PATULOY PA RING INAASAM ng mga estudyante ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang kabuuang implementasyon ng proyektong Banner Initiative to Transform, Unify, Integrate, and Navigate (BITUIN) upang masolusyonan ang mga suliraning kinahaharap ng mga Lasalyano sa iba’t ibang proseso ng Pamantasan.
Estado ng BITUIN
Sa artikulong inilathala ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) noong nakaraang taon, matatandaang ibinahagi nina Project Owner Dr. Arnel Uy at Project Executive Allan Borra na nais nilang ilunsad ang BITUIN sa unang kwarter ng 2021. Sa kasalukuyan, hindi pa rin nailulunsad ang kabuuan ng BITUIN at patuloy pa ring ginagamit ng Pamantasan ang mga nakasanayang plataporma, tulad ng animo.sys at my.LaSalle.
Batay sa mga anunsyong inilalabas ng tanggapan ng BITUIN sa Help Desk Announcements, nagsasagawa sila ng iba’t ibang uri ng user training upang sanayin ang ilang piling miyembro ng pamayanang Lasalyano sa paggamit ng cloud-based platforms.
Kabilang sa mga nabanggit na pagsasanay ang isinagawa nilang digital training para sa Finance, Accounting, at Supply Chain Management. Tinalakay rito ang mga paksa, tulad ng self-service procurement at request for payment. Matapos ang mga isinagawang pagsasanay hinggil dito, opisyal na ring inilunsad ngayong taon ang Oracle Fusion bilang bagong finance at supply chain management system ng Pamantasan.
Kaugnay nito, nagsagawa rin sila ng mga pagsasanay na nakatuon sa admissions at enrollment. Inimbitahan nila sa Key User Training ang ilang piling kawani at estudyante upang masubukan ang integrasyon ng mga panibagong proseso ng enrollment at admission sa ilalim ng BITUIN.
Ipinakilala ng tanggapan ng BITUIN ang CAMU bilang bagong platapormang mangangasiwa sa kabuuan ng student records management system. Ililipat sa cloud-based platform na ito ang lahat ng administratibo at pang-akademiyang proseso ng Pamantasan.
Sinubukan ng APP na makapanayam ang tanggapan ng BITUIN at kunin ang kanilang pahayag upang mas mabigyang-linaw ang mga detalye ng mga programang kanilang isinasagawa para sa mga Lasalyano, ngunit sa araw ng pagkakasulat ng artikulong ito, wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan mula sa kanila.
Kaalaman ng Lasalyano ukol sa proyekto
Sa isinagawang panayam ng APP sa ilang Lasalyano, napag-alamang walang sapat na kaalaman ang ilang estudyante ukol sa naturang proyekto. Paglalahad ni Drix Lazaro, ID 120 at kasalukuyang kumukuha ng kursong BS Manufacturing Engineering and Management with Specialization in Mechatronics and Robotics Engineering, “Ngayon ko lang nabalitaan ang platapormang iyan at tila hindi ko pa rin dama ang pagbabagong ipinangako ng programa dahil paulit-ulit pa rin ang kamalian sa sistema ng enlistment.”
Parehong tugon din ang natanggap mula kay Uriel Anne Bumanlag ng ID 120, BS Biology major in Medical Biology. Pagsasaad niya, matagal nang ipinangako ang paglulunsad ng proyekto ngunit wala pa rin siyang nakikitang pagbabago sa kabila ng pagbabayad ng mahal na matrikula. Kaugnay nito, umaasa siya na mas pagtutuunang-pansin ng administrasyon ang paglulunsad ng BITUIN sa lalong madaling panahon upang maisaayos ang proseso ng enlistment.
Ibinahagi naman ni Callia Rostrata, ID 120 ng BS Physics with Specialization in Medical Instrumentation na limitado lamang din ang kaniyang kaalaman ukol sa BITUIN. Aniya, nalaman niya lamang ang proyektong ito sa tulong nina Arielle Arcayan at Jed Lurzano, kasalukuyang Batch President ng FOCUS2020 at College President ng College of Science. Gayundin sina John Eros Templonuevo, ID 120 ng parehong kurso, at Dana Sta. Ana ng BS Civil Engineering.
Sa kabuuan, masasabing inisyal na impormasyon pa lamang ang nakararating sa mga estudyante ukol sa pagpapalit ng sistema ng enrollment at procurement ng Pamantasan. Ani Ian*, ID 119 na kumukuha ng kursong BS Civil Engineering, “Wala masiyadong [publicity materials na inilalabas] about that project, and well for me, not much publicized.” Kaugnay nito, binanggit din ni Lucas*, ID 119 mula BS Statistics Major in Actuarial Science, na tanging kabuuang hangarin lamang ng proyekto ang kaniyang natatandaan at nalimutan na niya ang kahulugan ng akronim na BITUIN. Saad niya, “Basta better online infrastructure for DLSU. [As far as I know,] related siya sa functionality like enlistment system and LMS.”
Sa huli, iminungkahi ni Sta. Ana na dapat bigyang-pansin ang pagpapabuti sa animo.sys bilang plataporma para sa enlistment ng mga Lasalyano. Aniya, “Hindi ako marunong sa gawain ng web management pero sana ayusin ang [animo.sys] na kayang nitong i-accomodate ang sobrang daming estudyante na mag-eenlist. Ayusin din siguro ang website interface para mapadali ang pag-navigate ng mga mag-aaral.”
*hindi tunay na pangalan