PINANGASIWAAN ng Pamantasang De la Salle (DLSU) ang ika-9 na DLSU Innovation and Technology (DITECH) Fair bitbit ang temang Digital Transformation in the Next Normal nitong Nobyembre 24 hanggang Nobyembre 26. Tinalakay sa tatlong araw ng programa ang pagpapayabong ng digitalization sa edukasyon, social media, at komersiyo sa bansa dulot ng COVID-19. Inorganisa ito sa pamamagitan ng mga plenaryo, panel na diskusyon, at exhibit fair.
Hamon at benepisyo ng online na espasyo
Pormal na pinasinayaan ang unang araw ng DITECH sa pangunguna ni Br. Bernard S. Oca FSC, presidente ng Pamantasan, na nagbigay ng kaniyang pambungad na salita.
Nagbalik-tanaw si Oca sa dating papel ng teknolohiya. Wika niya, “digital technologies formerly seen as mere add ons for operations. . . are now critical to an organization’s ability to continue operations.” Ipinunto rin niyang hindi na mababawi ang mga pagbabagong dulot ng makabagong teknolohiya kaya mahalaga ang layunin ng naturang pagtitipon.
Sinundan naman ito ng handog na mensahe ng Pangalawang Pangulo ng bansa na si Leni Robredo. Ipinahayag niya ang kahalagahan ng kolaborasyon upang patuloy na masolusyonan ang mga suliranin ng digital community. “You are not just young people. You are Filipinos and human beings, each gifted with the power to fashion a better vision for society. One that is kinder, fair, and compassionate,” paglalahad pa niya.
Naglahad naman ng tatlong punto si Edgar Chua, presidente ng De La Salle Philippines bilang pagtugon sa naturang mensahe ni Robredo. Una, ang panawagang harapin ang mga hamon ng digital community at mga inobatibong solusyon na kalakip nito. Pangalawa, ang pagkakaroon ng katapangan at pagsasaalang-alang ng Kristiyanong pag-uugali na kumakatawan sa lahat ng Lasalyanong institusyon. Pangatlo, ang kakayahan ng bawat tao mula sa anomang edad na makagawa ng pagbabago. Ani Chua, “to my generation, we are also never too old to make a difference.”
Ibinida ni Emmanuel Rey Caintic, undersecretary ng Digital Philippines Department Information and Communications Technology ang ilan sa mga programang inilunsad ng kanilang departamento. Kabilang dito ang National Broadband Plan Program na tumutugon sa mabagal na takbo at mataas na presyo ng internet sa bansa. Isa rin sa kanilang proyekto ang VaxCertPH na nagsasapormal ng dokumento at katibayan ng pagiging bakunado ng mga mamamayan sa bansa.
Pinangunahan naman ni Atty. Ann Edillon, assistant director ng Bureau of Patents sa Intellectual Property of the Philippines (IPOPHL), ang diskusyon sa temang Intellectual Property and the Digital Economy. Ipinahayag niya na patuloy na isinusulong ng IPOPHL ang pagpapaigting sa proteksyon ng Intellectual Property sa bansa.
Sunod namang nagpresenta si Engr. Kenbert Alan Ting, kasangguni ng Institute of Biomedical Engineering and Health Technologies sa DLSU. Ipinunto niyang isiniwalat ng pandemya ang mataas na pangangailangan para sa online na pagproseso ng mga dokumento. Sambit niya, “one thing that is a big change for us [is] the online transactions from IPOPHL and this is really a big help to universities.”
Ibinahagi naman ni Kit Cayetano-Puertollano, Accenture leader sa Accenture Technology Philippines, sa kaniyang presentasyon ang pagkakabigkis ng digital na teknolohiya at sustainability. Saad niya, “to improve health facilities and patient care. . . is not just a COVID-19 specific solution, but this can further grow with innovation and cohesion of the technology implementation.”
Digitalization sa iba’t ibang sektor
Hangad naman ng ikalawang araw ng DITECH na gawing sentro ng talakayan ang mga pananaliksik ng mga kalahok. Inilunsad din sa nasabing araw ang birtwal na exhibit na binisita ng mga kalahok hanggang sa matapos ang programa.
Nahati ang programa sa tatlong panel na diskusyon at isang networking na sesyon. Tinalakay sa unang panel ang digitalization ng edukasyon sa bansa. Inihayag ni Dr. Jasper Alontaga, direktor ng DLSU Academic Support for Instructional Services and Technology, ang pagkakaroon ng alinlangan ng mga guro sa pagbabago dulot na rin ng mga mahigpit na polisiya. “Some teachers would still have the mindset of ‘I will stick with my tradition,” paglalahad niya.
Itinaas naman ni Tricia Ann Castro, punong-guro ng DLSU Integrated School, ang mga hinaing ukol sa komplikadong sistema ng mga eskwelahan sa unang bahagi ng pandemya. Aniya, nasa progresibong panig sila ng edukasyon at mariin nilang hinihikayat ang mga guro na ipagpatuloy ang kanilang nasimulan. Gayunpaman, isinaad niyang, “online distance learning will always be our fallback.”
Samantala, hinimay naman ng ikalawang panel na diskusyon ang pagpapayabong ng digitalization sa banking at financial technology sa bansa. Ayon kay Atty. Mike David, associate legal counsel ng DLSU, pinagtibay ng teknolohiya ang mga paksa, gaya ng cryptocurrency at iba pang pampinansyal na serbisyo at proseso.
Sa kabilang banda, handog naman ng ikatlong panel na diskusyon na talakayin ang papel ng digitalization sa disiplina ng mga produkto at serbisyo. Layon nitong mabigyang-pansin ang mga salik ng isyung pampagkain, kalusugan, mga serbisyo ng gobyerno, at iba pa.
Pagkilala sa mga nagwaging pananaliksik
Pinangunahan nina Atty. Teodoro Pascua, deputy director general ng Intellectual Property Office of the Philippines at Dr. Tereso Tullao Jr., PhD, director ng Angelo King Institute for Economic and Business Studies ng DLSU and unang plenary session para sa ikatlong araw ng DITECH.
Sumunod naman na iprinesenta ni Dr. David Simmons, counsellor mula sa World Intellectual Property Organization, ang kaniyang diskusyon ukol sa Innovation, Technology & Intellectual Property for Resilient Communities.
Sa unang sesyon, inorganisa ang Innovations in Education and Pedagogy I at Innovations in Education and Pedagogy II para sa Panel A at B. Habang Contemporary Issues in Innovation and Intellectual Property Management at Innovation in Material Science and Gadget Design para sa Panel C at D.
Tinalakay naman ang mga natirang panel sa sumunod na sesyon ang Innovations in Education and Pedagogy III, Innovations in Material Science and Gadget Design II, at Innovations in Agriculture and Agricultural Products.
Panghuli, binigyan ng mga sertipiko ang mga nakatanggap ng Best Paper para sa bawat panel. Para sa Panel A, napili ang papel ni Olivia J. Lopez na A Comparative Analysis of Students’ Perceptions on Learning Fabric Design 3 (FABDES3): Face-to-Face vs. Online. Tinagurian namang Best Paper ang gawa ni Rhaxell A. Sañga para sa kaniyang AraLink: Isang Aplikasyon sa Pag-aaral ng Filipino 7 sa Paraang Modular-Distance Learning para sa Panel B.
Napili naman ang papel nina Emol Cabrera, Glenn Baticados, Michael Junsay, Jalyza Jalbuena, Aldrex Aviso, at Daniel Batayo sa Panel C para sa kanilang papel na Towards a Robust Intellectual Property and Technology Commercialization Platform at the University of the Philippines Los Banos: The Case of DOST-PCAARRD- funded Research Projects.
Para sa panel D, ang Innovations in Material Science and Gadget Design nina Engr. Joseph Golingay at Engr. Aljo Habaradas ang napili, habang ang “Trompa”: Enhancing Phonetic Recognition of Vowels in Kinaray-a through Kanta, Binalaybay and Istorya ni Jenny Rose Gencianeo para sa Panel E.
Iginawad naman kina Michael Napoles, Jephunneh Saldia, Jonathan Genayas, Richan Recla, at Noreen Dagohon ang sertipiko sa kanilang papel na OSEDRATO Case: Organized Set of Drafting Tools para sa Panel F, at kina Ericka Diputado, Shauna Tifora, at Anjeli Merecido para sa Panel G na Project WWW: A Multifunctional Waste-Water Web for Agrobotics.
Sa huling panel, napili si Fernando Balatoc Pili, Jr. para sa kaniyang papel na Empathy on the Econgot Indigenous Knowledge and Practices: The Realization of an Innovation Triad.
Nakatanggap naman ng pinakamaraming boto ang DLSU Intellectual Property Advocates bilang isa sa Most Popular Exhibits. Para naman sa mga ginawaran ng Most Innovative sa Best Exhibit Competition, nakamit ng TITAN: Vision-based Traffic Information and Analysis ang unang pwesto, na sinundan ng DREAM System, at pangatlo ang STARPLAN VI.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng huling mensahe si Atty. Christopher Cruz, direktor ng DLSU Innovation and Technology Office at manager ng DLSU Intellectual Property Office. Binanggit niya na nagkaroon ng malaking kaugnayan ng DigiNation 2021 sa sitwasyon ng mga Pilipino ngayong pandemy. “During these hard times, it has forced us to accelerate the transformation from physical to digital,” ani Cruz.