Patuloy pa rin ang pakikipagbuno ng mga guro’t estudyante sa mapanghamong online na klase sa loob ng dalawang magkasunod na taong panuruan. Mistulang sinagtaon na ang layo ng matatamis na palahaw ng mga estudyanteng nagtatampisaw sa pagpapaulan nina Sir at Miss ng mga kwatro’t incentives. Sa kasalukuyan, imbis na sinag ng panibago’t masigasig na araw ang dumadampi sa kanilang mga banayad na ngiti, nakasisilaw na iskring puno ng mga pangalan ang kanilang kaagapay sa pag-aaral. Dulot ng biglaang pagtila ng pagbuhos ng interaksyon sa pagitan ng guro’t estudyante sa mga silid-aralan dala ng pandemya, tila nanuyot ang daloy ng pang-araw-araw na talakayan sa loob ng klase. Ngayon, ramdam sa mainit na ihip ng kompyuter ang pagkauhaw ng lahat sa panunumbalik sa tradisyunal na moda ng pag-aaral.
Masasabing isang kathang-gunita na lamang ang mga interaksyong nagpapabuhay sa sigasig ng klase nina Sir at Miss—ang pisikal na pagtaas ng mga kamay, ang masilayan ang mga mukhang sabik sa dunong, at ang pangkalahatang armonya’t relasyon sa pagitan ng silid-aralan at guro. Kasabay sa pagbukas ng ating mga iskrin ang pakikiisa sa danas ng ating mga propesor sa hamon ng pagtuturo sa gitna ng pandemya.
Solusyong pansamantagal
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel si Madeleine Estabillo, isang propesor sa Pamantasang De La Salle (DLSU) na apat na taon nang nagtuturo sa School of Economics, upang ibahagi ang kaniyang mga karanasan sa pagtuturo sa ilalim ng online na set up; isang panig na hindi gaanong nasisilayan ng mga estudyante.
Ayon kay Estabillo, dalawang klase ng interaksyon ang mahirap punan ng kasalukuyang set up base sa kaniyang karanasan noong face-to-face na klase at ngayong online na klase—ang interaksyon ng estudyante sa kapwa niya estudyante at ang interaksyon ng estudyante sa kaniyang guro. Sa unang klase ng interaksyon, ibinahagi niyang maraming natututuhan ang mga estudyante kapag pisikal nilang kasama ang kanilang mga kaklase dahil nakapagtatanungan sila para sa kanilang mga gawain. Kompara sa kasalukuyang sistema, iba pa rin daw ang pisikal na interaksyon kaysa sa mga indibidwal na mensaheng isinasagawa online. Sa pangalawang interaksyon naman, kaniyang inilahad na, “kaming mga guro, minsan, doon kami nakakakuha ng ideya sa mukha ng mga estudyante kung naiintindihan nila yung leksyon.”
Upang mapunan ang kakulangan ng pisikal na interaksyon sa klase, ginagamit ni Estabillo ang Zoom reactions bilang batayan upang makita kung naiintindihan ng kaniyang mga mag-aaral ang mga aralin. Sa loob ng kaniyang klase, bahagi sa rutina ni Estabillo bilang guro ang pagbubukas ng kaniyang Zoom meeting nang mas maaga sa takdang oras ng kaniyang klase. Aniya, kaniya itong ginagawa upang “[masigurado] na kung ano mang problema . . . maasikaso ko na bago magsimula.” Bago pormal na magturo ng mga aralin, sinisimulan ni Estabillo ang bawat klase sa isang panalangin. Pagtapos nito, kinukumusta rin niya ang kaniyang mga estudyante dahil aniya, “gusto kong malaman kung okay lang sila o kung kamusta sila.” Minamabuti rin niyang balikan ang mga nakaraang aralin dahil kalimitang malayo ang agwat ng kanilang mga synchronous meeting.
Pagpapaigting ng sigasig
Krusyal na aspekto ng isang mapagpayabong na espasyo ang pagpaparamdam ng presensya ng guro’t estudyante sa bawat isa sa pamamagitan ng kanilang mga interaksyon sa loob ng klase. Higit na mahalaga kay Estabillo na magawang mapanatili ang interes at sigasig ng kaniyang mga estudyante sa pagkatuto. Kaya naman, malimit siyang nagbibigay ng mga in-class activities na pumupukaw sa atensyon ng kaniyang mga estudyante. Sa kabila nito, hindi nawawala ang umuugong na pagkabahala ukol sa pagkakaintindi ng mga mag-aaral sa mga aralin. Inihayag din ni Estabillo na isa sa negatibong aspekto ng online na klase ang mga hindi makitang tugong di-berbal at ang mga ekspresyon ng mga estudyante sa kanilang mga mukha dahil dito nila nalalaman kung epektibo ba ang kanilang pagtuturo.
Sa kaniyang karanasan sa online na klase, napagtanto ni Estabillo ang kahalagahan ng pisikal na interaksyon sa pagitan ng mga indibidwal. Aniya, may mga bagay na matututuhan lamang ng harap-harapan sa kapwa kung kaya’t mahirap mag-aral mag-isa sa harap lamang ng iskrin. Ngunit, natutuhan din ni Estabillo ang kahalagahan ng teknolohiya upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng isang tao. Aminado siyang “kaming mga faculty, takot na takot kaming sumubok ng mga tools [na makikita] online.” Bagamat kabilang sa henerasyong hindi gaanong bihasa sa sopistikadong porma ng teknolohiya, marapat lamang daw na buksan ang kanilang isipan sa pagkatuto ng paggamit nito. Sa ganitong paraan, mas mapadadali raw ang trabaho nila sa pagtuturo. Bilang panghihikayat sa kaniyang mga kapwa guro, iminumungkahi ni Estabillo na ipagpatuloy ang pagiging bukas ng kanilang isipan sa pagkatuto sa paggamit ng teknolohiya sapagkat kasabay ng pag-usbong ng teknolohiya ang pagsibol ng makabagong pamamaraan ng pagtuturo. Aniya, “hindi lang ito makatutulong ngayon . . . [kundi] magagamit [din] namin ito sa hinaharap.”
Liwanag sa likod ng iskrin
Bagamat nagliliwaliw sa puso’t isipan ang pagkabagot sa gitna ng kasalukuyang sistema, maraming mga guro ang nagpupursiging makisabay sa indayog ng teknolohiya sa gitna ng pandemya. Hindi rin madali ang mga kinahaharap ng mga gurong gaya ni Estabillo na nagsisilbing liwanag ng dunong sa mga blankong kwadrado sa kabila ng mga pagsubok sa likod ng iskrin. Sa pamamagitan ng kanilang malikhaing pagpapaunlad sa mga estilo ng pagtuturo, nagagawa nilang busugin ang bawat isipang gutom sa karunungan, pukawin ang mga diwang nangangailangan ng sigasig, at gabayan ang bawat hakbang ng mga mag-aaral tungo sa wangis ng bagong normal.