BINIGYANG-TUON ng opisina ng chancellor at ilang miyembro ng pamayanang Lasalyano ang kasalukuyang estado ng matrikula sa Pamantasang De La Salle (DLSU). Inusisa rin nila ang batayan at pinatutunguhan ng naturang matrikula bunsod ng transisyon sa online na klase.
Pulso ng mga estudyante
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ng ilang estudyante ng DLSU ang kanilang saloobin ukol sa kasalukuyang halaga ng matrikula sa Pamantasan.
Ayon kay Raphael Garcia, ID 120 ng kursong AB Political Science at BS Accountancy, hindi makatarungan ang kasalukuyang matrikula ng Pamantasan dahil patuloy pa ring nakararanas ng aberya ang mga estudyante, lalo na sa proseso ng enrollment. Para naman kay Lauren delos Angeles, ID 120 ng kursong BS Psychology, maaari pang bawasan ng administrasyon ang kasalukuyang halaga ng matrikula dahil hindi lubusang nagagamit ang mga pasilidad at pribilehiyo sa online na set up.
Kaugnay nito, inihayag din ng mga estudyante ang kanilang pananaw hinggil sa halaga ng miscellaneous na bayarin at sa mga kaakibat nitong benepisyo para sa mga Lasalyano. Inilahad ni Shane Reyes, ID 120 ng kursong AB Psychology at BS Finance, na hindi ito angkop dahil hindi nagagamit ang kabuuan ng miscellaneous fees sa loob ng isang termino. Inihalimbawa niya ang mga aspektong nakapaloob dito, tulad ng medical, dental, at energy fee.
May pagkakaiba man sa pananaw nina Garcia at delos Angeles ukol sa halaga ng matrikula at sa kaakibat na benepisyong natatanggap ng mga estudyante. Para kay Garcia, natutumbasan ng kalidad ng pagtuturo ng mga propesor ang kasalukuyang halaga ng matrikula. Sa kabilang banda, inilantad naman ni delos Angeles na hindi naman nadarama ang mga ibang benepisyo na sakop ng matrikula, tulad ng student services sa panahon ng enlistment.
Naniniwala si Reyes na kulang pa rin ang mga scholarship na ipinamamahagi ng Pamantasan dahil marami pa ring nangangailangang estudyante ang hindi nakatatanggap ng scholarship. Sambit naman ni delos Angeles, “I do not know if it is enough but I believe that if they have an opportunity to offer more and lessen the financial load of education on the students, then why not?”
Epekto ng matrikula sa mga Lasalyano
Ibinahagi ni delos Angeles na kinakailangang magpataw ng makatuwirang halaga ng matrikula sa panahon ng pandemya dahil nakaaapekto ito sa kasalukuyang estadong pampinansyal ng mga Pilipino. Aniya, “We deserve to have fees that are justified and are in line with what the school can offer us at a time like this.”
Inihayag naman ni Reyes na maaaring maapektuhan ng pagtaas ng halaga ng matrikula ang pagpapatuloy ng kaniyang edukasyon. Saad niya, “Sa katunayan, bilang partial scholar, ang pagtaas ng halaga ng matrikula ay maaaring maging dahilan ng aking pagtigil sa pag-aaral sapagkat hindi na kakayanin pa ng aking magulang na mapag-aral ako kung tataas pa ito.”
Nagbigay rin si Reyes ng ilang suhestiyon na nais niyang ipaabot sa administrasyon ng Pamantasan. Una, iginiit niyang kinakailangang suriin nang mabuti ang kaangkupan ng kasalukuyang halaga ng matrikula sa natatamasa ng mga estudyante. Pangalawa, iminungkahi niyang ibatay ang halaga ng bayarin sa kinikita na pera ng pamilya, tulad ng Socialized Tuition System na ipinatutupad sa Unibersidad ng Pilipinas.
Katuwiran ng administrasyon
Nabigyan din ng pagkakataon ang APP na makapanayam si Br. Bernard S. Oca FSC, kasalukuyang Presidente ng Pamantasan, upang katawanin ang administrasyon hinggil sa kalagayan ng matrikula.
Ipinabatid ni Oca ang mga paraan ng kanilang pagsukat sa kasalukuyang halaga ng matrikula. Ayon sa kaniya, inilalaan nila ito sa pagpapatakbo ng mga programa, sahod ng mga empleyado, at iba pang operational costs.
Bukod pa rito, inihayag din ni Oca na kasama sa pinagbabatayan ng administrasyon ang pagpapaunlad ng mga pasilidad, gaya ng maintenance at pagbuo ng mga bagong silid-aralan. Saad din niya, “[Ang] mga materyales, gaya ng library materials, software, [at] internet connection ay kabilang na sa mga operational costs.”
Ipinarating ni Oca na pinagsisikapan ng administrasyon na makahanap ng iba’t ibang paraan upang makapagkalap ng pondo para sa mga scholarship. Inihalimbawa niya ang pakikipag-ugnayan sa donors, benefactors, at alumni upang mas mapalago ang kanilang pondo.
Ipinunto rin ni Oca na nakaaapekto sa batayan ng pagtataas o pagbababa ng matrikula ang pakikinig sa panawagan ng mga guro at kawani ukol sa pagdadagdag ng kanilang sahod. Dagdag pa niya, malaking batayan ng mataas na gastusin ng operasyon ang patuloy na paglaganap ng inflation sa bansa.
Pagdinig sa panawagan ng mga estudyante
Isinaad ni Oca na patuloy nilang isinasaalang-alang ang naging disrupsyon ng kabuhayan at pampinansiyal na kalagayan ng mga estudyante bunsod ng pandemya. Isinalaysay rin niya ang ibinigay nilang 5% hanggang 20% diskuwento sa matrikula na tumagal ng apat na termino mula ikalawang termino ng A.Y. 2019-2020 hanggang ikalawang termino ng A.Y. 2020-2021. Bukod pa rito, ipinahayag din niya ang pagbabawas sa presyo ng miscellaneous na bayarin.
Malaki ang paghahangad ni Oca sa face-to-face na klase, kaya’t inilatag niya ang ilan sa mga plano ng Pamantasan sakaling maganap na ang transisyon. Aniya, “Pagbubutihin [namin] ang internet connectivity sa kampus, at ipagpapatuloy ang mga pagsasanay ng mga guro at empleyado upang mapaunlad ang hybrid learning.”
Muling binigyang-diin ni Oca na nakalaan ang malaking bahagi ng gastusin ng Pamantasan sa pagbibigay ng sahod sa mga guro at kawani. “Hindi naman ito nagbabago sa online at face-to-face,” paglilinaw niya. Ipinunto rin niyang hindi nagkaroon ng pagtataas sa matrikula sa nakalipas na dalawang taon kahit na patuloy ang pagtaas ng gastusin sa Pamantasan.
Gayunpaman, ipinahayag ni Oca na hindi kakayaning umusad ng Pamantasan sa ganitong pinansiyal na sitwasyon. Inilantad niyang malaki ang pangangailangan ng Pamantasan upang mapalawak ang eskala nito. Ayon sa pananaliksik na isinagawa ng tanggapan ng finance, makatutulong ang pagtanggap ng 5,500 mag-aaral kada taon sa susunod na tatlong taon upang makaahon ang Pamantasan mula sa problemang pinansyal nito.
Sa huli, itinaas ni Oca ang kahalagahan ng konsultasyon sa iba’t ibang sektor ng Pamantasan. Dagdag pa niya, “Ang usapin hinggil sa matrikula ay laging isinasagawa ng [Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition and Fees] at [binubuo ng] mga magulang, estudyante, faculty, staff, at saka administration dahil ito ay isang desisyon na nakakaapekto sa marami.”