ISINAPORMAL ang pagbibitiw nina Gabriel Lorenzo Dela Cruz bilang Laguna Campus Student Government (LCSG) campus president at Marts Madrelejos bilang kinatawan ng Legislative Assembly (LA) ng FAST2018. Tinalakay rin sa sesyon ng LA ang alokasyon ng badyet ng University Student Government (USG) at ang mga pagbabago sa Office of Campus Legislator (OCL), at LA Journal.
Alokasyon ng pondo ng USG
Tinalakay ni Ashley Francisco, FAST2020, sa unang bahagi ng sesyon ang alokasyon ng badyet ng USG para sa akademikong taon 2021-2022. Iprinisenta ni Caleb Chua, kasalukuyang Executive Treasurer ng USG, ang alokasyon ng pondo.
Unang binigyang-linaw ni Chua ang pagbaba ng operational fund na nakalaan para sa USG. Mula Php397,687, bumaba ito sa Php397,187. Pagpapaliwanag ni Chua, malaki ang ibinaba ng alokasyon para sa operational fund ng USG sa akademikong taong 2019-2020 tungong 2020-2021 bunsod ng pandemya, mula Php557,335 bumaba ito sa Php397,687.
Sunod na tinalakay ni Chua ang alokasyon ng pondo para sa batch units, college units, at Executive Board (EB) ng USG. Ipinakita niya ang division rationale ng pondo para sa mga naturang yunit. Nakapaloob dito ang 20% para sa mga batch yunit, 48% sa mga college yunit, at 32% para sa EB.
Dagdag ni Chua, maiging magkaroon ng higit na malaking porsiyento ang mga college yunit kompara sa EB ng USG dahil paghahatian pa ng pitong kolehiyo ang pondo habang limang opisina lamang ang maghahati-hati sa EB ng USG.
Kinonsulta ang lahat ng mga opisina hinggil sa alokasyon ng pondo at pumayag sila sa alokasyon ng pondo ng bawat opisina. Pinangasiwaan naman ng administrasyon ng Pamantasan ang alokasyon ng pondo ng University Vision Mission Week.
Binanggit din ni Chua na walang alokasyong nakalaan para sa terminal batches dahil walang EB ang kanilang batch. Dahil dito, nilipat na lamang ang kanilang alokasyon sa kanilang mga college yunit. Inilahad rin niya ang mga alokasyon ng pondo sa bawat batch.
Kaugnay nito, ang mga sumusunod ang naging alokasyon ng pondo para sa mga batch yunit sa College of Computer Studies (CCS): Php1,230.76 para sa CATCH2T22; Php1,377.82 para sa CATCH2T23; Php1,627.51 para sa CATCH2T24; Php3,127.59 para sa CATCH2T25.
Para naman sa Br. Andrew Gonzalez College of Education (BAGCED) ang mga sumusunod ang alokasyon ng pondo ng bawat batch yunit: EDGE2018 mayroong Php869.85; EDGE2019 mayroong Php939.58; EDGE2020 mayroong Php1,079.28; EDGE2021 mayroong Php2,022.54.
Sa kabilang banda, ang mga sumusunod naman ang alokasyon ng pondo para sa mga batch yunit ng College of Liberal Arts (CLA): Php1,952.57 para sa FAST2018; Php2,328.20 para sa FAST2019; Php2,739.44 para sa FAST2020; Php5,145.22 para sa FAST2021.
Para sa Ramon V. del Rosario College of Business (RVRCOB) ang mga sumusunod ang alokasyon ng pondo ng bawat batch yunit: BLAZE2021 mayroong Php2,425.18; BLAZE2022 mayroong Php2,795.66; BLAZE2023 mayroong Php3,389.06; BLAZE2024 mayroong Php5,513.
Ang mga sumusunod naman ang alokasyon ng pondo para sa mga batch yunit ng Gokongwei College of Engineering (GCOE): Php1,858.04 para sa 73rd ENG; Php2,158.06 para sa 74th ENG; Php2,351.03 para sa 75th ENG; Php3,601.92 para sa 76th ENG.
Para naman sa College of Science (COS) ang mga sumusunod ang alokasyon ng pondo ng bawat batch yunit: FOCUS2018 mayroong Php1,115.61; FOCUS2019 mayroong Php1,288.45; FOCUS2020 mayroong Php1,601.73; FOCUS2021 mayroong Php3,830.50.
Sa kabilang banda, ang mga sumusunod naman ang alokasyon ng pondo para sa mga batch yunit ng School of Economics (SOE): Php921.41 para sa EXCEL2021; Php1,063.32 para sa EXCEL2022; Php1,239.10 para sa EXCEL2023; Php2,211.58 para sa EXCEL2024.
Binigyang-diin ni Chua na nakabatay sa populasyon ng bawat batch ang alokasyon ng pondo. Tulad na lang din sa mga batch yunit, nakabatay ang makukuhang pondo ng mga college yunit sa bilang ng mag-aaral sa kolehiyong iyon.
Nagkaroon ng malaking alokasyon ng pondo ang malalaking kolehiyo. Tulad na lamang ng RVRCOB, CLA, at GCOE na mayroong, ayon sa pagkakabanggit, Php33,894.95, Php29,197.01, at Php23,925.74. Habang ang COS, CCS, SOE, at BAGCED mayroong, ayon sa pagkakabanggit, Php18,807.09, Php17,672.82, Php13,045.00, at Php11,786.99.
Nilinaw naman ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, kung paano magkakasya ang pondo ng EB ng USG para sa kanilang mga proyekto. Tugon ni Chua, inaasahan naman nilang hindi magiging sapat ang pondo na inilaan sa kanila. Dagdag pa niya, sa kabila ng limitadong pondo, hinahangad nilang mabigyan ang bawat opisina ng USG EB ng pantay-pantay na pondo batay sa kinakailangan ng bawat opisina.
Itinaas din ni Tiffany Mae Chua, BLAZE2023, ang katanungan hinggil sa pagbaba ng operational fund ngayong taon. Iniugnay niya ito sa posibilidad na magbalik sa face-to-face classes na muli sa ikalawang termino. Ayon kay Chua, isinaalang-alang ng Pamantasan ang epekto ng pandemya. Bunsod nito, hindi makapagbigay ng mas malaking pondo ang Pamantasan sa USG.
Sa botong 19 for, 0 abstain, at 0 against, ipinasa ang alokasyon ng pondo ng USG para sa kasalukuyang akademikong taon.
Pagbibitiw ng mga opisyal sa puwesto
Sunod na tinalakay sa sesyon ang pagbibitiw ng LCSG Campus President na si Gabriel Lorenzo Dela Cruz. Pinangunahan ni Pauline Carandang, LCSG1, ang pagtalakay rito. Ayon kay Carandang, campus secretary ang magsisilbing Officer-in-Charge hangga’t wala pang nahihirang na panibagong campus president. Nagpaabot ng pasasalamat si Aeneas Hernandez, EXCEL2022, kay Dela Cruz para sa kaniyang serbisyo sa LCSG.
Inaprubahan ang pagbibitiw ng LCSG campus president sa botong 19-0-0.
Inilatag ni Hernandez ang opisyal na pagbibitiw ni Madrelejos bilang kinatawan ng LA sa FAST2018. Pinasalamatan at nagpaabot din ng mabuting hangarin sina Francisco, Hernandez, at Ignacio para kay Madrelejos. Isang karangalan daw kay Madrelejos ang maglingkod para sa kaniyang batch at LA.
Isinapormal ang pagbibitiw ni Madrelejos sa botong 17-0-2.
Pagbabago sa OCL at LA Journal
Pinangunahan naman nina Ignacio at Celina Vidal, FOCUS2018, ang pagtalakay sa mga pagbabago sa OCL at LA Journal. Binigyang-linaw ni Ignacio na ipatutupad ang mga pagbabago isang linggo matapos maaprubahan ang panukala.
Kabilang sa mga naturang pagbabago ang pagbibigay ng updated LA Journal sa mga opisyal ng Student Media Office (SMO) ng Pamantasan. Kailangan na ring mailagay ang link ng final copy ng mga panukala sa LA Journal sa loob ng tatlong araw bilang tugon sa mabilisang paglalahad ng impormasyon ng mga SMO.
Tatanggalin na rin ang sistema ng paghingi ng mga estudyante sa kopya ng mga ipinasang panukala. Magiging bukas na sa lahat ng estudyante ng Pamantasan ang link ng mga panukala at resolusyon na mayroong “view only” accessibility. Dagdag pa rito, ihahayag na ang LA Journal sa mga opisyal na social media ng LA upang makita ng lahat.
Isinapinal ang mga pagbabago sa botong 19-0-0.
Sa pagtatapos ng sesyon, binati muli ni Francis Loja, Chief Legislator, ang mga kinatawan ng LA. Binanggit din niya na makikita na sa USG LA PIO Facebook page ang resulta ng LA exam. Ipinahayag na rin ni Loja ang naging resulta ng eleksyon para sa mga sponsoring committee ng LA.
Hinirang sina Raphaela Tan, 75th ENG, bilang Chairperson; T. Chua, bilang Vice Chairperson; at Francisco, bilang Secretary para sa Rules and Policy committee.
Inihalal naman sina Tracy Perez, FOCUS2020, bilang Chairperson; Didi Rico, 74th ENG, bilang Vice Chairperson; at Chinah Marpa, EDGE2019, bilang Secretary para sa Students’ Rights and Welfare committee.
Itinalaga rin sina Jansen Lecitona, FAST2019, bilang Chairperson; Julienne Gonzales, EDGE2020, bilang Vice Chair; at Ched Tan, BLAZE2022, bilang Secretary para sa National Affairs committee.