UMUSBONG ang iba’t ibang paligsahan sa Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) upang bigyan ang mga manlalaro ng pagkakataon na ipakita ang kanilang angking talento sa nasabing larangan. Isa na rito ang pinakainaabangang paligsahan ng mga estudyanteng hayskul at kolehiyo—ang AcadArena National Campus Open (NCO): MLBB.
Kamakailan, bumuo ang De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus (VA) Esports ng tatlong koponan ng MLBB upang sumabak sa ikatlong season ng NCO. Nakipagtagisan ang mga koponan sa ilan sa mga pinakamalakas na Pamantasan mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Ibinahagi naman ng team manager ng VA MLBB na si Enzo Cochanco kasama ang mga team captain ng koponan na sina Rhen Dela Cruz, Andrey Alkhubaizi, at Richmond Lim sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel ang kanilang mga estilo ng laro at ensayo bilang preparasyon tuwing sumasabak sa isang Esport competition.
Pagbuo ng mga koponan sa VA MLBB
Pinalawak ng Viridis Arcus ang kanilang mga sinasalihang Esports competition sa pamamagitan ng pagbuo ng koponan para sa larong MLBB. “Once we were officially recognized as an official DLSU organization, we decided to try to expand into more Esports, since we would have more resources to do so,” pahayag ni Cochanco. Mula sa pagkakaroon ng mga koponan sa mga larong League of Legends, Valorant, League of Legends: Wildrift, at Call of Duty: Mobile, naisipan ng VA na bumuo ng koponan para sa nagdaang NCO S3: MLBB.
Mula sa mga aplikanteng Lasalyano na nagparehistro bilang indibidwal o grupo, anim na koponan ang nabuo ng VA upang sukatin ang kanilang galing sa paglalaro ng MLBB. Ibinahagi ni Lim na ibinatay nila sa mga nakitang kalakasan at kahinaan ng bawat manlalaro ang roles ng grupo. Isa-isang naglaban ang bawat koponan hanggang sa nakilala ng VA ang tatlong pinakamalakas na koponan na sasabak para sa NCO.
Hindi man magkakakilala sa simula, hindi nagpatinag ang ilan sa mga koponang lumahok upang makuha ang top 3 finish sa tryouts. “We needed to trust each other agad in order to dominate our games,” wika ni Dela Cruz. Matapos nito, dumiretso ang mga napiling koponan sa matinding pagsasanay bilang paghahanda sa ikatlong season ng NCO: MLBB.
Paglantad sa mga estratehiya at pagsubok
Bago sumabak sa iba’t ibang torneong nilahukan, ibinahagi ni Cochanco na susi sa kanilang husay sa paglalaro ang pag-eensayo nila sa ranked game ng MLBB. Dagdag pa rito, nakikipaglaban din sila kontra sa ibang koponan na kalahok din sa mismong torneo. Matapos nito, sinusuri ang kinalabasan ng naging laban ng mga koponan na hawak ni Cochanco. “We take a look at the items, emblems, map rotations, hero drafts, and many other to see what we can improve on,” pagbabahagi ni Cochanco.
Gayunpaman, humaharap din ang VA MLBB team sa iba’t ibang pagsubok dulot ng birtuwal na pag-eensayo. Dulot nito, nawalan sila ng oras para mag-ensayo at hindi napapagtibay ang kanilang team dynamics. Para sa bagong tayong koponan, inihayag nina Dela Cruz, Alkhubaizi, at Lim na nahirapan silang itaguyod sa umpisa ang pagbabalangkas ng kani-kaniyang estratehiya bago sumabak sa NCO: MLBB.
Sa kabila nito, naniniwala ang VA MLBB team na sa kanilang patuloy na paglahok sa mga torneo, kalaunan mahahanap din nila ang daan tungo sa minimithing kampeonato. Sa ngayon, nais nilang punan ang kanilang mga pagkukulang sa ensayo, tulad ng paglalaan ng sapat na oras para maglaro ng ranked games kasama ang mga kakampi.
Bukod dito, sinusubukan na ring timplahin ng VA ang kanilang kemistri upang makagawa ng plakadong rotasyon sa mapa tuwing naglalaro. Kaakibat nito, puspusang nag-eensayo ang mga manlalaro ng VA MLBB team upang mapaunlad ang kanilang komunikasyon at pagkakaisa bilang magkasangga sa bakbakan. “We plan to win in the future by practicing hard and improving as a team and prove that gaming while studying is possible,” pagwawakas ni Lim.