PABIGAT, PABUHAT, AT WALANG AMBAG—ganito kalimitang inilalarawan ng ibang manlalaro ng Multiplayer Online Battle Arena (MOBA) ang papel na ginagampanan ng mga gamer na support. Iisang laban man ang sinasalihan ng bawat koponan, hindi maikakaila na higit na mataas ang pagkilala na natatangap ng mga manlalarong laging laman ng mga game highlight sa iba’t ibang Esports competition.
Kaakibat nito, madalas na naisasantabi ang mga manlalarong support kompara sa ibang posisyon, tulad ng carry at jungler, na laging laman ng game highlights sapagkat sila ang laging nakakukuha ng kill. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, ibinahagi nina Karl Benjamin Gomez, coach ng De La Salle University Viridis Arcus (VA) League of Legends: Wild Rift team, at AJ Ivherson Nalangan, manlalarong support ng VA, ang kahalagahan ng mga support hero sa kanilang mga laban sa pangkolehiyong torneo.
Higit pa sa numero
Itinuturing mang simple ng mga manlalaro at tagahanga ang papel na ginagampanan ng mga support, nalalayo naman ito sa katotohanan sapagkat may kaniya-kaniyang kahinaan at kalakasan ang bawat posisyon ng mga hero sa MOBA. “I think without support players in the team, like no doubt the team will definitely collapse so badly,” ani Gomez.
Malaking parte rin ang ginagampanan ng isang support hero sa isang koponan dahil nakapagbibigay ito ng crowd control at healing skills para alalayan ang kaniyang mga kakampi sa laban. “[Support players] ang nagbibigay-gabay at kaligtasan sa mga carry upang maipanalo ang laro,” giit ni Nalangan.
Sa kabila nito, karaniwang pinapansin ng mga tagahanga ng mga larong MOBA ang mga numero o stats na lumalabas pagkatapos ng laro; kabilang dito ang gold per minute, kills, deaths, at assists. Pabor ang mga numerong ito sa mga itinakdang tagabuhat ng koponan dahil tungkulin nilang mag-ipon ng gold at pumitas ng kill habang sinisiguro naman ng mga support na ligtas ang kanilang mga kakampi.
Hindi man lubos na nasasalamin sa resulta ng match ups ang mga ambag ng mga manlalarong support, nararapat na mapansin na nakatuon ang posisyong ito sa mga numerong hindi nakikita sa laban. Kabilang dito ang tamang shotcall ng mga support sa bawat bakbakan—pagpili ng dapat unang suportahan na kakampi at matulungang makaatras ang koponan tuwing nakalalamang sa team fight ang mga kalaban.
Suporta para sa mga support
Umaani ng mga negatibong komento ang mga manlalarong support sa tuwing hindi kanais-nais ang nangyayari sa laro. “It’s like the problem is people forget what you do good but they will always remember [if you did] something wrong,” sambit ni Gomez. Bihira man itong napapansin sa laro, lubos nitong naaapektuhan ang mga manlalaro. “Maaaring magbigay ito ng lakas at sigla kung maganda [ang feedback]. . . o ‘di kaya’y lungkot at kawalan ng pokus kapag nakatatanggap ng negatibong komento,” ani Nalangan.
Nararapat na bigyan ng pantay na pagtingin ang lahat ng posisyon at huwag ibuhos ang puri o bintang sa isang posisyon lamang. “There’s only a limit of so much of one role can be so and that people soon forget that this is a team game and that every role is important,” wika ni Gomez. Para naman kay Nalangan, hindi dapat minamaliit ang mga support ayon lamang sa limitadong damage nito sa mga katunggali. Aniya, gumaganap na kalasag para sa mga carry hero ang mga support upang makapagpakita ng mga kahanga-hangang laro.
Hindi maikakahon sa mga salita lamang ang kahalagahan at tiwalang ibinibigay ng mga tagahanga patungo sa posisyon o koponang sinusuportahan. Buhat nito, lubos na pinasasalamatan ni Nalangan ang mga taong labis na naniniwala sa kakayahan ng mga support hero. Nakakukuha umano ng motibasyon ang mga manlalarong support upang paghusayan ang kanilang tungkulin at dalhin ang kanilang koponan sa panalo.