Sinusubok ang katatagan at kakayahan ng mga may kapangyarihang sumandig sa tapat at epektibong paglilingkod tuwing umuusbong ang mga unos na humahadlang sa bansang tahakin ang kaunlarang hinahangad ng bawat isa. Hinahanap ang tiyak na hakbang ng mga pinunong walang habas magbitaw ng mga pangakong kanila ring ibinabaon sa limot matapos maluklok sa kapangyarihan.
Sa kasalukuyan, kinahaharap ng mundo ang isang napakalaking dagok na humahamon sa katatagan ng sangkatauhan at ng halos 110 milyong Pilipino na pilit nagpupumiglas sa panahon ng pangamba. Bagamat hawak ng mga nasa gobyerno ang manibela upang makarating sa lipunang malaya sa pagkakasadlak, naging pasahero naman ang taumbayan na pinaiikot ng mga patakarang dapat tutugon sa krisis pangkalusugan.
Landas ng walang kasiguraduhan
Ipinagkaloob ang tungkuling panatilihin ang kaayusan ng bansa sa kalagitnaan ng pandemya sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). Isang lupong pinaiiral ang dahas sa panahong kinakailangan ang paghilom at pag-unawa.
Mahigit pitong taon na ang nakalipas nang buuin ang ahensyang naatasang sugpuin ang mga kumakalat na sakit sa bansa. Sa kasalukuyan, binubuo ang lupon ng 34 na ahensya ng ehekutibo sa pamumuno ni Department of Health Secretary Francisco Duque III, na may layuning bantayan at sugpuin ang mga nakahahawang sakit na lumalaganap sa bansa.
Gayunpaman, bumabagabag pa rin sa bawat isa ang kakayahan ng mga taong bumubuo sa ahensyang tugunan ang problemang nakaangkla sa agham at medisina gayong marami sa kanila ang mga retiradong heneral, negosyanteng mambabatas, at mga personalidad na may bahid ng katiwalian.
Pinaiiral ng lupon ang burukrasya at reaksyonaryong pamamahalang mas nakapipinsala sa panahong mahalaga ang siyentipikong solusyon. Sa pag-aaral nina Dr. Benjamin Vallejo, propesor ng University of the Philippines Institute of Environmental Science and Technology at Dr. Rodrigo Angelo Ong, mas angkop na nakabatay sa agham ang sistema ng pagtugon ng administrasyon sa pandemya.
“There is a need to have formal structures in the Philippine science advice ecosystem to synthesize scientific information in the government agencies and in academe,” panawagan nina Vallejo at Ong.
Bagamat naninindigan ang gobyerno sa pagiging epektibo ng kanilang mga panukala, tulad ng dating mandatoryong paggamit ng face shield, maraming pag-aaral ang nagpapakitang limitadong proteksyon lamang ang kayang ibigay nito sa taumbayan. Sa halip na makabangon mula sa pagkakadapa, naging dagdag pasakit ito sa bulsa ng mga mamamayang Pilipino.
“Judging from the results of the simulation, unfortunately the effectiveness of face guards [face shields] in preventing droplets from spreading from an infected person’s mouth is limited compared with masks,” ani Dr. Makoto Tsubokura, propesor ng Kobe University at mananaliksik ng RIKEN Center for Computational Science sa Japan.
Bukod dito, naging malaking hamon sa nakalipas na taon ang komplikadong sistema ng quarantine sa bansa. Habang bumabalik na sa dating pamumuhay ang mga karatig-bansa, tila napag-iwanan na ang Pilipinas. Sa loob ng halos dalawang taon, ang tanging “one of the world’s longest and strictest lockdowns” lamang ang nakamit ng bansa.
Pagtimbang sa kapangyarihan at kakayahan
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Anthony Borja, political analyst at propesor ng Pamantasang De La Salle-Maynila, idiniin niya ang kawalan ng angkop na mga salita upang ilarawan ang pamamalakad ng IATF-EID sa pandemya. Aniya, “Ipinakita ng IATF na ang kapangyarihan ay hindi katumbas ng kakayahan.”
Tinumbok niya na ang kawalan ng epektibong pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ang nagpalala sa nanganganib na estado ng Pilipinas ngayong pandemya. Giit ni Borja, lalo nitong pinagwawatak-watak ang gobyerno sa aspekto ng paglikha ng mga polisiyang makatutugon sa lumaganap na sakit.
Naniniwala si Borja na naging magulo ang pagpapahintulot ng IATF-EID sa bawat lokal na pamahalaan na magtalaga ng sariling polisiyang pangkaligtasan. Idiniin niyang ang mga hakbang na ito ang mas nagsisiwalat sa lumalaking agwat ng mga mauunlad at mga naghihikahos na lungsod sa bansa.
“One [ang ibibigay kong grado sa pamamalakad ng IATF], dahil sa mga nabanggit na kahinaan ng mga namumuno nito at sa kanilang patuloy na pagbangga sa mga LGU. Idagdag ko pa ang mala-utak militar na pagtugon nila sa naunang bahagi ng pandemya,” pagpapaliwanag ni Borja.
Piring ng pangamba
Umugong ng mga hinaing mula sa mamamayan nang inanunsyo ang COVID-19 bilang pandemya. Nabalot ang mundo ng histerya dulot ng kalabang hindi makita. Kasabay ng mabilis na paglaganap ng naturang sakit ang mabilis na paglukob sa pangamba ng mga mamamayang pansamantalang nawalan ng kabuhayan.
Habang may iilang nabigyan ng pagkakataong makapaghanap-buhay, naging daing naman nila ang kakulangan ng kinikita sa pang-araw-araw na gastusin. Pagbabahagi ni Dina*, isang ordinaryong mamamayan, na higit pa ang kanilang gastusin sa kaniyang kinikita. Sa halip na magsilbing dagdag na proteksyon ang facemask at faceshield, mas nagdulot lamang ito ng pagsakit sa bulsa ng mga katulad niyang nasa laylayan. Bagamat nakatatanggap ng kaunting ayuda mula sa pamahalaan, hindi pa rin umano ito sapat sa gastusin ng kaniyang pamilya.
Samantala, inilahad naman ni Junmar*, isang drayber, na hindi madaling maghanap-buhay, lalo na sa katulad niyang umaasa lamang sa pamamasada. Aniya, araw-araw bumabagabag sa kaniyang isipan ang paraan upang mapagkasya ang kaniyang kinikita. Labis na pangamba rin ang lumukob sa kaniya matapos mapag-alamang hindi naisama ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga makatatanggap ng ayuda. Para sa isang padre de pamilya, higit ang kaniyang pagpupursiging maghanap-buhay sa kabila ng takot sa pansariling kalusugan. Sa huli, napilitan siyang magdoble-kayod dahil batid niyang gutom lang ang kanilang mapapala kung patuloy siyang aasa sa tulong mula sa pamahalaan.
“Hindi naman aasa [ang mga mamamayan] nang lubos sa gobyerno kung may sapat na plano at pondo. Sana lang sa susunod [na lider], hindi na basta mangapa sa gagawin. Sana makinig din sila sa mga hinaing ng mga mamamayan,” panawagan ni Junmar.
Sa patuloy na pagkakasadlak ng bansa sa kahirapan, hindi kinakailangan ng taumbayan ang palpak na sistema ng pamamalakad. Higit na nakamamatay sa kumakalat na sakit sa bansa ang lantarang kasakiman. Walang bakuna sa pagkagahaman—mamamayang Pilipino lamang ang may hawak ng lunas na wakasan ang sistemang nagluluwal ng kawalan ng tunay na paglilingkod sa bayan.
*hindi tunay na pangalan