Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihang taglay ng sambayanang lumuklok at magpatalsik ng pangulo sa pamahalaan. Tumindig ang libo-libong Pilipino noong Pebrero 1986 upang mawaksi ang paglalapastangan ni dating diktador Ferdinand Marcos sa kaban ng bayan at karapatang-pantao ng mga Pilipino. Iniluklok sa puwesto si dating pangulong Maria Corazon Aquino at pinagbagong-bihis ang Konstitusyon bilang sagisag ng pagkondena ng mga mamamayan sa marahas na kasaysayan ng Batas Militar.
Bagamat nabawi ang kapangyarihan kay Marcos, hindi nabigyang-hustiya ang lahat ng kaniyang krimeng nagawa. Agad-agad lumipad papaalis ng bansa ang pamilyang Marcos at nagtago sa Hawaii bitbit ang bilyon-bilyong alahas, ginto, at perang ninakaw nila sa Pilipinas. Hindi nagawang maiharap sa korte si Marcos para sa kaniyang mga kasalanan sapagkat walang hurisdiksyon ang mga korte ng Pilipinas na litisin ang mga kaso ng mga Pilipino na wala sa bansa. Hanggang ngayon, hindi pa rin naibabalik ang mahigit $5 hanggang $10 milyong halaga ng ill-gotten wealth ng pamilyang Marcos.
Buong-tapang namang ipinababa ng sambayanan si dating pangulong Joseph Ejercito Estrada sa puwesto nang magnakaw siya at ang kaniyang mga kasabwat ng mahigit Php200 milyon sa kaban ng bayan noong Enero 2001. Iginiit ng Kongreso, Pambansang Pulisya ng Pilipinas, Sandatahang Lakas ng Pilipinas, simbahan, at libo-libong Pilipino ang kaniyang resignasyon sa Mendiola Peace Arch. Hinimok ng bayan na pumalit sa kaniya si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Napilitan na lamang umalis sa posisyon si Estrada sapagkat nawala na ang suporta sa kaniya ng sambayanan at mga dating inaaasahang opisyal.
Makasaysayan ang nabanggit kong dalawang malawakang-pagkilos hindi lamang para sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Kinilala ang mga nasabing pagtindig bilang People Power Revolution I at II. Tiningala ng mga dayuhan ang angking-tapang at pagmamahal ng mga Pilipino para sa kanilang bansa. Naging paksa ito ng mga lokal at dayuhang akda at naging bahagi ito ng mga kurikulum ng mga estudyante sa kasaysayan. Gayunpaman, tila bakit ang bilis ng ibang makalimot?
Talamak sa social media ang pagpuri sa galing ng rehimeng Marcos. Naniniwala akong kailanman hindi matutumbasan ng dami ng proyektong imprastraktura ang naging paniniil at pagnanakaw ng isang diktador. Ayon sa Amnesty International, mahigit 3,257 ang namatay, 35,000 na-torture, 77 nawala, at 70,000 ang ikinulong nang walang dahilan noong Batas Militar. Gaano nga ba kamanhid ang ilan sa atin at nagawa nilang talikdan ang mga kawalang-hiyaan ng isang mamamatay-tao?
Kaibhan kay Marcos, hinatulan ng guilty si Estrada at ang kaniyang mga kawani ng kasong Plunder. Gayunpaman, binigyan siya ni Arroyo ng absolute pardon para sa kaniyang mga kasalanan. Sinubukan ni Estrada na tumakbong muli para sa posisyon sa gobyerno, at nanalo siya bilang Alkalde ng Maynila. Parang hindi na natuto, binigyang-daan muling magkaroon ng kapangyarihan ng mga botante ang isang mandarambong. Hindi pa ba sapat ang mga aral ng nakaraan upang maging maingat at mapagmatiyag na tayo sa mga kandidatong humahalinang kunin ang ating boto?
Nakakapagpabagabag na napakadaling balukturin ng kasaysayan. Nananawagan ako sa aking ilang kapwa Pilipino na maging mulat at huwag maging bulag sa katotohanan. Huwag nating kalimutang hindi natin maaatim ang demokrasyang mayroon tayo ngayon kung hindi tumindig ang ilan nating kababayan para sa katarungan.