ating nakaraan. Sa huli, tayo pa rin ang may kapangyarihang magdikta sa ating patutunguhan, mapaglaro man ang tadhana ng buhay. Tulad nga ng sabi ni Pulubi, isa sa mga karakter sa dulang Terminal, “Huwag kang pumayag sa pagdalaw ng alaala. Ang alaala ay para lamang sa mga taong may napakaraming lungkot at pinagsisisihan. Hindi mo na ito mababalikan.”
Masakit man, ngunit kailangan nating lunukin ang katotohanang hindi na natin mababalikan ang ating mga alaala. Sa oras ng ating pagkamatay, mananatili na lamang na alaala ang mga gunita—hindi na mababago pa. Magsisilbi na lamang itong mga aral para sa mga naririto pa. Habang nabubuhay sa mundong ibabaw, alamin natin ang kahalagahan ng ating pamumuhay sa mundong ibabaw. Sa huli, matutuhan sana nating pahalagahan ang mga taong nakasama natin, lalong-lalo na sa pinakamadidilim na bahagi ng ating buhay.