Bukod sa pananakit ng katawan dulot ng maghapong pamamasada, pinalala pa ng pandemya at nang mataas na presyo ng langis ang hirap na dinaranas ng mga tsuper at opereytor. Tinik sa kanilang pag-ahon mula sa pandemya ang siyam na beses na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa loob ng halos tatlong buwan.
Nasaksihan sa mga nakalipas na buwan ang pagtaas ng presyo ng langis mula Php1.10 hanggang Php1.50 kada litro ng gasolina, Php0.50 hanggang Php0.60 kada litro ng kerosene, at Php0.30 hanggang Php0.40 kada litro ng diesel. Sa tala ng IBON Foundation, umabot sa Php18.45 ang itinaas na presyo ng diesel simula nitong Enero, na naging dahilan upang gumasta ng karagdagang Php571 ang mga jeepney drayber na bumabiyahe gamit ang 11 litro ng diesel at Php1,557 naman para sa mga kumokonsumo ng 30 litro para sa mga mas mahabang ruta.
Panawagan para sa makamasang solusyon
Aminado si Steve Ranjo, Secretary-General ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na dagdag pabigat sa hanay ng mga tsuper ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Bunsod ng dagok na kinahaharap ng sektor, naghain ng mga mungkahi ang PISTON ukol sa isyu. Pagbabahagi ni Ranjo sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), naniniwala siyang isa sa masusing paraan upang mapababa ang presyo ng langis ang pag-aalis sa excise tax at value-added tax sa mga produktong petrolyo. Aniya, hindi lamang nito mapabababa ang presyo ng langis, bagkus maiiwasan din nito ang pagkakaroon ng domino effect o patuloy na inflation sa iba pang mga bilihin.
Sinang-ayunan din ni Ranjo ang desisyon ng Department of Energy na enmiyendahan ang Oil Deregulation Law, batas na nagtatakda ng kawalan ng regulasyon ng pamahalaan sa pagtaas ng presyo ng langis. Dagdag pa niya, iminungkahi ng mga mambabatas, katulad ng Makabayan Bloc, ang pag-enmiyenda sa naturang batas upang maging mas sentralisado ang pagbili ng krudo sa merkado. Naniniwala rin siyang makatutulong ang konsepto ng “unbundling” upang maiwasan ang labis na pagtaas sa presyo ng petrolyo at magkaroon ng katapatan sa mga ibinababang presyo.
“Ang goverment natin ay kayang bumili rekta sa kapwa niya gobyerno at kayang tumawad [at] humingi ng mas mababang presyo. Sa centralized procurement, ang gobyerno mismo ang magko-kontrol sa supply at prices [ng petrolyo],” giit ni Ranjo.
Nakikita rin ni Ranjo na mababawasan ang pasakit ng mga nasa sektor ng transportasyon kapag nagkaroon ng suspensyon sa “no contact apprehension policy” ng gobyerno. Bagamat mahalaga ang pagsunod sa mga patakarang pangkalsada, nagiging isang pinagkakakitaang proyekto umano ang naturang polisiya dahilan upang mabawasan ang kita ng mga tsuper at mga opereytor.
Gulong na laging nasa ilalim
Sa panayam ng APP kay Rudolfo Rodriguez, isang tsuper na bumabaybay ng ruta mula Novaliches hanggang Malinta, nanawagan siya sa mga susunod na lider ng bansa na tugunan ang tumataas na presyo ng langis at tulungan silang maisakatuparan ang sustentong ipinangako sa kanilang sektor.
Sambit ni Rodriguez, “Buti nga iyong bote [ng gasolina] hindi pa nagtataas, Php300 [pa rin]. Hirap talaga sa diesel, halos puro gasolinahan na lang binubuhay mo sa byahe. . . Mahirap talaga. . . sa maghapon ko, Php900 [ang ginagastos ko] sa loob ng limang ikot. May distancing pa tayo, hindi pa punuuan [sa jeep].”
Ibinahagi naman nina Mark Anthony Rague at Bismark*, mga Grab drayber, na hindi makaliligtas ang mga manggagawang katulad nila sa pagtaas ng presyo ng langis. “Hindi balanse, dahil mababa ang bigay ng Grab sa aming pamasahe pero ang gasolina mataas. . . kaya ang naiipit ngayon kaming mga rider. Kaya parang kami iyong nag-sa-sacrifice sa pagtaas ng langis,” giit ni Bismark. Bukod dito, hinaing din nila ang patuloy na pagbaba ng booking fare, mula Php79 bumaba ito nang mahigit Php20 at sa kasalukuyan umaabot na lamang sa Php49 ang kanilang kinikita sa bawat booking.
Ani Bismark, matinding pangamba ang kaniyang mararamdaman sakaling umabot hanggang Pasko ang mataas na presyo ng langis. Kasabay sa pagdami ng bilang ng bookings ang mas malaking pasakit sa kanila sa pagkonsumo ng krudo.
Sa gitna ng magkakambal na krisis pang-ekonomiya at pangkalusugan, nanawagan ang mga katulad nilang drayber na maipaabot sa administrasyon ang nararapat na tulong para sa kanila. Hinihiling ni Rodriguez na maipamahagi ang ipinangakong “Tawid-Pasada” ng LTFRB na nagkakahalagang Php5,000 upang makaluwag sa mabigat na gastusin.
Mula sa personal na pagbiyahe ng ordinaryong mamamayan hanggang sa pagdaloy ng mga produkto at serbisyo, napakalaking papel ang ginagampanan ng sektor ng transportasyon bilang pedal ng pambansang ekonomiya. Kalakip ng suliraning patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at ang umiiral na dagok sa sektor ng transportasyon, higit na mahalagang palakasin ang mga panawagan upang pigilan ang mga huwad na repormang pang-transportasyon nang guminhawa ang pagpasada ng mga hari ng kalsada. Kasabay ng inaasam na muling pagpasada at pagbangon ng sektor mula sa pandemya, hindi dapat naiiwan ang pangunahing nagmamaneho sa pambansang ekonomiya—ang sektor ng transportasyong kinabibilangan ng mga drayber, opereytor, at komyuter.
*hindi tunay na pangalan