NAGHAIN ng mga suhestiyon at balangkas ang mga mananaliksik mula sa iba’t ibang institusyon sa ginanap na unang serye ng policy forum na handog ng La Salle Institute of Governance (LSIG), Disyembre 3. Layunin nitong talakayin ang pag-usbong ng mga hamong haharapin ng Commision on Elections (COMELEC) upang maitaguyod ang ligtas at patas na halalan sa 2022. Katuwang ng LSIG sa pagsasagawa ng forum ang Participate PH at Ateneo School of Government.
Pinangunahan ni Dr. Ador Torneo, direktor ng LSIG, ang pagtitipon sa kaniyang pambungad na salita. Isinaad niyang nais nilang masuportahan at pagbuklurin ang iba’t ibang larangan upang pataasin ang antas ng kamalayan ng mga mamamayan hinggil sa mga pandemokratikong proseso. Wika niya, “Hopefully [this forum will] contribute to a safe, fair, transparent, and credible elections in 2022 and beyond.”
Rekomendasyon batay sa pananaliksik
Unang nagbahagi ng presentasyon si Ian Jason Hecita, policy research specialist sa LSIG at propesor sa Pamantasang De La Salle (DLSU). Inihalimbawa niya ang nagdaang plebisito sa Palawan noong Marso 2020 bilang sentro ng kaniyang talakayan. Paglalahad niya, “[this is the] first major electoral activity during the pandemic in the Philippines.” Kaugnay nito, naobserbahan nila ang pagkakawangis ng mga alituntunin ng plebisito sa mga planong nais ipatupad ng COMELEC.
Ipinunto rin ni Hecita na nakaapekto sa mga botante ang kredibilidad ng mga institusyon na panatilihin ang kanilang kaligtasan sa kabuuang proseso ng botohan. Dagdag pa niya, “there is a need to consider demand-side inputs especially from citizens in the planning, implementation and monitoring of policies that’ll be developed in the 2022 [elections].”
Inilahad rin niyang naging maayos at matiwasay ang plebisito sa Palawan dahil madaling sundin ang mga ipinatupad na protokol at iisang katanungan lamang ang laman ng balota. “The smooth implementation of the guidelines [is] due to information being disseminated effectively,” saad niya. Ayon kay Hecita, malaki rin ang ginampanan ng infomediaries, tulad ng mga opisyal sa barangay, mga non-government organization, at simbahan upang magpahatid ng impormasyon ukol sa mga protokol ng voting sites.
Ibinase ni Hecita ang kanilang naging rekomendasyon sa resulta ng kanilang pananaliksik. Kabilang dito ang pagbabawal sa mga pisikal na pagtitipon sa pangangampanya, paghikayat o pagbibigay ng insentibo sa pagbabakuna ng mga poll worker, pagkupkop sa mga protokol ng plebisito, at pagpapatupad ng mabisang estratehiya ng paghahatid ng impormasyon sa mga botante.
Ayon din kay Hecita, kinakailangang agarang maisagawa ang plano ng contingency sa mga eleksyong maidaraos sa gitna ng pandemya o sakuna. “Worst case scenarios including lockdowns, COVID[-19] surges, and other local outbreak,” paghahalimbawa pa niya. Bukod pa rito, itinaas niya ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan hinggil sa pagpaplano ng mga alituntunin sa new normal.
Sunod namang iprinesenta ni Gerardo Eusebio, propesor ng Political Science sa DLSU, ang kaniyang pananaliksik ukol sa naging proseso ng pangangampanya at eleksyon sa ibang bansa. Tinukoy niyang nangunguna sa pagkakaroon ng protokol na pangkalusugan ang United States, France, South Korea, at Indonesia. Itinuon din niya ang paggamit ng South Korea at United States sa social media upang mangampanya.
Gayunpaman, naniniwala si Eusebio na may panganib na hatid ang social media sa eleksyon. Pagbabahagi niya, “in US, this results to widespread disinformation [and in] Indonesia, [there are] cyber attacks and hacking against news websites critical of the Indonesian government.” Kaugnay nito, inilahad niyang mahalagang maisama sa plano sa darating na Halalan 2022 ang maingat na paggamit ng komunikasyong panteknolohiya.
Pinalawig niya ang kaniyang punto sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga rekomendasyon para sa nalalapit na halalan at sa mga susunod pang halalan. Kabilang dito ang pagkakaroon ng mga safety protokol, pagbibigay-linaw ng COMELEC sa mga elektoral na tuntunin, pagiging mapagmasid laban sa maling impormasyon, paglunsad ng online na pangangampanya, at pagtatatag ng reporma sa mga halalan na napapailalim sa pandemya o kalamidad.
Huling naglahad ng kaniyang pananaliksik si Dr. Homer Yabut, propesor ng Sikolohiya sa DLSU. Hangad ng kaniyang presentasyon na mabigyang-tuon ang katayuan sa pagboto ng mga Pilipino at mga salik na nakaapekto rito. Ibinahagi niyang isinagawa nila ang online na sarbey sa kanilang Facebook page na “Boboto ka ba?” Aniya, “we target to gather data 1,200 samples in NCR, Luzon, Visayas, Mindanao.”
Isinalaysay ni Yabut na malaking bahagdan ng bilang ng mga Pilipino ang nais bumoto sa susunod na halalan. Bukod pa rito, ipinakita rin niya ang resulta ng sarbey hinggil sa mataas na pagtangkilik ng mga Pilipino sa eleksyon. Aniya, “[the] perceived behavioral control [of the respondents] is [also] high in percentage.”
Naniniwala si Yabut na mataas ang pagnanais ng mga mamamayan sa pagboto at kinakailangan lamang ng malinaw na alituntunin sa pagsasagawa ng proseso. Ibinahagi rin niya ang kaniyang mga rekomendasyong pampolisiya bilang pagtatapos ng kaniyang presentasyon. Ipinunto niyang kailangang matutuhan ang mga patakaran mula sa mabubuti at masasamang halimbawa ng mga halalang isinagawa sa gitna ng pandemya. Pagtitiyak niya, “all these are [still] preliminary results. . . and [there are] many other things that we can [still] learn from this study.”
Tugon ng mga sektor sa suhestiyon
Inimbitahan naman sa forum ang unang tagatalakay na si Hon. Elpidio Barzaga Jr., vice chairperson ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, upang magbigay ng kaniyang reaksiyon ukol sa mga presentasyong ipinakita sa unang bahagi ng sesyon.
Ipinaalala ni Barzaga ang nakasaad sa Konstitusyon tungkol sa soberanyang nakapaloob sa mga mamamayan. Aniya, “sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them.” Dumako naman siya sa mga presentasyon ng mga mananaliksik. Una niyang pinagtuunan ng pansin ang mga bansang ipinagpatuloy at ipinagpaliban ang kani-kanilang mga eleksyon. Itinaas din niyang nakatalaga na sa Konstitusyon ang eleksyon kaya’t tiyak na magaganap at matutuloy ang halalan sa ikalawang Lunes ng Mayo 2022.
Sumang-ayon naman si Barzaga sa rekomendasyon ng mga imbitadong tagapagsalita. Gayunpaman, kinuwestyon niya ang unang suhestiyon ni Hecita hinggil sa pagpapabakuna ng mga poll worker. Aniya, “unfortunately there is still a small segment of our population who are against vaccination [and] we don’t have any law or order coming from the president requiring mandatory vaccination.”
Ipinabatid rin ni Barzaga na mataas na halaga ng badyet ang kakailanganin upang magbigay ng Personal Protective Equipment sa bawat botante. Sambit pa niya, “we have been advocating for social media but unfortunately there are still places where there is no internet connection and some of our citizens don’t know how to use gadget.” Bukod pa rito, iginiit din niya na hindi sapat ang pinagkukunan ng COMELEC para sa mga kinakailangang materyales at tauhan upang maisakatuparan ang rekomendasyon.
Sa kabilang banda, isinaad naman ni Barzaga na nakasanayan na ng mga Pilipino na magkaroon ng diskurso tungkol sa eleksyon. “Filipinos are politically oriented. They always discuss politics and they don’t care whether or not they would have COVID[-19] in the event that they’ll be voting. . . for the candidate in which they idolize.”
Sunod namang nagbigay ng reaksiyon ang pangalawang tagatalakay na si Atty. Luis Tito Guia, dating commissioner ng COMELEC mula 2013-2020. Ipinunto niya ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng plebisito ng Palawan noong 2020 sa paparating na Pambansang Halalan dahil higit itong mas komplikado. Saad niya, “the dynamics of the plebiscite is different than that of the national elections.”
Ipinarating naman ni Guia na namangha siya pangalawang pananaliksik at sa layunin nitong gawing future-proof ang eleksyon. Ipinaliwanag niyang bukod sa pagsilip sa kasalukuyang eleksyon, nararapat na mapanatili ang tiwala ng mga tao sa proseso ng pagboto. Binigyang-diin din niya na mahalagang mabago ang kasalukuyang balangkas at tuntunin ng COMELEC.
Kaugnay nito, ipinahayag din ni Guia na nasasalamin ng badyet na nakatalaga sa COMELEC ang katayuan ng demokrasya ng bansa sa kasalukuyan. Wika niya, “democracy entails expense. Election is the core center of democracy but the resources that we put on election reflects our commitment to the democratic way of life.”
Bilang huling tagapagtalakay, ipinaliwanag naman ni Atty. Ona Caritos, direktor ng Legal Network for Truthful Elections, ang mataas na pangangailangan sa kolaborasyon ng mga pampublikong sektor ng pangkalusugan sa pagsasagawa ng elektoral na alituntunin at proseso. Ibinahagi rin niya ang isa sa rekomendasyon ng kanilang organisasyon sa pagsasagawa ng voters simulation upang matulungan ang COMELEC sa mga ipatutupad na alituntunin sa 2022.
Samantala, itinaas din ni Caritos ang isyung pampinansiyal ng COMELEC. Aniya, “COMELEC needs more support budget wise.” Inilahad din niyang kailangan ng maayos na pangangasiwa sa mga ipatutupad na patakaran at protokol upang matiyak na matutugunan nito ang mga suliranin sa mismong araw ng halalan.