ITINAMPOK ng mga siyentipikong Pilipino, sa loob at labas ng bansa, ang kanilang mga inobasyon at mga naging karanasan sa larangan ng kalusugan at medisina, sa inilunsad na webinar na pinamagatang “Heartbeats and Hopes: Public Health Innovations” ng Atom Pinoy, Disyembre 11.
Binigyang-inspirasyon ng mga dumalong tagapagsalita ang mga estudyante mula sekondarya hanggang tersyarya ukol sa maaaring maranasan ng mga bagong henerasyon sakaling tahakin nila ang larangan ng kalusugan at medisina.
Sa paunang pananalita, ibinahagi ni Dr. Cynthia Palmes-Saloma, executive director ng Philippine Genome Center, ang estado ng isinasagawang gene sequence surveillance sa Pilipinas. Bagamat naging mas laganap na ang Omicron variant sa Africa, nananatiling dominanteng uri ng SARS-CoV-2 ang Delta variant sa Asya, Europa, Oceania, Hilaga at Timog Amerika. Mula Nobyembre 12 hanggang Disyembre 10, umabot sa 75% ng mga nasuring kaso sa Africa ang idinulot ng Omicron variant.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, ngunit hindi maikukubli na may agam-agam ang iilan na dulot ito ng mas kakaunting testing. “The decline in cases is real and even in our own RT-PCR lab, we have very, very few cases to test,” paninindigan ni Palmes-Saloma.
Ipinakilala naman ni Dr. Jomar Fajardo Rabajante, tagapagsalita ng University of the Philippines Pandemic Response Team, ang kahalagahan ng mathematics modelling at data analytics ngayong panahon ng pandemya. Pagbahahagi niya, hindi natatapos ang kanilang trabaho sa pangangalap ng datos sapagkat kailangang makabuo ng kaalaman gamit ang mga ito na maaaring gamitin upang makapagbalangkas ng mga hakbang kontra pandemya.
Gayunpaman, inamin ni Rabajante na bagamat may mga inirerekomenda silang aksyon, hindi ito basta-basta naipatutupad. “But in reality, there would be, you know, feedbacks, and. . . if you think your point is really important you need to convince them [the government],” giit niya.
Sa aspekto ng pangangalap ng datos, naniniwala si Rabajante na mas makaiinam na magkaroon ng sentralisadong mapagkukunan at siguruhing may mga kopya rin nito ang mga lokal na pamahalaan. Paglilinaw niya, “mas maganda both. . . parang backup na rin sa LGU. Kahit anong gawin natin minsan ano din talaga ‘di ba, may delay, at least makakuha ka ng real-time data sa LGU.”
Ibinahagi naman ni Dr. Greco Mark Malijan, research clinician sa San Lazaro Hospital – Nagasaki University Research Office, na naging mahirap ang kaniyang karanasan sa pagsasagawa ng mga modelling sapagkat nanggaling siya sa klinikal na aspekto ng pag-aaral sa halip na matematika. Pagsisimula niya, kinakailangan ang pagkakaroon ng kompyuter na may mataas na specifications upang makabuo ng mahuhusay na model. Dagdag niya, mahalagang may kakayahan din ang mga siyentipiko sa pagpapaliwanag ng kanilang mga natuklasan sa publiko upang mapabuti ang pamumuhay ng mga taong pinanggalingan din ng mga datos.
Para sa pagpapabakuna ng mga Pilipino kontra COVID-19, umaasa si Dr. Nina Gloriani, chair ng Department of Science and Technology Vaccine Expert Panel for COVID-19, na mababawasan ang pangamba ng mga mamamayang Pilipino sa bakuna sa pamamagitan ng mga inilulunsad na programa ng pamahalaan, kagaya ng Bayanihan Bakunahan. Bukod dito, nakikipag-ugnayan din ang kanilang panel sa Department of Health upang maibahagi sa mga mamamayan ang mahahalagang impormasyon ukol sa maaaring maging epekto ng bakuna sa katawan. “We have to explain what we’re doing to assure the public that what we [are] going to deploy is safe, immunogenic,” paglalahad Gloriani.
Pag-aaral naman ukol sa protein molecule ang ibinahagi ni University of Louisville School of Medicine Research Assistant Dr. Mark Vincent Dela Cerna sa naganap na talakayan. Ipinakita niya ang mga kagamitang nakatutulong sa kanilang pag-aaral sa Amerika upang magkaroon ng mas magagandang resulta. Ikinatuwa niya na unti-unti na ring nakakasabay ang Pilipinas sa pagkakaroon ng mga ganitong kagamitan, tulad ng 600 MHz nuclear magnetic resonance na matatagpuan sa De La Salle University – Laguna Campus.
Bilang isang Pilipino na nananalagi at nagtatrabaho sa Amerika, nasaksihan ni Dela Cerna ang iba’t ibang hamon sa pagpasok sa larangan ng science, technology, engineering, and mathematics (STEM). Ibinahagi niyang naging magastos ang kaniyang pagpasok sa larangang ito at may kakulangan pa rin sa representasyon ng minoridad sa STEM, tulad ng kababaihan at iba pang mga lahi. Bunsod nito, naniniwala siyang kinakailangang paagahin ang pagmulat sa kabataan sa pag-aaral ukol sa STEM upang mas maengganyo silang tahakin ito sa kanilang pagtanda.
Naging saksi ang mga dumalo sa naturang webinar sa kakayahan ng mga Pilipino na makiisa sa paghahanap ng solusyon upang maresolba ang mga problemang idinulot ng pandemya. Bunsod nito, patuloy ang panawagan para sa pagkakaroon ng sapat na suportang pinansyal at pagkilala sa mga siyentipikong Pilipino para sa ikauunlad ng larangan ng agham at teknolohiya sa bansa. Sa huli, mga Pilipino rin ang unang makikinabang sa mga matutuklasan ng mga siyentipikong Pilipino.