BINIGYANG-PANSIN ng pamunuan at iba’t ibang mga organisasyon ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang estado ng mental health sa loob ng Pamantasan. Kaugnay nito, patuloy ang pagsusumikap ng Pamantasan, kaagapay ng mga samahan sa ilalim ng University Student Government (USG) at Council of Student Organizations (CSO), na makalikha ng mga proyektong tutugon sa mga hamong kinahaharap ng mga Lasalyano.
Pagtatatag sa DLSU MHTF
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Jose Mari Pascua, chairperson ng DLSU Mental Health Task Force (DLSU MHTF), inilahad niya ang mga pangunahing layunin ng samahan. Ayon sa kaniya, itinatag ang DLSU MHTF upang makapag-abot ng tulong sa mga estudyanteng nangangailangan ng suporta sa kanilang mental na kalusugan at mapaigting ang mga programang sumasaklaw rito at sa stigma laban dito.
“Isinusulong namin ang pagsasagawa ng mga proyekto, mga webinars, at pagpapakalat ng mga infographics na naglalaman ng mga mahahalagang mga impormasyon ukol sa pangangailangang pangkaisipan,” paliwanag ni Pascua.
Pagpapatuloy pa ni Pascua, plano rin ng DLSU MHTF na ipatupad ang pagkakaroon ng isang mailing list at mental health support group, ilan sa mga programa ng organisasyon na naglalayong mag-ugnay sa mga estudyante at mga propesyonal sa larangan ng mental health.
Pananaw ng mga Lasalyano
Sa panayam na isinagawa ng APP, inihayag ng ilang mga estudyante ang kanilang opinyon tungkol sa mga trabaho at benepisyong kaakibat ng pagsali sa mga organisasyon.
Ayon kay John Eros Templonuevo, ID 120 na kumukuha ng BS Premed Physics, sumali siya sa mga organisasyon upang hasain ang kaniyang talento. Para naman kay Moira Sepeda, ID 120 mula sa AB Psychology, at Queen*, ID 120 mula sa AB Communication Arts, isinasaalang-alang din nila ang oras na gugugulin sa mga organisasyon at pag-aaral upang masigurong kaya nilang balansehin ang mga gawain.
Ayon kay Sepeda, “Bilang isang iskolar, aking priyoridad ang mga gawaing pang-akademiya kung kaya’t tatapusin ko muna ang mga iyon bago ang mga gawaing pang-organisasyon.” Para naman kay Queen*, “Ang mga maliliit na bagay, katulad ng pagpapadala ng message o ang pag-download ng files, ay nilalagay ko rito [notes] para hindi makaligtaan ang mga ito.”
Iginiit naman ni Queen*, nang tanungin hinggil sa usapin ng burnout, na kabilang ang kabuuan ng online na set up sa nakapagdudulot sa kaniya ng burnout. Aniya, “Dahil sa online set up, nagiging mas mahirap i-maintain ang work-life balance at maski ang pagbubuo ng pagkakaibigan.”
Para naman kay Templonuevo, nakaranas na siya ng burnout noon dahil sa dami ng kaniyang mga gawaing pang-organisasyon. Napagdesiyunan niyang magbitiw na lamang sa isang organisasyon upang makapagpahinga. Ayon sa kaniya, “Tayo bilang estudyante ay may limitasyon din, kaya ‘wag sana tayong matakot na mag-let go ng mga opportunities kung hindi na natin kaya.”
Pagpapatuloy ng suporta
Samantala, ibinahagi ni Christian Galang, executive vice chairperson for internals ng CSO, sa APP ang kaniyang pananaw ukol sa epekto ng kanilang mga patakaran sa mga organisasyon at ang mga pinaplano niyang hakbang upang mapagaan ang pasanin ng mga student leader.
Binanggit ni Galang na tinitiyak nilang naipatutupad ang 60:40 ratio alinsunod sa mga itinakdang patakaran ng CSO hinggil sa pagsasagawa ng mga aktibidad. “In my perspective, this method is effective because it balances the organization to become well-rounded in making and execution of activities,” paliwanag niya.
Dagdag pa rito, sinisiguro din niyang may kabuluhan ang mga inisyatibang kaniyang ipinatutupad upang maging kapaki-pakinabang sa lahat. Aniya, “Making it relatable is what makes it deliverable to the student leaders because in the first place, if they aren’t related to it or they won’t benefit from it, my plans don’t have significance.”
Kinumpirma naman nina Bianca Cerdenia, presidente ng Junior Entrepreneurs’ Marketing Association; Jennifer Diola, presidente ng Physics Society; at Alyssa Rollarata, presidente ng Samahan ng mga Lasalyanong Pilosopo, sa panayam ng APP ang pagtulong ng CSO sa pagtugon nila sa suliranin ng pagka-burnout.
Iminungkahi naman ni Rollorata na magsagawa ng Mental Health Week ang CSO upang matugunan ang naturang problema.
Samantala, umaasa si Cerdenia na ipagpapatuloy ng CSO ang pakikinig sa mga saloobin ng mga organisasyon. “If they continue to improve on having more efficient systems, give kind considerations when needed, and listen to our suggestions on specific matters, they can help safeguard the overall welfare of all student leaders in leading their respective organizations,“ pagtatapos niya.
*hindi tunay na pangalan