SINIYASAT sa ginanap na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang mga imumungkahing rebisyon sa paggamit ng mga laboratoryo ng College of Science (COS) para sa nalalapit na pagsasagawa ng Type-C classes. Pinangasiwaan ito nina Celina Vidal, FOCUS2018, Ysabelle De Mesa, FOCUS2019, at Tracy Perez, FOCUS2020. Inanunsyo rin ni Francis Loja, Chief Legislator ang resulta sa nagdaang LA examination.
Rebisyon sa manwal
Ibinahagi nina Vidal, De Mesa, at Perez sa unang bahagi ng sesyon ang mga iminumungkahing rebisyon sa manwal ng limitadong klase para sa paggamit ng mga laboratoryo.
Ipinunto ni Vidal na maaaring maglaan ng 4sqm working area para sa bawat estudyante upang magkaroon ng 12 estudyante sa bawat silid-aralan. Bukod pa rito, iminungkahi ni Vidal na ilipat sa online ang mga transaksyon. Kabilang dito ang pagsagot ng mga form sa pag-iskedyul ng clearance at paggamit ng laboratoryo upang malimitahan ang mga pisikal na interaksyon.
Ipinahayag naman ni De Mesa na kinakailangang magkaroon ng malinaw na patnubay ukol sa sanitation ng mga laboratoryo. Aniya, kinakailangang ipatupad ito alinsunod sa mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Ipinunto rin ng mga may-akda ng panukala na palawigin sa dalawang linggo, sa halip na dalawang araw, ang pagsusumite ng aplikasyon ng mga estudyante bago sila pahintulutang gumamit ng mga instrumentong pang-laboratoryo. Nais din nina De Mesa na madagdagan ang mga online payment channel para sa pagbabayad ng mga gagamiting instrumento.
Inirekomenda naman ni Perez na ipagbawal ang pagsasagawa ng mga moving exam sa mga klase dahil maaari itong maging dahilan sa pagkalat ng COVID-19. Dagdag pa rito, nais din nilang suriin ang temperatura ng mga estudyante bago pumasok ng laboratoryo. Nabanggit din ni Perez na kinakailangang magpatupad ng malinaw na patnubay sa mga pagsusulit na isasagawa ng Pamantasan.
Ayon naman sa isinagawang konsultasyon nina Vidal kay Dr. Christopher Que, Associate Dean ng COS, hindi papayagang mamalagi nang magdamag ang mga estudyante sa Pamantasan upang maiwasan ang panganib na dulot ng COVID-19. Ipinabatid din ni Que na kinakailangang magsuot ng lab gowns at face masks sa loob ng laboratoryo. “Wearing PPE is not necessary but is under the discretion of the students,” paglilinaw ni Perez.
Dagdag pa rito, iminungkahi ni Vidal na magkaroon ng centralized supplier ang Pamantasan para sa mga kagamitang pang-laboratoryo dahil mayroong mga estudyanteng nagkakamali sa pagbili ng kanilang kagamitan. Ipinunto rin ni Vidal na naging batayan din nila ang kalinisan ng mga laboratoryo bunsod ng mga eksperimentong isasagawa ng mga estudyante.
Matapos imungkahi ang mga panukala, ibinahagi ng ilang kinatawan ng LA ang kanilang mga sentimiyento. “I think the structure of the bill could be further improved as well as the amendments especially if it’s still ongoing consultation,” pahayag ni Didi Rico, 74th ENG.
Nilinaw naman ni Vidal na mainam na ipasa ang konstitusyon kahit na nasa ilalim pa lamang ito ng konsultasyon sa administrasyon upang maiakma ang mga rebisyon batay sa pangangailangan ng mga estudyante. “We need to solidify a foundation for negotiations with the admins regarding the proposal for revisions on the laboratory manual,” ani Vidal.
Ibinahagi rin ni Loja na normal na mayroong mga panukalang nasa ilalim pa lamang ng konsultasyon. “It is possible that as we present these bills in this floor, this can still be further improved,” pahayag ni Loja.
Matapos nito, sumang-ayon naman ang mga miyembro ng LA sa sesyon nang imungkahi ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, na magkaroon ng karagdagang patakaran sa tinalakay na panukala. Pinagkasunduan na magsisilbing pundasyon ang mga nagawang rebisyon sa manwal bilang pag-iingat sa COVID-19, at para na rin sa mga kolehiyong magsasagawa ng klaseng pang-laboratoryo.
Isinapinal ang nabanggit na panukala sa botong 18 for, 0 against, at 0 abstain.
Resulta ng pagsusulit
Opisyal na ring inanunsyo ni Loja ang resulta ng nagdaang LA examination. Sa kabuuan, nakakuha ng 90.7 average score ang mga kumuha ng pagsusulit na higit namang ikinatuwa ng Chief Legislator. “If you ask me, that is really above average,” ani Loja.
Pinangalanan naman ni Loja ang mga topnotcher ng written examination. Nakakuha ng iskor na 95/100 sina Didi Rico, 74thENG at Vidal. Habang nakamit naman nina Ashley Francisco, FAST2020, at Elderwell Ramos, CATCH2T22 ang iskor na 96/100. Namayagpag naman si Aeneas Hernandez, EXCEL2022 bilang top 1 matapos niyang makuha ang iskor na 100.
Nakamit naman ni Ignacio ang unang puwesto para sa oral examination matapos makuha ang markang 90/100.
Ipinahayag ni Loja na ipinagmamalaki niya ang lahat ng kumuha ng pagsusulit kahit na hindi sila idineklara bilang topnotchers. Hayag niya, “Don’t let this exam define your work as a batch legislator or as a campus legislator. Because moving forward, this will only be a start of your foundation of what you can do more as a legislator or what you can improve on.”
Sa huli, napagdesisyunang itutuloy sa susunod na sesyon ng LA ang pagpili ng opisyal para sa mga LA Sponsoring Committee, dulot ng kakulangan ng mga dumalong miyembro sa Rules and Policies committee.