PATULOY NA ITINATAGUYOD ng ilang mga organisasyon sa loob ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang pagsulong sa karapatan ng mga minoridad na grupo, tulad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, and Queer (LGBTQ+) na mga indibidwal. Kabilang sa mga naturang organisasyon ang Lasallian Center for Inclusion, Diversity and Well-being (LCIDWell) at DLSU PRISM na magkatuwang sa pagtitiyak na makamit ng bawat Lasalyano ang pantay na karapatan at kaligtasan sa Pamantasan.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kasama sina Dr. Estesa Legaspi, direktor ng LCIDWell, at Cassie Uy-oco, presidente ng DLSU PRISM, nabigyang-pokus ang pagkilala at pagtanggap sa magkakaibang pagkakakilanlan ng bawat Lasalyano.
Inisyatibang handog ng bagong opisina at organisasyon
Unang inilatag ni Legaspi ang tungkulin ng LCIDWell bilang sentro ng pagsusulong ng inklusyon at ligtas na espasyo sa Pamantasan. Pinangungunahan ng kanilang opisina ang pagtuligsa sa iba’t ibang anyo ng diskriminasyong maaaring maranasan ng mga Lasalyano.
Ipinabatid naman ni Uy-oco ang pagtugon ng PRISM sa ilang isyung panlipunan. Aniya, “Maging ang mga pambansang isyu ay hamon din para sa amin. . . patuloy [ang] diskriminasyon na nararanasan ng mga miyembro ng aming komunidad.” Tiniyak niyang kinikilala rin ng organisasyon ang pangangailangan ng LGBTQ+ na mga indibidwal na nabibilang iba’t ibang sektor.
Ibinahagi rin nina Legaspi at Uy-oco sa APP ang mga programang naisakatuparan ng LCIDWell at PRISM. Unang ipinaalam ni Legaspi ang DLSU Safe Spaces Policy na pinagtibay noong nakaraang taon. Nakasaad dito ang mga pamantayan sa pagpapairal ng inklusyon at mga karampatang parusa sa mga masasangkot sa kaso ng diskriminasyon sa Pamantasan.
Nakapaglunsad naman ang PRISM ng mga webinar na nakapagbigay-alam sa stigmatization o ang mga negatibo at mapanirang pananaw tungo sa mga miyembro ng LGBTQ+ community. Nagsagawa rin ng mga sesyon ng malayang talakayan ang PRISM na nagtampok sa mga hamong kinahaharap ng LGBTQ+ community. Sa kabilang banda, binanggit ni Uy-oco na hangad ng PRISM na ipagdiwang ang Pride Month sa Pamantasan ngayong taon.
Pinangunahan din ng LCIDWell ang ilang mga sesyon na umabot sa lima hanggang anim na tumalakay sa gender sensitivity orientation program na nagtapos kasabay ng nakalipas na termino. Kabilang ito sa kampanya ng opisinang maitaas ang kahalagahan ng inklusibong pakikipag-ugnayan sa Pamantasan.
Gayunpaman, nangingibabaw pa rin ang tungkulin ng opisinang mapadali ang proseso ng paghahain ng grievances laban sa mga kaso ng diskriminasyon. Bunsod nito, nananatiling bukas ang social media account at e-mail ng LCIDWell na [email protected], bilang tanggapan ng mga hinaing ng mga Lasalyanong nakararanas ng kahit anong anyo ng diskriminasyon.
Samantala, patuloy ang PRISM sa pagbibigay ng wastong edukasyon ukol sa mga usaping kinasasangkutan ng LGBTQ+ community. Naniniwala si Uy-oco na ang paglinang sa kaalaman ng mga Lasalyano ang unang hakbang sa pagkamit ng pantay-pantay na karapatan sa loob at labas ng Pamantasan.
Binahagi rin ni Legaspi ang kaniyang pananaw hinggil sa kahalagahan ng inklusyon, “We need to recognize na yung difference[s] natin ay hindi weakness, actually strength nga ‘yun.” Dagdag niya, nakasalalay sa pagkakaiba-iba ng bawat indibidwal ang lakas ng isang komunidad.
Saloobin ng mga Lasalyanong nabibilang sa minoridad
Inilahad din ng ilang mga Lasalyanong bahagi ng LGBTQ+ community sa APP ang mga saloobin nila kaugnay sa usapin ng Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE). Iminungkahi ni Janet San Pedro, ID 119 na kumukuha ng kursong AB Psychology, ang pagkakaroon ng mga diskurso tungkol sa SOGIESC upang malinang pa ang kamalayan ng bawat miyembro ng Pamantasan ukol dito.
Ipinahayag din ni Carmel Gonzales, ID 119 na kumukuha ng kursong BS Psychology, ang paglulunsad ng mga seminar para sa mga guro kaugnay sa paggamit ng wastong pronouns. Binanggit niyang paraan ito upang mas mapalawak ang kanilang kaalaman sa mga usapin hinggil sa LGBTQ+ community.
Inaasahan din nina San Pedro at Raphael Tapiador, ID 119 na kumukuha ng kursong BS Psychology, ang pagkakaroon ng mga interaktib na proyekto sa pagitan ng mga miyembro at hindi-miyembro ng LGBTQ+ community. Partikular si Tapiador sa pagsasagawa ng diversity engagement bilang pagpapalawak sa interaksyon ng mga Lasalyanong may iba’t ibang SOGIESC.
Itinaas din ng mga naturang estudyante ang pagkakaroon ng counseling para sa mga miyembro ng LGBTQ+ bilang pangangalaga sa kanilang mental na kalusugan. Sa kabuuan, nananatiling positibo ang mga estudyante sa matagumpay na pagbibigay-pansin, paggalang, at pag-unawa sa iba’t ibang pagkakakilanlan ng mga Lasalyano tungo sa isang inklusibong komunidad.