Mahigit isa’t kalahating taon na rin ang nakalilipas mula noong huling nakapasok ang pamayanang Lasalyano sa loob ng unibersidad. Mabilisang ninakaw ng panahon at ng pandemya ang mga dapat sanang masasaya pang araw kasama ang mga kaibigan nang sapilitang ikinahon sa nakabubulag na iskrin ang mga araling pinipilit intindihin kapalit ng sapat na paghinga at tamang oras ng pagtulog.
Sa kabilang dako naman, hindi maikakaila ang kritikal na gampaning kinahaharap ng mga propesor upang masigurong natututo ang kanilang mga estudyante. Subok man ng panahon, patuloy na sinusukat ang kanilang tikas at dunong sa pagsabay sa teknolohiya at kahingian ng panahon. Dito nasusukat ang kanilang kahusayan sa pagtimbang sa pagitan ng pagtasa ng karunungan at pakikipagkapwa-tao.
Dala ng mga balakid sa pagkatuto ang presensya ng isang malalim at malawak na lamat na nagmanipesta sa pagitan ng koneksyon ng mga estudyante’t propesor; isang lambak na nagrerepresenta ng hiwalay na pagkatuto at pagtuturo ng dalawang panig. Sa pagliban ng gabay na liwanag mula sa kabilang dako ng lambak, naiwang nangangapa ang mga mag-aaral sa kanilang paghahanap ng muling magpaiigting ng kanilang sigasig sa pagkatuto.
Paggamay sa kahon
Tila nag-iba ang kahulugan ng apat na sulok ng silid-aralan—sa halip na masulyapan ang mga gusali ng pamantasan, iba’t ibang birtuwal na plataporma ang nagsilbing pansamatalang tahanan ng mga mag- aaral ngayong pandemya. Subalit, kalakip ng paggamit sa makabagong teknolohiya ang kakayahang makipagsabayan sa mga balakid na dulot nito—bagay na kinailangang matutuhan agad ng mga estudyanteng tinatahak ang daang ito.
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel sina Allyssa Maye Estrella, ID 120 na kumukuha ng AB Philippine Studies Major in Filipino in Mass Media, at Stefany Mae Sambalilo, ID 120 na kumukuha ng AB Political Science, upang alamin ang kanilang karanasan sa ilalim ng online na klase pati na rin ang mga taong patuloy na humuhubog sa kanilang kakayahan sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng pandemya.
Inilahad ni Sambalilo na tulad ng ibang mag-aaral, hindi na bago sa kaniya ang mawalan at magkaroon ng mabagal na internet, biglaang pagkawala ng kuryente, at iba pang karanasan tuwing nasa online na klase. Maliban sa pasensya at pokus, kailangan din daw ang diskarte ngayong online learning, lalo pa’t iisa lang sila ng silid ng kapatid na mayroon ding klase. “Bumili [pa] kami ng noise-cancelling headphones at nagkusa kaming makiramdam sa kalagayan ng bawat isa tuwing may klase o may sinasagutang pagsusulit,” ani Sambalilo.
Kuwento pa niya, akala niyang magiging mas magaan ang pag-aaral dahil nakapaloob lamang sa laptop ang mga aralin. Subalit makalipas ang ilang buwan, napagtanto niya ang hirap at nasabing, “Madaling makapasa para sa akin ang maging mag-aaral sa online classes, subalit mas marami akong natututuhan sa face-to-face.”
Pangako mang pagbuklurin ng online learning ang mga mag-aaral mula sa kani-kanilang bahay, hindi pa rin maiiwasan ang pakiramdam ng pag-iisa, at isa rin ito sa mga sentimiyento ni Estrella. Para sa kaniya, isa sa mga balakid sa pagkuha ng online classes ang kawalan ng pagkakataong makihalubilo sa mga kaklase. Aniya, “Ako na lamang mag-isa sa halip na mayroon akong mapagtatanungan tungkol sa aming aralin.” Subalit kalaunan, iyon naman daw ang nag-udyok sa kaniya upang mag-aral sa kaniyang sarili. “Natutunan ko na isantabi muna ang hiya sa tuwing hihingi ng tulong sa mga kaklase, maging sa aking mga guro,” dagdag niya.
Papel ng isang guro
Ibinahagi nina Estrella at Sambalilo ang gampanin ng kanilang mga guro sa kanilang pagkatuto sa gitna ng online classes. Inihayag ni Estrella na tungkulin ng kanilang mga guro na magbigay ng konsiderasyon sa mga mag-aaral upang makasabay ang lahat sa mga aralin. Bagamat kinakailangang ibaba ang mataas na pamantayan pagdating sa pagbibigay ng grado, nakabubuti raw ang pagbibigay ng mga makabuluhang kritisismo ng mga guro sa mga estudyante, “upang malaman ng mag-aaral kung saan siya nagkamali at kung ano pa ang dapat niyang baguhin sa tamang paraan.”
Napansin naman ni Estrella na kinailangang paikliin ng mga guro ang kanilang klase upang magbigay ng konsiderasyon sa mga estudyanteng limitado ang data o para maiwasan ang Zoom fatigue. Bunsod nito, nalilimitahan ang kanilang naituturo sa mga estudyante na nagdudulot upang magkaroon ng mga konsepto at araling nalalaktawan. Dahil dito, idinaing ni Estrella na mas mahirap matuto sa gitna ng online class.
Upang maiwasan ang negatibong epekto ng online set up, ibinahagi naman ni Sambalilo ang kaniyang karanasan sa kaniyang mga propesor. “Mas matulungin at mas maintindihin sila [mga propesor] ngayon dahil layunin nilang malagpasan ang mga hadlang sa pagkatuto na idinulot ng online set up,” paglalahad niya. Ilan sa mga ginagawa ng mga propesor upang maibsan ang mga karanasan ng estudyante ang pagbibigay nila ng mga kopya ng Powerpoint file, recording, at karagdagang lecture upang maging mas epektibo ang kanilang pagtuturo sa kabila ng mga balakid na kaakibat ng online class.
Kita-kita sa gitna
Malimit na nagbabalik-tanaw ang mga mag-aaral ngayon sa mga gunitang nakapagbibigay-ginhawa sa kanilang mga diwa noong malaya pang nakapagliliwaliw ang kanilang mga isipan—malayo sa kwadradong iskrin na tila naging kaisa-isang pinagkukunan ng puhunan ng kanilang sigasig mag-aral sa kasalukuyan. Isang napakalaking hamon sa kanilang pag-aaral ang mistulang lambak na naghihiwalay sa mga mag-aaral, tulad nina Estrella at Sambalilo, na pilit hinahanap ang dating sigasig na dala ng face-to-face classes noon, at sa mga propesor at guro sa kabilang banda, na nais paigtingin ang apoy na pupukaw sa kanilang mga diwa upang matuto. Dahil sa lawak ng lambak, hindi gaanong natatanaw ng mga mag-aaral ang liwanag na ibig iparating ng mga propesor ngayong online set up; marahil sari-saring balakid ang nararanasan ng mga mag-aaral at mga propesor sa kani-kanilang mga karanasan.
Bagamat may mga hamon, hinihimok ng kanilang masisigasig na diwang bigyan ng pagkakataong maisaayos ang matatalas na sistemang maituturing na epektibo para sa mga mag-aaral at mga propesor. Sa krusadang nilalakad ng mga estudyante’t guro, tila patuloy nilang tinatahak ang lambak upang magkita sa gitna at masilayang muli ang liwanag na hihimok sa kanilang mga damdamin at mga isipang gutom na palawigin ang pakikipagsapalaran upang matamo ng dalawang panig ang isang epektibo at masigasig na pagkatuto.