Nagsimula nang lumaganap sa iba’t ibang plataporma ng social media ang mga impormasyong pumapabor o tumutuligsa sa mga kumakandidato dahil sa papalapit na Halalan 2022. Kasabay nito, kapansin-pansin ang masidhing paglaganap ng mga impormasyong walang batayan at pawang kasinungalingan ang nilalaman, sa kabila ng paulit-ulit na panawagang mag-fact check at bumatay sa mapagkakatiwalaang mga sanggunian.
Mabilis na naipakakalat ang mga impormasyon ukol sa sinusuportahang kandidato ngayong nariyan ang Facebook, Youtube, at ang TikTok na kinahuhumalingan ng kahit sino. Nagsulputan din ang mga content creator na gumagawa ng bidyo batay sa kanilang opinyon at karanasan ng kanilang mga kapamilya. Saksi ang taumbayan sa impluwensya ng social media nang biglang dumami ang mga tagapagtanggol ng pamilyang Marcos nitong Martial Law Commemoration. Marahil naging maayos nga ang buhay ng iba sa atin, ngunit hindi tama na kalimutan ang malagim na sinapit ng mga naging biktima ng mapaniil na administrasyon. Hindi ko rin lubusang maunawaan ang pagbabalewala ng kanilang mga tagasuporta sa mga datos na inilathala, gayundin ang pagmamaliit sa gampanin ng mga eksperto sa kasaysayan.
Sa kasalukuyan, social media ang ginagamit ng mga kandidato para mapalaganap ang kanilang mga plataporma partikular sa kanilang masugid na mga tagasuporta. Batay sa isang teorya ng Sikolohiya, mayroong tinatawag na identity protective cognition na tumutukoy sa pag-uugali ng isang tao na ibatay ang kaniyang mga pananaw alinsunod sa kinabibilangang grupo. Dahil dito, pinagdududahan niya ang mga impormasyong salungat sa kanilang pinaniniwalaan. Kaugnay nito, dahil sa katapatan sa grupong kinabibilangan, madalas nilang hindi paniwalaan ang impormasyong makatotohanan, lalo na kung hindi ito pumapabor sa sinusuportahang kandidato.
Mayroon namang tinatawag na social media algorithms na isang paraan ng pag-uuri ng mga post sa social media feed. Sa tulong nito, nauunang ipakita ang mga impormasyon na malaki ang posibilidad na gusto talagang makita ng isang tao batay sa kaniyang napanood, ni-like, at ibinahagi. Ito ang estratehiya ngayon ng mga kumakandidato upang makalikom ng mas malaking bilang ng mga tagasuporta. Sa tulong ng teknolohiya, maaari din silang gumawa ng maraming social media accounts na nagpapakita ng pagsuporta sa kandidato. Gayunpaman, malinaw na pwedeng abusuhin ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pagpapakalat ng impormasyong naaayon lamang sa kanilang paniniwala.
Madalas na biktima ng maling impormasyon ang mga ordinaryong mamamayan na hangad lamang ang matiwasay na buhay. Nakapanlulumo ang realidad na sinasamantala ito ng mga kandidatong sakim sa kapangyarihan. Kung nais natin silang bigyan ng pagkakataon na makapili ng karapat-dapat na lider ng bansa, kailangan nating pangunahan ang pagbabahagi ng impormasyong makabuluhan at masusing sinaliksik. Simulan natin sa ating mga social media account hanggang sa umabot ang mga impormasyon sa ating mga kamag-anak at kaibigan.
Hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa at patuloy lamang na magbahagi ng kaalamang makatotohanan sapagkat malawak ang aabutin nito. Hindi rin masama ang palitan ng opinyon dahil magkakaiba ang interpretasyon at karanasan ng bawat isa. Sa katunayan, isang oportunidad ang malayang palitan ng opinyon na humikayat sa pagboto sa nararapat na kandidato. Huwag maging agresibo, sa halip maging mapang-unawa at ipaliwanag nang maayos ang pinanggagalingan kasabay ng paghain ng mga impormasyong may batayan, alang-alang sa kinabukasan ng bawat mamamayan.