Tungkulin ng midya na magsiwalat ng kritikal at mapanuring mga balitang kumikiling lamang sa katotohanan. Sa kabila nito, patuloy na sinusubukang patahimikin ng mga makapangyarihan ang boses ng mga mamamahayag—patuloy ang panunupil, pagpakakalat ng huwad na impormasyon sa social media, at kamakailan lamang ang mga akusasyon na biased umano ang midya. Pilit hinahadlangan ng mga makapangyarihan ang pagsisiwalat ng katotohanan, sapagkat ang pagkamulat ng masa ang siyang takda rin ng pagwawakas ng kanilang lideratong nagsusulong lamang ng mga pansariling interes.
Sa ngayon, patuloy na isinisiwalat ng mga mamamahayag ang pagdurusang nararanasan ng mga Pilipino sa kabila ng kaliwa’t kanang red-tagging. Nariyan ang pagpapaugong ng midya sa walang habas na pagkitil ng Drug War sa halos 30,000 buhay, kabilang na ang higit 100 menor de edad. Mula sa pagbabalitang ito, nabigyang-pansin ang nasabing isyu sa mata ng madla hanggang sa imbestigahan na rin ang kasong ito ng International Criminal Court. Kapalit nito, kinaharap ng mga organisasyong nagbalita nito, gaya ng ABS-CBN at Rappler, ang pamumulitikang nagdulot sa pagtanggal sa kanilang mga prangkisa at lisensya.
Matatandaan din noong Abril ang pagbabalita ni Chiara Zambrano sa paghabol ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisda sa West Philippine Sea. Sa halip na ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas, pinasaringan pa ng gobyerno ang midya sa paglalahad nito sa tunay na danas ng mga Pilipino sa sarili nilang karagatan. Katawa-tawa ang gobyernong kumakapit na lamang sa pambubusal kapag inilalantad ng mga mamamahayag ang mga pagkukulang ng kanilang mga kawatan, este kinatawan, sapagkat nababahag ang kanilang buntot na sa pagkakataong mamulat ang masa, mawawalan sila ng kapangyarihan.
Kaya naman, naninindigan ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa layunin nitong magsiwalat ng sapat, tunay, at tamang impormasyon para sa lahat ng Pilipino, lalo na sa panahong ginagawang armas ang midya para sa sariling kapakanan ng mga nasa kapangyarihan. Hindi kailanman magpapatinag ang midya sa pagsisiwalat ng reyalidad at danas ng mga Pilipino dahil kung walang kikilos ukol dito, hindi makakamit ng sambayanan ang tunay na diwa ng pagiging Pilipino at bansang demokratiko. Sama-sama nating kilalanin ang tunay na lugar at tungkulin ng midya—ang kumiling sa makatotohanang impormasyon.