MASILAKBONG IWINAGAYWAY ng Blacklist International (BLCK) ang bandera ng Pilipinas sa unang araw ng Group Stage ng Mobile Legends: Bang Bang M3 World Championship, Disyembre 6. Kargado nito, napasakamay ng BLCK ang kanilang makapanindig-balahibong sweep sa internasyonal na torneo tangan ang tatlong panalo kontra Red Canids, Bedel, at Malvinas Gaming.
Maagang ipinalasap ng BLCK ang kanilang bagsik para sa unang laban ng Group A ng MLBB M3 World Championship Group Stage kontra Red Canids ng Brazil. Bunsod nito, matagumpay na pinabagsak ng pambatong koponan ng Pilipinas ang pinakamalakas na koponan ng Brazil na Red Canids, 1-0. Bumida naman sa labanan na ito ang kapitan ng BLCK na si OhMyV33NUS tangan ang kaniyang nakamamanghang 100% kill participation, dalawang kill, at 14 na assist.
Para sa ikalawang bakbakan, matulin na nagpakita ng agresibong galaw ang pambato ng Turkey na Bedel matapos makalamang ng apat na kill kontra BLCK sa unang anim na minuto ng laban. Gayunpaman, agad na nagpasiklab ang BLCK sa huling bahagi ng torneo nang makakuha ng momentum sa farm at kill si OHEB bitbit ang kaniyang marksman hero na si Beatrix.
Bunsod ng nag-aapoy na opensa ni OHEB, sinamantala ng BLCK ang naghihingalong depensa ng Bedel, dahilan upang makamit ang kanilang ikalawang panalo. Kaakibat nito, hinirang na Most Valuable Player si OHEB nang makapaglista ng umaatikabong 13 kill mula sa sumatotal na 16 na kill ng kaniyang koponan.
Nagpatuloy naman ang nagliliyab na momentum ng BLCK matapos pabagsakin ang koponang Malvinas Gaming sa loob ng sampung minuto. Buhat nito, aabante na sa upper bracket ng Playoffs ang Blacklist International na may 3-0 panalo-talo kartada.
Pinatunayan naman ni OHEB ang kaniyang kagila-gilalas na diskarte at determinasyon matapos makapagtala ng pitong kill at apat na assist sa naturang sagupaan kontra Malvinas Gaming. Nagsilbing kasangga naman ng dekalibreng manlalaro si OhMyV33NUS matapos tumikada ng dalawang kill at sampung assist.
Tunghayan ang kapana-panabik na mga laban ng Onic Philippines sa ikalawang araw ng Group Stage ng MLBB M3 World Championship. Makalalaban ng pambatong koponan ng Pilipinas ang Onic Indonesia bukas, Disyembre 7, ika-2 ng hapon. Makahaharap din ng Onic Philippines ang Todak at Keyd Stars sa parehong araw, ika-5 ng hapon.