INUSISA sa isang talakayang pinasinayaan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP)-Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino na pinamagatang, “Pagod ka na ba?: Isang Pagtatalakay sa Hamon ng Pulitikal na Proseso”, ang implikasyon at manipestasyon ng Sikolohiyang Pilipino sa politikal na proseso ng bansa, Nobyembre 30.
Kabilang sa mga pangunahing tagapagsalita sina Propesor Mark Joseph Santos, guro mula sa Departamento ng Agham Panlipunan at Humanidades ng Pamantasang Centro Escolar; Francis Simonh Bries, instruktor at mag-aaral ng PhD sa Departamento ng Sikolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman (UPD); at Maryanne Abog, mag-aaral ng Sikolohiya sa UPD.
Sa panahong magkasabay na lumalaganap ang pagkalat ng maling impormasyon at mga usaping politikal dulot ng nalalapit na halalan, mahalagang maunawaan ang bawat sikolohikal, sosyo-politikal, at pangkasaysayang salik ng kasalukuyang demokratikong proseso sa bansa upang magkaroon ng kritikal na pagsusuri ang bawat isa.
Elitistang diskurso
Sa pamumuno ng kasalukuyang administrasyon, inilahad ni Santos na kinaharap ng lipunan ang rehimeng nagpapanatili sa sistema ng karahasan at pang-aabuso sa kapangyarihang ibinigay ng taumbayan. Ibinahagi niyang napuno lamang ang kanilang pamamahala ng walang habas na pagpatay sa libo-libong mga Pilipino, kakulangan ng aksyon sa iba’t ibang hamon na kinakaharap ng bansa, pang-aabuso sa kapangyarihan, at pagbaluktot ng kasaysayan.
Bunsod ng wala kapagurang mga isyung kumikitil sa kaunlaran ng bansa, tila naipapasa ang sisi sa mga nasa laylayan. “Marami sa atin ‘yung naiistress. . . nakakaranas tayo ng political fatigue dahil sa mga sitwasyong ito at isa sa mga nagiging coping mechanism ng ilan sa atin, lalo sa hanay ng educated middle class, ay ‘yung maghanap ng masisisi. . . ang nahahanap na sisihin ay ‘yung taumbayan mismo,” paliwanag ni Santos.
Bukod dito, iginiit ni Santos na bahagi ng elitistang pananaw ng mga mamamayang Pilipino ang patuloy na paglalarawan ng mga nasa gitnang antas ng lipunan sa masa bilang mga ‘bobotante’. Dulot ng laganap na vote-buying tuwing eleksyon at pagbingi-bingihan umano ng mga propesyonal, lalong mas namamarkahan ang taumbayan bilang mga anti-intelektuwal sa lipunan. Dagdag niya, madalas din silang inilalarawan na walang pakialam at hindi mapanuri dahil sa patuloy nilang pagtitiwala sa mga impormasyon mula sa social media kompara sa pagbabasa ng mga libro at akademikong journal.
Gayunpaman, ani Santos, hindi masisisi ang mga nasa laylayan sa ganitong pangyayari sapagkat wala silang panahon upang magsaliksik dulot ng kanilang pang-ekonomikong kondisyon. Sa huli, nananatiling priyoridad ng mamamayan ang paghahanapbuhay upang masigurong may maihahain sa pamilya. Giit ni Santos, hindi ang mga mamamayan ang salarin sa mapanupil na pamamahala ng mga politiko dahil biktima lamang sila ng sistemang nagpapanatili sa mga mapang-abusong naghaharing-uri.
Dagdag pa niya, maihahalintulad ito sa isyu ng vote-buying, “. . . ‘yung template response natin. . . ay masama ‘yan, ‘di dapat ‘yan gawin, kawalan ‘yan ng integridad. . . talaga bang ganon lang kadali sabihin ‘yon?. . . o baka madali lang natin sabihin kasi ‘di naman malakas sa atin ‘yung temptation ng Php500 o isang libong piso. . . Mayroong mga kapwa tayo PIlipino na napakalaking bagay niyang Php500 o isang libo.”
Naniniwala si Santos na higit sa pagbibigay-tuon sa isyu ng pagbili ng boto ang kinakailangan sapagkat mas mahalagang solusyonan ng mga organisasyon ang sistemang nagpapanatili sa kahirapan ng taumbayan at pumipilit sa kanilang magpasilaw sa pera.
Binigyang-diin din ni Santos na malaki ang maitutulong kapag gagawing makamasa ang kasaysayan. Aniya, panahon na upang bumaba ang mga historyador sa kanilang akademikong pedestal at magsimulang makisalamuha sa taumbayan sa pamamagitan ng paggawa ng mga impormatibong post at bidyo sa mga social media platform.
Ibinahagi rin ni Santos na unti-unting lumalayo ang pagitan ng akademiko at bayan dulot ng sistemang pang-edukasyon na nakahubog batay sa kanluraning sistema. Naniniwala si Santos na hindi makamasa ang akademikong sistema sa bansa dahil ginagamit nito ang salitang Ingles at mga konseptong kanluraning kadalasang hindi madaling maunawaan ng taumbayan. Bunsod nito, mas lumalala ang paglalarawan sa masa bilang ‘bobotante’.
Bukod dito, batid ni Santos na malaking hamon ang pagtingin ng edukadong may pribilehiyo sa taumbayan bilang pasibong mamamayang tumatanggap lamang ng impormasyon. Gayunpaman, nanindigan siyang walang espasyo ang pagkakaroon ng ganitong perspektiba, lalo na sa panahong kinakailangan ng bawat isa ang malinaw na komunikasyon upang mas maisulong ang mapanuring pagboto sa Halalan 2022.
Bilang pagtatapos, ipinaalala ni Santos na malaki ang tungkulin ng akademya at ng mga edukadong mamamayan sa pagsuri sa kondisyon ng mamamayang Pilipino. Hindi lamang dapat ang taumbayan ang nakikinig, sa halip kinakailangan ding isaalang-alang na hindi nagmumula sa mamamayang Pilipino ang problema, bagkus nagmumula ito sa isang mapang-aping sistemang patuloy na nagluluwal ng mga naghaharing-puwersa.
Pagtindig sa katotohanan
Sa pagbabahagi ni Bries, tinalakay niya ang iba’t ibang uri ng impormasyong kumakalat sa lipunan na nagmumula sa social media. Aniya, tinutukoy ng disinformation ang mga maling impormasyong ginagamit upang makapagsulong ng sistemang mapanlinlang o may masamang intensyon, katulad ng black propaganda. “Ang mga tao ay hindi gumagalaw sa mundo ng katotohanan, tayo ay gumagalaw sa mundo ng ating pinapaniwalaan,” saad ni Bries.
May kaakibat na matinding kapangyarihan ang salita at kinakailangan ang pagkakaroon ng tamang impormasyon sa mga inilalabas o inilalathalang balita dahil ito ang nagiging repleksyon ng pag-iisip at paniniwala ng mga tao. Ayon kay Bries, likas man sa kanilang pag-usapan ang mundo ng politika, kadalasan wala silang oras para pag-isipang mabuti ang mga isyung kinahaharap ng lipunan dahil sa kani-kaniyang pansariling pangangailangan.
Paliwanag ni Bries, “lahat tayong mga Pilipino ay apektado ng mga polisiya ng pamahalaan. Lahat tayong mga Pilipino ay apektado ng ating kasaysayan, kultura. . . ng ating ekonomikal at politikal na kondisyon.” Naniniwala siyang may boses ang lahat ng Pilipino sa mga dapat na gawing priyoridad ng pamahalaan.
Dagdag niya pa, sa kabila ng pagkakaroon ng magkakaibang priyoridad dulot ng magkakaibang pangangailangan sa buhay, hindi imposibleng magkaroon ng isang magalang at patas na diskurso tungkol sa politika. Isang mahalagang sangkap para sa malayang lipunan ang pakikilahok ng bawat isa sa mga diskursong pampolitikal at usaping may kinalaman sa isyung panlipunan.
Politika sa Sikolohiyang Pilipino
Pinamunuan naman ni Abog ang talakayan sa pagsisiyasat sa ugnayang relasyon ng Sikolohiyang Pilipino at ng politikal na diskurso. Inilahad niya na nakaangkla sa politika ang bawat desisyon ng mga mamamayan dahil naiuugnay ito sa kabuhayan, kultura, at kabuuang daloy ng buhay ng mga mamamayan.
Madalas makaligtaan ang ibang wangis ng pagiging aktibo sa politika, katulad ng pakikibahagi sa mga organisasyong naglalayong paunlarin ang lipunan. Gayunpaman, kinakailangang isaisip na hindi rin nalalayo ang aktibismo rito sapagkat likas ito sa kolektibong adhikaing nakaugat sa radikal na pangkalahatang pagbabago. Pagbabahagi ni Abog, likas na politikal maging ang lantarang paghihiwalay o disengagement ng mga mamamayan sa buong sistema ng pamamahala. Bagamat nakikitang isang kilos na tila apatetiko, binigyang-diin niyang may kaakibat na katuwiran ang mga Pilipino na hindi nagnanais makialam.
Batay sa pagsususuring isinagawa ni Dr. Virgilio Enriquez, mas pinalalim ni Abog ang pangingibabaw ng konsepto ng pakikipagkapwa sa kaisipan ng mga Pilipino. Taliwas sa mga karatig na bansa at mga kanluraning kaisipan, pinahahalagahan ng kaisipang Pilipino ang “pagiging isa ng sarili at iba” o pagbubuklod ng sariling diwa sa diwa ng iba. Bilang paghahalimbawa, hindi maikukubling nananalaytay ito sa pagkakawatak ng bayan sa aspekto ng mga sinusuportahang kandidato. “Tuwing nagkakaroon tayo ng political discourse, meron din tayong tinatawag na polarization. . . lalo pag nagle-label tayo ng mga kausap natin. . . mga bobotante, mga DDS, meron nang othering in that sense,” aniya.
Dulot ng pagkakatanim nito sa kaugalian ng mga Pilipino, madalas na ginagamit ang pagkakaroon ng maayos na pakikisama bilang pangunahing rason upang hikayatin ang kanilang kapwa na piliin ang kanilang napupusuang kandidato. Bukod dito, ibinahagi ni Abog na ang pananalaytay ng hiya at utang na loob bilang gabay ng lipunan sa pagpili ng mga pinuno ang mas nagpapahirap sa paglaya ng mga mamamayang Pilipino mula sa mga naghaharing-uri. Idiniin niyang tila nagmimistulang obligadong transaksyon ang palitan ng tulong at boto mula sa politiko at mga botante.
Pagtitindig ni Abog, “kilalanin, kumiling, at kumilos. Nakakapagod talaga lumaban, nakakapagod bumangon at humanap ng lakas ng loob pero may magagawa tayo. Malaki man o maliit, lahat ng desisyon [na] nakakaharap natin ay nakakaapekto sa mas nakararami.” Aniya, nawa’y isaalang-alang ng mga mamamayan ang bayan sa mga desisyong tatahakin upang manumbalik muli ang pagpapahalaga sa karapatang pantao sa ating lipunan.
Nakahahapo at masalimuot ang daan patungo sa panunumbalik ng kaayusan sa Pilipinas, lalo na sa panahong laganap ang kasinungalingan at kawalan ng pag-unawa sa isa’t isa. Nararapat na umalpas sa nagtutunggaling konsepto ng kapwa at sarili upang masipat ang mas malaking larawan ng isang lipunang humahagulgol sa pagkadalita. Usigin ang puso’t diwa na manumbalik ang walang kapagurang paghangad ng katarungan at kapayapaan.