Traydor ang mga alaala—ang matatamis na salita sa isa’t isa, ang mga pangarap na pinagsaluhan at tutuparin nang magkasama, at ang mga taong akala mong magtatagal at sasamahan ka hanggang sa huli. Gumuguhit ang mga ito, mariin at pino, sa bawat segundo ng pag-alala at pagsasariwang muli ng nakaraan—dahan-dahang kinakaykay ang pait at sakit sa pag-aakalang nakabaon na ang mga ito sa limot at daloy ng panahon.
Sa sulat ni Ara Vinzon at direksyon ni Angelica Aquino, ipinapakita ng dulang “Abo-KayKay: Ang Unang Yugto” ang pait at hapdi ng mga traydor na alaala. Itinampok ang dulang ito ng Harlequin Theatre Guild (HTG) bilang paunang presentasyon sa nakalipas na Asian Youth Theatre Festival 2021 (AYTF 2021) noong ika-18 hanggang 21 ng Nobyembre sa Zoom. Binubuksan ng dulang ito ang masakit na katotohanang nakabalot sa muling pagbubungkal sa abo ng nakaraan dulot ng apoy ng pagbabago. Ipinapakita nito sa bawat manonood ang lumbay na dulot ng mga napakong pangako, mga taong lumisan, at mga pangarap na mananatili na lamang sa talukbong ng alaala.
Gumuguhit, kumakalat, at nananalaytay ang mga traydor na alaala. Tulad ng apoy na kayang kumitil at magbigay-buhay, nakapapaso ang bawat pagkaykay sa kasaysayang winasak na ng panahon. Tulad din ng abong natitira sa gabi ng pagsisiga, hindi na maibabalik pa sa dati ang mga alaalang sinunog na ng pagbabago.
Paghahanda para sa Abo-KayKay
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang direktor at pangunahing aktres ng “Abo-KayKay” na sina Angelica Aquino at Redianne Sac upang malaman ang kanilang paghahanda at preparasyon para sa pagtatanghal sa AYTF 2021.
Paglalahad ni Sac, nagmula ang ideya ng “Abo-KayKay” mula sa sinaunang tula sa Abucay, Bataan, ang bayang kinalakihan ng may-akda na si Ara Vinzon. Hinango ang kwento mula sa paglalarawan ng naturang tula tungkol sa isang babaeng nagkakaykay ng abo sa lupa. Nagsilbing inspirasyon ito kay Vinzon upang gumawa ng istoryang umiikot kay Maya, isang Punong Katalonan, at ang kaniyang mga katribo sa tugatog ng kanilang sibilisasyon at kultura bago dumating ang mga Kastila upang sakupin sila.
Sa pagsasabuhay ng mga karakter sa obrang ito, kasama ni Sac sina Ranier Lanz Alarcon, Prince Beating, Nicole Moquerio, at Zion Lim bilang mga pangunahing aktor ng “Abo-KayKay.” Sina Mica Videz at Christian Mercado naman ang kasama ni Angelica Aquino sa produksyon ng palabas sa likod ng kamera.
Inilahad din ni Sac na naging hamon ng produksyon ang transisyon mula sa paghahanda sa “Abo-KayKay” bilang isang dula tungo sa pagiging isang pelikula. Bunga ng napakaraming restriksiyon ng gobyerno bilang pag-iingat sa COVID-19, naging masinsin, aniya, ang pagpaplano ng produksyon, pag-eensayo ng mga aktor, at pag-aaral ng grupo upang mairaos nang mahusay ang pelikula.
Dagdag pa ni Aquino, hindi naging madali ang preparasyon ng kanilang guild sa paghahanda para sa naturang festival sa gitna ng pandemya. Marami umanong humikayat sa kanilang gumamit na lamang ng green screen dahil sa napakaraming diyalogo ng mga nagsipag-ganap na magkakasama. Bagamat may iba’t ibang opinyong inihain sa kanila, nanindigan siyang marapat na gawing natural at kaniya-kaniya ang pag-shoot sa mga aktor.
“Plinano ito mula sa story-board, lighting, placement ng camera, posisyon ng mga aktor, at iba pa. Hindi man makita ang mga aktor na magkakasama sa iisang screen, gusto ko pa ring [iparamdaman sa mga manonood] na magkakausap at magkakasama sila sa palabas,” paliwanag ng direktor sa APP.
Nagpapasalamat si Sac dahil sa kabila ng mga problemang kinaharap ng grupo, mahusay nilang naitawid ang produksyon. Aniya, “I believe that without the people I am with—from our director, my co-actors, our writer, our friends, our families—during this process, everyone who believed in us, the film wouldn’t be as successful as it is now.”
Malugod ding nagpapasalamat ang produksyon sa oportunidad na ibinigay ng AYTF 2021 upang maitampok ang kanilang piyesa at mapanood ng nakararami. Paliwanag ni Aquino, hindi sila makapaniwalang napili ang “Abo-KayKay” bilang pambungad na presentasyon ng festival. Dahil buo na rin umano ang palabas, tanging ang “talk back” o diskusyon matapos ipalabas ang kanilang pelikula na lamang ang kanilang pinaghandaan upang itampok ang kanilang organisasyon matapos maipalabas ang kanilang pelikula.
“. . .Taos puso akong nagpapasalamat sa HTG, DLSU, at AYTF sa pagbibigay ng oportunidad sa aming grupo na ipakita ang aming gilas at produkto ng aking paghihirap sa mas malawak na madla,” dagdag ni Sac.
Umaasa rin si Aquino na sa tulong ng mga produksyong tulad ng Abo-KayKay, mas marami pang mga Lasalyano ang mahihikayat na sumali sa mundo ng teatro. Giit nya, “Huwag silang matakot na sumali sa mga organisasyon katulad ng DLSU Harlequin Theatre Guild. Hindi man sa HTG, marami pang Theatre organizations sa Pilipinas na siguradong mas papalaguin sila bilang mg aktor, direktor, manunulat, at iba pa. Huwag silang matakot sumubok at mas palaguin pa ang kanilang mga talento.”
Saad pa ni Sac, hindi man magiging madali ang daang ito ngunit naniniwala siyang maraming gagabay at tutulong sa mga Lasalyanong nagnanais linangin ang kanilang sarili, bilang tao at bilang alagad ng teatro.
Pagsulyap sa imahen ng nakaraan
Sa pagsariwa ng mga alaala, tanging pira-piraso na lamang ang natitira—maliliit na detalyeng naging mitsa ng pagbabago at kahit anong pilit, sadyang hindi na mababalikan pa. Nagsimula ang pelikulang “Abo-Kaykay” sa pagbabalik-tanaw ni Maya sa mga pangyayaring nagdulot ng malaking pagbabago sa kanilang nayon. Mula sa kanilang tahimik na pamumuhay, nabalot sila ng usok ng kawalang-kasiguraduhan nang makilala ni Sina, isang mandirigmang pandagat, ang mga Kastila.
Ayon sa pelikula, nagpakilala bilang kaibigan si Padre Santiago kay Sina nang makasalamuha niya ito sa isang paglalakbay. Ipinangako ni Padre Santiago ang kaligtasan at kaginhawaan na pinaniwalaan at pinanghawakan naman ni Sina. Mula sa kaniyang paglalakbay, umuwi si Sina sa kanilang nayon na wala ng marka ng kanilang tribo at sa halip, bitbit na lamang ang bagong paniniwala na itinuro ng mga Kastila.
Lubos na naguluhan sina Maya sa mga bagong paniniwala ni Sina. Subalit, higit ang hinagpis ni Ikapati, ang iniirog ni Sina, sapagkat tila sa isang iglap lamang, nagbago na ang lalaking kaniyang minamahal. Mula sa kasiguraduhan noon ni Ikapati na tanggapin si Sina sa kaniyang buhay, tanging hinanakit na lamang ang natira—lalo pa’t para sa bagong Sina, isang katulong na lamang sa buhay si Ikapati at hindi na katuwang kagaya nang una nitong ipinangako.
Naging mabigat din ang sitwasyon para kay Maya bilang Punong Katalonan ng kanilang tribo. Bilang naatasang magsiguro ng kaligtasan ng kanilang teritoryo, paano nga ba niya haharapin ang nipipintong pagbabago? Sa paniniwalang bitbit ni Sina at ng mga dayuhan, nanganganib mabura ang identidad at kultura ng kanilang tribo. Kaya naman, nabitawan niya ang mga katagang “Anong matitira? Ito na lang ba? Ako na lang ba?”
Nagwakas ang pelikula nang may pag-iiwan ng mga katanungan sa isip ng mga manonood. Tama bang manindigan sa nakasanayan kagaya ng ginawa nina Maya, o dapat bang yakapin ang pagbabago kagaya ng ginawa ni Sina? Tunay nga bang isang kaibigan si Padre Santiago dahil sa pagpapakilala ng relihiyon o hindi? Sa huli, ipinaliwanag ni Sac na nais ng production team ng pelikula na magsilbing representasyon ang pelikulang ito sa ganda at lawak ng kultura at kasaysayan ng Pilipinas.
Mula sa teatro para sa masa
Minsan, nagsisilbing aral ang mga alaala. Mula sa abo ng nakaraan, nakabubuo ito ng matibay na pundasyon para sa kasalukuyan. Sa binuong pelikula ng Harlequin Theatre Guild, nais nitong mag-iwan ng marka sa manonood na maiaangkop din sa kasalukuyang mga suliranin ng bansa.
“Hindi kapayapaan ang pananahimik, Sina. Nakalimutan mo na ba ang tunog ng ilog na malayang dumadaloy,” ani ng karakter na si Maya. Higit sa kariktan ng mga linya at tugma ng mga salita, nais ng pelikula na pukawin ang atensyon ng mga manonood tungo sa mga isyung bumabagabag sa lipunan. Nais nitong bigyang-pansin ang kakayahan ng kababaihan, isyu ng kolonyalismo, at pati na rin ang pagkilala sa kasarinlan.
Sa panahong humaharap sa panunupil ang mga nagpupumiglas, pinapaalala ni Sac na, “Mahalaga ang boses ng mga Pilipino at pati narin ang mga tagapagdala nito—ang teatro, ang midya, ang mga nasa pahayagan, at marami pang iba—sa pagkamit ng totoong kapayapaan na ninanais ng lahat para sa ating bansa.”