Labis na pangamba ang namayani sa mamamayang Pilipino dulot ng krisis pangkalusugan na nagpapatindi sa hamon ng pagharap sa mga kalamidad na dumarating sa bansa. Bunsod nito, malaking bahagi ng mga pagbabago sa patakaran ang pagsaalang-alang sa kaligtasan ng mga mamamayan mula sa kumakalat na sakit. Subalit sa halip na mas epektibong tugunan ang magkakambal na problemang hatid ng COVID-19 at ng mga kalamidad, tila hindi maramdaman ng sambayanan ang aksyon mula sa pamahalaan.
Noong Mayo, naglaan ang gobyerno ng Php20 bilyong pondo para sa pagpapaigting ng bansa sa pagtugon sa mga kalamidad. Makalipas ang limang buwan, mahigit Php13 bilyong na ang nagamit mula rito para sa pagsasaayos ng mga nasirang imprastraktura, pagtugon sa mga nasalanta, karagdagang mga gamit para sa pagsugpo sa COVID-19, at iba pa. Bagamat tila malaking halaga ang natitira para sa natitirang buwan, hindi maikukubli ang pangamba at katanungan sa pagiging sapat ng natitirang pondo sa oras na dumating ang mga hindi inaasahang kalamidad.
Aksyon ng lokal na pamahalaan
Tinitiyak ng bawat ahensya, lokal na pamahalaan, at mga pribadong sektor na maiiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod ng mga alituntuning pangkalusugan, lalo na tuwing may kalamidad. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Dave David, chief ng Marikina City Disaster Risk Management Office, ipinaliwanag niyang nagkaroon ng malaking pagbabago sa mga proseso ng pagtugon sa kalamidad dahil sa COVID-19. Aniya, kinakailangang isaalang-alang ang health protocols sa bawat gawain, mula sa proseso ng paghahanda hanggang sa pagbangon sa naging epekto ng mga kalamidad.
Dagdag ni David, nabawasan ang kapasidad ng mga evacuation center dulot ng pandemya. “Kung dati-rati, nakakapaglagay kami ng hanggang 70 na [modular] tents. Nung nireduce namin siya, 20 na [modular] tents ang nailalagay namin maximum sa isang gymnasium,” paliwanag niya.
Bukod sa malaking pasanin ng pagbabawas ng bilang ng mga evacuation center, ibinahagi rin ni David na kinakailangan nang kuhanan ng temperatura, magsumite ng health declaration form, at magpatupad ng limitadong paggalaw sa mga lugar na magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga nasalanta. Inilahad niyang mas malaking responsibilidad ang nakaatas ngayon sa mga doktor na nasa evacuation center dahil kinakailangan nilang palaging suriin ang mga lumikas upang masigurong ligtas mula sa sintomas ng COVID-19.
Binigyang-diin ni David na malaking hamon ang hikayatin ang mga mamamayang makibahagi sa mga plano at programa ng pamahalaan kahit pa priyoridad nitong mas mapabilis ang pagkilos tuwing may kalamidad. “Anomang kalamidad, pandemya o programa. . . hindi pupuwedeng ang pagplaplano at ang pagsasagawa ng plano ay gagawin lamang ng tagapagpatupad. . . walang magiging epektibong program, walang magiging epektibong paghahanda kung walang partisipasyon,” giit niya. Pinapaalala din niyang kinakailangang sundin ang mga ipinatutupad na plano ng awtoridad upang masigurong mabilis ang pagkilos ng lungsod habang pinipigilan din ang paglaganap ng COVID-19 sa panahon ng paglikas.
Pagtulong na walang pinipiling oras
Sa gitna ng pananalasa ng mga kalamidad sa bansa, naging bahagi ng matagumpay na pagbangon ng bansa ang pangunguna ng Philippine Red Cross (PRC) sa pag-aabot ng tulong sa awtoridad at mga nasasalanta. Gayunpaman, sa nakalipas na halos dalawang taon, tila mas tumindi ang tawag sa kanila ng panahon matapos magkasabay na harapin ang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad at pandemya.
Ani PRC Chairman Senador Dick Gordon, patuloy ang kanilang paglaban sa pandemya habang patuloy ring nagbibigay-kalinga sa mga nasalanta ng mga kalamidad. Dagdag pa niya, kasalukuyan silang nagbibigay ng pag-asa sa mga Pilipino sa pamamagitan ng programang pagbabakuna at pagtatayo ng medical tents at isolation facilities para sa mga may sakit dulot ng COVID-19.
Hinaing ng nasalanta
Mula sa pinsalang dulot ng Bagyong Ondoy noong Setyembre 2009 hanggang sa Bagyong Ulysses noong Nobyembre 2020, nababalot ng pangamba ang bawat pamilya sa kahit kaunti lamang na pag-ulan. Sa naging panayam ng APP kay Nea Sta. Maria, mag-aaral na nakatira sa Brgy. Nangka, Marikina City, ibinahagi niyang naging mapanghamon ang kanilang karanasan sa mga kalamidad.
“Nahirapan ang Marikina Rescuers kasi masyadong malakas ‘yung agos ng tubig at naiwan ang aking tatay at alagang aso sa bubong ng ilang oras pa bago mabalikan ang aking tatay. Kinailangan iwan ang aming alagang aso kasi buhay ng tao ang prayoridad,” paliwanag ni Sta. Maria.
Bagamat mayroong Local Government Code of the Philippines na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan, nanawagan si Sta. Maria na magkaroon ng pagkakaisa ang mga siyudad, lalo na sa panahon ng sakuna. Giit niyang kasama ng Bayanihan to Heal as One Law, pagtibayin pa sana ang mga batas para sa kalamidad at maglaan pa ang gobyerno ng sapat na pondo para rito. Dulot ng matinding danas ng kaniyang pamilya sa mga kalamidad, iminumungkahi ni Sta. Maria sa publikong sumunod sa panawagan ng kanilang mga komunidad pagdating sa mga warning signal at anunsyo ng paglikas upang maging ligtas sa matinding pagbaha.
Bukod dito, naniniwala rin si Sta. Maria na hindi sapat ang pagkakaroon ng watersheds bilang proteksyon mula sa pagbaha dahil patuloy pa rin naman ang mga ilegal na gawain sa kabundukan. Aniya, “Hindi matutugunan ang problema sa ibaba, kung hindi sosolusyunan ang nasa itaas. Kailangan ng bansa ng komprehensibong batas at aksyon na direktang tumutugon sa kalamidad. Panahon na rin para maniwala at gumamit ng sensya at teknolohiya.”
May sukdulan ang paghihintay ng mga Pilipino na may magliligtas at makatutugon sa bagsik na idinudulot ng kalamidad. Hindi sapat ang pagiging handa lamang ng mga residente para sa darating na kalamidad at mas hindi sapat na maging pangarap na lamang ang pagkakaroon ng sistemang magwawakas sa paulit-ulit na dagok ng sambayanan. Higit kailanman, kinakailangan ng mabilis at epektibong pagtugon sa pamahalaan, lalo na sa panahong may kalabang hindi nakikita.