PINASINAYAAN ng departamento ng Political Science and Development Studies ang unang serye ng Talakayang Pambayan: Magisterial Series sa pangunguna ni Dr. Antonio Contreras, isa sa mga kilalang political scientist sa bansa at panel chair ng diskusyon, Nobyembre 19. Bitbit ng talakayan ang temang “Doing politics for the margins and from the margins.”
Sinimulan ni Dr. Rhoderick Nuncio, dekano ng College of Liberal Arts, ang programa sa kaniyang pambungad na pananalita. Pahayag niya, “Itinatampok [ng Talakayang Pambayan] ang mga mahuhusay at kilalang iskolar sa larangan ng pagtuturo, pananaliksik, at paglilingkod-bayan na hinasa’t pinanday ng kanilang mahabang karanasan sa loob at labas ng Pamantasang De La Salle [DLSU].”
Inilahad ni Nuncio na nahahati sa apat na yugto o katangian ang nasabing seryeng kadalubhasaan: Una, bilang guro. Ikalawa, bilang tagapanguna sa larangan ng tagalikha at kaalaman. Ikatlo, bilang tagapagsulong ng pagbabago sa lipunan. At ikaapat, bilang tagapag-ugnay o tagapamagitan sa lipunan.
Impluwensiya sa politikal na paniniwala
Bilang panimula ng diskusyon, ibinahagi ni Contreras ang mga aspektong nakaapekto sa kaniyang politikal na paniniwala. Paglalahad niya, “The person that you become, the politics that you have is really shaped by your identity, by your experiences, by your environment.” Kaugnay nito, inilahad ni Contreras na naging malaking impluwensiya ang kaniyang pamilya sa pansariling politikal na paniniwala.
Sa kabilang banda, ipinunto rin ni Contreras na isa sa mga nakikita niyang hamon sa larangan ng Political Science ang maling pagtingin sa mga problema ng estado. Aniya, “It is as if the problems of the state are not rooted to who we are.”
Bilang tugon, inilahad niya ang posibleng paraan upang mabigyang-solusyon ang nabanggit na suliranin. Ani Contreras, “In order for political science to be relevant, it has to rely on interdisciplinarity.” Bukod pa rito, ipinabatid niya ang kaniyang adhikain sa natitirang limang taon sa larangan bago magretiro. “I am committed to indigenizing political science,” aniya.
Sa kabilang banda, inamin ni Contreras na may pagkakataong hindi siya nananatiling obhetibo at niyutral dahil mayroon siyang mga bias dala ng mga personal na rason. Ngunit binigyang-pansin din niya ang gampanin ng mga guro sa nalalapit na Pambansang Halalan. Paniniwala niya, “Ang role dapat ng isang teacher o educator ay hindi ‘yung kakampi ka sa isang kandidato. Ang role dapat natin ay turuang maging kritikal ang mga estudyante.”
Karanasan bilang bahagi ng politika
Inimbitahan din sa talakayan ang ilang kaibigan at kapwa iskolar ni Contreras mula sa iba’t ibang larangan upang magbigay ng ibang perspektiba ukol sa kaniyang bokasyon at politikal na paniniwala.
Unang nagtanong si Dr. Feliece Yeban, propesor ng Social Science at Human Rights Education sa Philippine Normal University, ukol sa kontrobersiyal na politikal na paniniwala ni Contreras, partikular ang hindi niya pagsuporta kay Leni Robredo sa pagkapangulo. Sagot ni Contreras, hindi niya maaaring isapubliko ang kaniyang personal na rason ngunit naninindigan siya sa desisyong ito.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Dr. Dennis Erasga, isang sociologist at propesor ng Sociology sa DLSU, na basehan talaga ng pagkatao ni Contreras ang kaniyang bias ngunit nananatili pa rin silang magkaibigan sa kabila nito. Dahil dito, binigyang-diin ni Contreras na marami siyang kaibigan na may ibang politikal na pananaw. Pagdidiin niya, “It is about managing your biases and weighing your friendships. In such a way that your friendship is more important than your politics.”
Sa kabilang dako, ipinahayag ni Dr. Roberto Javier, Jr., isang clinical psychologist at propesor ng Psychology sa DLSU, na personal ang pagpopolitika ni Contreras batay sa sikolohiyang Pilipino. Naniniwala si Javier na katulad ni Contreras, karaniwang ginagamit ng mga Pilipino ang kanilang pakiramdam sa pagpapasya.
Dagdag pa ni Javier, nagiging batayan sa pagpapasya ang personalidad o pagkatao dahil mahalaga sa mga Pilipino ang ugnayan, lalo na sa konteksto ng pagboto. Pagdidiin niya, mahalaga sa mga Pilipino ang lapit sa ugnayan ng mga kandidato o pinuno. “Mas malapit ka doon, mas nagiging personal, ‘yun ang nagiging batayan ng pagpapasya,” aniya.
Sumang-ayon naman si Contreras kay Javier na relasyonal at personal ang politika ngunit nagiging hamon ang pagpapanatili sa pagiging rasyonal nito. Punto pa niya, “Hindi lang usapin ng emosyon, usapin din ng katuwiran [ang politika]. . . Hindi dapat pinag-aaway ang emosyon at katuwiran dahil magkasama dapat ito.”
Tinanong naman ni Matt Ordoñez, propesor ng Political Science sa DLSU, ang hangganan ng pagiging personal sa politika at ang paraan upang mabalanse ito. “Personal becomes so excessive if you become so irrational about it,” tugon ni Contreras. Dagdag pa niya, may mga sitwasyong nararapat na bigyang-priyoridad ang katuwiran kaysa personal.
Ipinarating naman ni Yeban ang kaniyang pananaw sa paraan ng pag-iisip ni Contreras bilang isang educationist. Saad niya, “Ang style niya ina-identify niya ‘yung inconsistencies ng mga posisyon ng mga tao.” Napansin din niyang mahilig gumamit ng datos si Contreras na kadalasang inilalagay niya sa konteksto at naratibo kaya may aplikasyon ito. Bunsod nito, naniniwala siyang nagiging epektibo si Contreras sa pagsugpo sa binary thinking at paghikayat sa critical thinking.
Salungat kay Yeban, ipinahayag naman ni Dr. Levy Duhaylungsod, isang anthropologist, na may pagkakapareho rin sila ni Contreras sa mga kaisipan. Aniya, “My thoughts. . . reflect my own habitus as well.”
Binigyang-tuon din ni Duhaylungsod ang ugnayan ng emosyon at kaisipan. “The emotions and intellect are not divided. They are not separate domains,” saad niya. Dagdag pa niya, mahalagang maituro sa mga tao ang paraan upang magamit nang maayos at magkasabay ang emosyon at kaisipan sa politikal na pagpapasya.
Politika bilang bahagi ng buhay
Iniwan naman ni Contreras ang kaniyang mensahe para sa mga estudyante. Paghikayat niya, “I hope the students can begin to see yourself as political actors, as political agents. . . Make your life as part of politics. . . Always be the author of your narratives. In short, be subjects and not objects.”
Ipinaalala naman ni Anthony Borja, tagapagdaloy ng sesyon at isang propesor ng Political Science, na maaaring ituring bilang case study si Contreras upang masuri din ng mga estudyante ang kanilang pansariling politika. Wika niya, “Know your own biases. Know what triggers you. Be aware of it.”
Sa huli, inilarawan muli ni Sherwin Ona, chairperson ng departamento ng Political Science and Development Studies, ang dahilan sa likod ng pagsasagawa ng naturang serye. Aniya, layon nitong makalap ang iba’t ibang kaisipan ng mga iskolar na maaaring makatulong sa mga usaping panlipunan. Ginawaran din ng sertipiko ng pagkilala si Contreras bilang pagtatapos ng programa.