Patunay ng walang habas na panlalapastangan sa bayan at sa mga Pilipino ang pagtakbo ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ni Sara Duterte-Carpio para sa Halalan 2022, at higit na kawalan ng respeto sa atin ang pagsasanib-puwersa ng dalawang kandidato. Parehas na anak ng mga mamamatay-tao, parehas na banta sa susunod na anim na taon sakaling mabigyan ng espasyo sa Palasyo. Ito ang nararapat nating tutulan—hindi na muli, hindi kailanman. Isa lamang ito sa mga nararapat na pagtuunan ng pansin ngayong nalalapit na ang Halalan 2022, dahil marami pang kandidato ang tumatakbo lamang para makatakbo mula sa pananagutan at magkaroon ng kapit sa kapangyarihan. Sila ang kailangang bantayan, usigin, at itakwil palayo sa puwesto. Suriin nating mabuti, para sa taumbayan nga ba ang kanilang pagtakbo o para sa kaligtasan mula sa galit ng taumbayan?
Kaniya-kaniyang diskarte ang mga politikong takam sa kapangyarihan para maitulak ang pansarili nilang interes sa pamamagitan ng Halalan 2022. Bago dumating sa puntong ito ng pagsusulat, tila mga payasong nagtataya-tayaan ang mga kandidato sa magkabilang panig ng mga dugong pasista. Noong Nobyembre 13, inihayag ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang pag-endoso nito kay Duterte-Carpio bilang kandidato sa pagkabise presidente, katuwang ni Marcos Jr. na tumatakbo sa pagkapangulo ng bansa. Kasabay ng balitang ito ang pagpapahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pagnanais na tumakbo rin bilang bise presidente kahanay ni Bong Go, na magpipiit sa kaniya laban sa kaniyang sariling anak na si Duterte-Carpio. Matatandaan namang Nobyembre 13 din noong naghain ng kandidatura si Go upang tumakbo sa pagkapangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), matapos niyang bawiin ang inihaing kandidatura sa pagkabise presidente sa ilalim ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban na kaalyansa ng PDDS, katuwang noon si Ronald “Bato” Dela Rosa na naghain ng COC noong Oktubre 8 para sa pagkapangulo ngunit umatras noong parehas na araw ng paghahain muli ni Go.
Nitong Nobyembre 15 naman, inihayag ng PDP-Laban na tatakbo sa pagkasenador si Pangulong Duterte—hindi na sa pagka-bise presidente—sa ilalim din ng PDDS kasama si Go. Kinabukasan, Nobyembre 16, inendoso ni Pangulong Duterte ang tambalang Go at Duterte-Carpio, sa kabila ng hayag na pagsasanib-puwersa ni Marcos Jr. at Duterte-Carpio. Dalawang araw makalipas, Nobyembre 18, sinambit ni Pangulong Duterte sa isang talumpati na may isang kandidato sa pagka-pangulo na gumagamit ng cocaine, na tinawag niya ring “weak leader”. Hindi siya nagbitaw ng anomang pangalan ngunit may pahiwatig na makapangyarihan ang pangalang tinataglay nito at pamilyang kinabibilangan. Sa hiwalay na talumpati naman ng Pangulo na ipinalabas kinabukasan, inihayag niyang hindi siya hanga sa kakayahan ni Marcos Jr. na tinawag niyang “spoiled child” at “weak leader”.
Pasikot-sikot. Magulo ang mga pangyayari sa mga nakaraang linggo, na para bang mga payaso silang nililinlang ang madlang nag-aabang ng mga susunod na hakbang. Hindi natin masasabi ang tiyak na plano ng mga nabanggit na kandidato at partido—kung nagsasaksakan nga ba sila patalikod dahil sa politika o diskarte lamang ito upang kontrolin ang daloy ng eleksyon sang-ayon sa kagustuhan nila—ngunit isa ang sigurado: hindi sila tumatakbo para isulong ang kaunlaran ng bayan o para pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga Pilipino. Sa paghahain pa lamang ng kandidatura, mahihinuha nang sumusunod lamang sila Go, Dela Rosa, at Duterte sa dikta ng kanilang partido para paganahin ang kanilang estratehiya. Nasaan ang masang Pilipino sa layunin ng kanilang pagtakbo?
Maghilahan man sila pababa, tandaan nating hindi ito laban lamang sa pagitan ng partido ni Marcos Jr. at ni Pangulong Duterte, dahil parehas na kalaban ng bayan ang dalawang panig. Dalawang pangalang hindi na dapat makatungtong sa Malacañang, dalawang hanay ng mga pasistang nararapat na singilin ng mga Pilipino. Tandaan natin ang mga pangalan nila at ng mga tutang sunud-sunuran sa kanila, at sama-sama nating burahin ang daang tinatahak nila patungo sa inaasam na pamumuno. Marami pa tayong kailangang suungin at pagtagumpayan, ngunit may oras pa upang ipaalala sa kapwa ang mga dahilan kaya natin binabatikos ang kandidatura ng mga politikong nabanggit sa kolum na ito. Huwag nating hayaang mabaon na lamang sa limot ang bawat buhay na nasira at nawala dahil sa kalapastanganan ng mga Marcos at Duterte, at huwag nating hayaang madagdagan pa ang mga nagdurusang pamilya dahil sa paggamit nila ng kapangyarihan para lamang sa sariling interes.
Burahin natin ang puwang na binubuo nila para lamang makagawa ulit ng espasyo sa palasyo. Hindi na muli, hindi kailanman.