MARIING SINELYUHAN ng Onic Philippines ang kanilang kampanya sa ikalawang araw ng Group Stage ng Mobile Legends: Bang Bang M3 World Championship, Disyembre 7. Nabigo mang makamit ang panalo kontra Onic Indonesia, napasakamay naman ng Onic Philippines ang tagumpay laban sa mga koponan na Todak at Keyd Stars.
Magandang simula ang ipinamalas ng Onic Philippines sa unang laro nito sa M3 World Championship matapos tumirada ng magkakasunod na kill si Markyyyyy kontra Onic Indonesia. Nagsilbi ring bentahe ang nagbabagang opensa ng scoring machine ng Pilipinas upang mapabagsak ang turrets ng katunggali.
Sinandalan naman ng Onic Philippines si Kairi pagsapit ng ika-anim na minuto ng tunggalian matapos nitong magkapagtala ng triple kill na nagbunsod sa iskor na 6-4. Sa kabilang banda, hindi nagpahuli ang Onic Indonesia na pinamunuan nina CW at Butsss upang subukang tapatan ang bagsik ng koponang Pilipino sa gitnang mapa.
Sa kabila ng hagupit ng pambato ng Indonesia, nanatili ang kalamangan ng Onic Philippines sa pamumuno ni Hatred karga ang kaniyang triple kill at 4-2 run sa laro. Gayunpaman, agad na bumaliktad ang kapalaran ng Onic Philippines matapos silang kapusin sa depensa sa huling bahagi ng bakbakan, dahilan upang makalbo ang kanilang turrets at mapaslang ang apat na manlalaro nito. Bunsod nito, tinuldukan ng Onic Indonesia ang 20 minutong labanan sa pamamagitan ng kanilang epic comeback, 0-1.
Matagumpay namang nakabangon ang Onic Philippines sa ikalawang yugto ng laban kontra Todak ng Malaysia. Masugid na pagpupursigi ang ipinakita ng pambatong koponan ng Pilipinas matapos tapatan ang makunat na depensa ng kalaban. Kaakibat nito, nagsilbing susi ang double marksman strategy ng Onic na tambalang Beatrix at Natan upang paigtingin ang kanilang opensa sa laro.
Hinirang namang Most Valuable Player si Baloyskie sa laban nito kontra Todak bitbit ang kaniyang support hero na si Rafaela na nagpasiklab ng 11 assists. Nagsilbi ring kasangga ng nasabing manlalaro si Hatred sa naturang sagupaan nang magpakawala ng siyam na kill at isang assist, sapat upang dalhin ang kanilang koponan sa unang panalo, 1-0.
Nagpatuloy naman ang matibay na opensa na nabuo ng Onic Philippines mula sa ikalawa nitong laro. Bunsod nito, matikas na pinaigting ng koponan ang kanilang pulidong laro kontra sa Keyd Stars ng Brazil. Makalipas ang anim na minuto, itinudla ng koponang Pilipino ang objectives ng laro at ipinatumba ang tatlong turrets ng katunggali.
Nagsilbing mitsa ng Onic Philippines ang kanilang sunod-sunod na pagsira ng turrets upang pasabugin ang naghihingalong opensa ng Keyd Stars na kumapit lamang sa isang kill ni Kiing. Matapos nito, malinis na winalis ng koponan ang top lane ng mapa at winasak ang natitirang turret ng Keyd Stars. Humirit din ng double kill si Markyyyy sa naturang labanan sa top lane. Nakapaglista naman ng isang kill at anim na assist si Dlarskie na lubos na nakatulong sa pagkapanalo nito sa huling laban sa Group Stage ng torneo, 1-0.
Nakamit ng Onic Philippines ang unang puwesto para sa group B ng Group Stage ng M3 World Championship matapos pabagsakin ang Todak at Keyd Stars na mismong nakapagtala ng upset kontra MPL Invitational champion Onic Indonesia. Bunsod nito, umakyat patungong upper bracket ng Playoffs ng torneo ang Onic Philippines kasama ang kapwa koponang Pilipino na Blacklist International.