Sunod-sunod ang pagbusina ng ambulansya. “Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya,” halos hilingin na rin ng sakay nitong mga first aid responder na magkaroon ng himala na biglang lumawak ang kalsada. Hindi nila alintana sakaling bumilis ang kanilang takbo; nakikipag-unahan din kasi sa mga kamay ng orasan ang bawat tibok ng puso ng pasyenteng sakay ng ambulansyang lulan. Balisa silang nakaupo, sapagkat mahalaga ang bawat lumilipas na segundo.
Tila nagiging karera pansamantala ang buhay ng first aid responders sa oras na makatanggap sila ng tawag na nagsasabing “tulong.” Ngunit ngayong may pandemya at hindi na mabilang sa kamay ang mga pasyenteng isinusugod sa ospital araw-araw, marapat lamang na alamin ang mga naging pagbabago sa kuwento ng first aid responders na mistulang agarang liwanag ng pag-asa sa mga nag-aagaw-buhay.
Buhay ng iba bago ang pamilya
Sa bawat trahedya, handa ang mga first aid responder na isakripisyo ang kanilang mga buhay upang paglingkuran ang masa. Ito ang katangiang kanilang hinulma sa ngalan ng kanilang serbisyo. Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel si Gelo*, isang first aid responder mula sa Batangas, at ibinahagi niya ang kaniyang mga karanasan sa trabaho sa loob ng halos siyam na taon.
Tila hindi malilimutan ang bawat sakunang dumadaan sa ating bansa, ngunit isa sa mga tumatak kay Gelo ang lindol sa Batangas na nagdulot ng hindi niya pag-uwi nang tatlong araw. Aniya, “Nagsunod-sunod ang earthquake so kailangan nandoon kami kasi kami ‘yung magmamando.” Isa itong patunay na handa ang first aid responders na igugol ang bawat oras na kanilang makakaya upang masigurong ligtas ang mamamayan.
Inilahad rin ni Gelo na hindi madaling sumagip ng buhay dahil sa mga hamong nararanasan sa pagresponde, isa na rito ang kakulangan ng mga espasyong nakalaan para sa mga biktima tuwing may sakuna. Aniya, “Nung earthquake, in-evacuate talaga lahat ng pasyente sa loob ng ospital, nasa kalsada sila, sa park, sa parking area, tapos nakalabas doon ‘yung mga pasyente na naka-ventilator. . . Kailangang patuloy pa rin ‘yung function ng ospital pero ayun nga, walang proper na venue kasi nga nalindol.”
Bagamat may personal na isyung kinahaharap sa hirap ng trabaho, dagdag pa ang kahinaan ng mga medikal na institusyong lawakan ang kakayahan ng first aid responders na makapagsalba pa ng maraming tao, labis pa ring pinanghahawakan ni Gelo ang kaniyang sinumpaang tungkulin na unahin ang kapakanan ng iba at tugunan ang bawat tawag ng panahon. Mahirap man, ninanais pa rin niyang magawan ng paraan ang bawat isyung medikal na kinahaharap ng mga mamamayang Pilipino at ng pamahalaan.
Mga balakid sa pagsalba
Maliban sa mga natural na trahedyang kailangang suungin, kinahaharap din ni Gelo at ng iba pang first aid responders ang mga balakid na nagpapahina sa kakayahan nilang rumesponde sa iba’t ibang sitwasyon.
Inilahad ni Gelo na kakulangan sa kagamitan at manpower ang madalas niyang kinahaharap na hamon bilang first aid responder. Aniya, “Unang-una, Pilipinas kasi tayo e, dun pa lang sa government, kulang talaga sa mga kagamitan. Although merong mga ilang [kagamitan], hindi agad sila napro-provide kasi mahirap i-request.” Binigyang-diin din niya ang realidad na understaffed ang mga emergency responder sa bansa, lalo na ngayong pandemya. Paglalahad niya, “Sa manpower ngayon, mas marami ang naka-quarantine. Kasi once nagkaroon ka ng symptoms [ng COVID-19], hindi ka na papayagan na mag-work para iwas ka rin makahawa sa kapwa na katrabaho.”
Isiniwalat din ni Gelo na maaaring masolusyonan ang mga problemang ito kapag mabibigyan sila ng pondo upang makabili ng mga kagamitan at maparami ang bilang ng first aid responders. Pagsisiwalat niya,“Alam ko maraming pondo ang DOH, kaso ‘di ko alam kung nayu-utilize sila nang maayos. Kung nayu-utilize nila nang maayos ‘yan, tingin ko naman. . . ‘yung kakulangan ay puwedeng mapunan.”
Maliban sa mga polisiyang maaaring isakatuparan ng pamahalaan, isinalaysay rin ni Gelo na may magagawa rin ang mga Pilipino sa pagtulong sa mga emergency responder na katulad niya. “Itong darating na botohan, [kailangan ng mga lider na] inclined sa health para mas matugunan nila [‘yung pagkukulang] at alam nila ‘yung pangangailangan ng mga health workers. Sana ‘yung iboboto natin ay ‘yung makatutulong hindi lamang naman sa healthcare, kundi kahit sa iba’t ibang sektor,” pagbibigay-diin niya.
Pagbibigay-daan sa liwanag
Hindi biro ang sakripisyong kinakailangang gawin ng mga first aid responder. Dahil sa sinumpaan nilang serbisyo, may mga pagkakataong kinakailangan nilang unahin ang masa kaysa sa kanilang pamilya. Halos wala ring mapaglagyan ang kabang nadarama nila sa oras na umarangkada na ang ambulansya.
Bilang pagbibigay-pugay sa serbisyo ng mga essential worker, tulad nilang first aid responders, tandaan sana natin na sa ilalim ng pandemya, mas kailangan ang malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng pagbibigay-daan sa mga ambulansyang umaarangkada sa kalsada. Hindi na dapat hinihintay ng mga motorista ang sunod-sunod na busina. Hindi na rin dapat humahantong sa puntong inihihiling pa sa kalangitan ang paglawak ng kalsada. Ikintal sana ng mga Pilipino sa kanilang isipan ang kahalagahan ng bawat segundong lumilipas, sapagkat ang patuloy na pag-ikot ng mga gulong ng ambulansya ang nagpapanatili sa liwanag ng pag-asa.
*hindi tunay na pangalan