ILULUNSAD MULI ng Council of Student Organizations (CSO) ang Annual Recruitment Week 2021 (ARW 2021) upang ipakilala sa mga Lasalyano ang iba’t ibang organisasyong pangmag-aaral sa Pamantasang De La Salle (DLSU). Isasagawa ang ARW 2021 mula Nobyembre 22 at magtatagal hanggang Nobyembre 27, sa temang “Seek and Discover,” na naglalayong ilahad ang kasaysayan at kultura ng bawat organisasyon.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel sa mga tagapamahala ng ARW 2021, ibinahagi ni Ria Juvica Panugan na napili nila ang naturang tema dahil nais nilang iparanas sa mga estudyante ang pakiramdam ng nasa museo. Paliwanag niya, nakapagbibigay ang mga museo ng pagkakataong matuklasan ang mga pangyayaring humubog sa kasaysayan, tulad ng mga organisasyon sa Pamantasan. “Moreover, the most important thing about a museum is that on every corner and on every visit, it offers something different,” ani Panugan.
Binigyang-diin ni Panugan na bukod sa pagpapakita ng kayamanan ng kultura sa loob ng mga organisasyon, nais din nilang ikintal sa mga Lasalyano ang kahalagahan ng mga organisasyon sa kanilang buhay. Pahayag niya, “We will virtually connect to the past in order to prepare for the future, which is why this ARW 2021, we seek and discover the rich history and culture of the different organizations in DLSU.”
Pagsasakatuparan ng ARW 2021
Ibinahagi naman ni Jason Alcalde, isa rin sa mga tagapamahala ng proyekto, na may dalawang pangunahing aktibidad ang ARW 2021. Kabilang sa mga naturang aktibidad ang It’s Museum Day, Everyday at The ARW Elite. Mabibigyan ng pagkakataon ang mga Lasalyano na makilala ang mga organisasyon sa ilalim ng CSO sa aktibidad na It’s Museum Day, Everyday na isasagawa sa pamamagitan ng Zoom. Inihalintulad nila ito sa mga booth na itinatayo ng mga organisasyon sa Pamantasan noong face-to-face na klase.
Nakapaloob naman sa The ARW Elite ang pagsasagawa ng paligsahang tatagal ng isang buwan. Inilahad ni Alcalde na layunin ng programang bigyang-pansin ang iba’t ibang adhikain, kultura, at prinsipyo ng mga organisasyon. Dagdag pa niya, kinakailangang ipalaganap ng mga mapipiling Elite ang mga plataporma at proyekto ng kanilang organisasyon upang himukin ang mga estudyante na sumali rito.
Isinaad ni Alcalde na isinaalang-alang ng mga tagapamahala ang tema ng proyekto sa pagplano ng mga naturang aktibidad. Inaasahan nilang mas pahahalagahan ng mga Lasalyano ang katangian at kultura ng mga organisasyon sa kanilang Museum Day. Sa kabilang banda, nais nilang ituring ang mga ARW Elite bilang mga estudyanteng kumakatawan sa prinsipyo ng kani-kanilang organisasyon.
Paglulunsad ng ARW 2021 website
Binigyang-priyoridad naman ng komite ang pagsasaayos ng karanasan ng mga estudyante sa pagkalap ng mga impormasyon ukol sa iba’t ibang organisasyon at ARW 2021 ngayong taon. Ayon kay Panugan, naisakatuparan nila ito sa tulong ng kanilang website development team na pinangungunahan nina Jared Blase Sy at Jacob Adrianne Sy.
Kaugnay nito, ipinabatid ni Panugan na opisyal nilang inilunsad ang kanilang website nitong Nobyembre 21. Makikita sa website ang mga sumusunod: Favorites Page, Questions & Feedback, Integrated Messenger Experience, Dedicated Pages for ARW Events, Direct Social Media Navigation, Search Functionality, at Behind ARW 2021.
Sa naturang website, maaaring itala sa Favorites Page ang mga organisasyong pinagkakainteresan ng mga estudyante at ipahayag sa Questions & Feedback ang mga komento o mungkahi ukol sa ARW. Magsisilbi namang chatbot sa kanilang website ang Messenger upang agarang masagot ang mga katanungan ng mga estudyante.
Mayroon ding ilang pahina sa website na naglalaman ng impormasyon tungkol sa It’s Museum Day, Everyday at The ARW Elite, at mga bagong balita sa ARW 2021. Bukod pa rito, maaaring hanapin ng mga estudyante ang isang organisasyon gamit ang search bar at kilalanin sa Behind ARW 2021 ang mga taong nagsumikap upang maipatupad ang proyekto.
Karanasang hindi malilimutan
Inihayag naman ni Sophia Anne Gallardo, isa rin sa mga tagapamahala ng proyekto, na hindi maiiwasan ang mga suliranin, lalo na’t pampamantasang proyekto ang ARW 2021. Kaugnay nito, inilahad niyang maaaring magsilbing hamon ang hindi pagkakaunawaan ng mga organisasyon at ng central committee. Bilang tugon, sisiguraduhin nilang mabibigyan ng oportunidad ang mga komiteng bumubuo sa ARW 2021 na dinggin ang kanilang mga suhestiyon at opinyon upang mapanatili ang maayos na daloy ng mga isasagawang aktibidad.
Ibinahagi rin ni Faith Tan, isa rin sa mga tagapamahala, ang kaibahan ng kaniyang karanasan bilang tagapamahala ng proyekto ng parehong ARW 2020 at ARW 2021. Aniya, nasa proseso pa lamang sila ng transisyon sa online na set up noong inilunsad ang ARW 2020. Bagamat matagumpay na naisakatuparan ang proyekto noong nakaraang taon, may mga pagkakataon pa ring nahihirapan sila sa kanilang mga gawain bunsod ng kakulangan nila sa kasanayan.
Gayunpaman, naniniwala si Tan na malayo ang kanilang mararating ngayong ARW 2021 kompara sa ARW noong nakaraang taon. Ipinahayag niyang may sari-sariling kalakasan at kakayahan ang bawat isa sa kanilang mga tagapamahala ng proyekto. Wika niya, “We are still in the process of finishing the project we have started, but truly, this has been an experience that we will treasure forever.”