TANGAN ng buong bansa ang pag-asang maitutuwid ang balikong pamamahala ng kasalukuyang administrasyon at maibangon ang bansa mula sa pagkakalugmok, sa pamamagitan ng paghahalal sa mga bagong lider na mamumuno sa Pilipinas.
Bago pa magsimula ang opisyal na araw ng pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC), umugong na ang mga pangalang posibleng tumakbo para sa matataas na posisyon sa gobyerno. Bunsod ng sukdulang pagkaganid ng kasalukuyang administrasyon na pangalagaan ang kanilang pansariling interes at kapit sa kapangyarihan, marami ang nagnanais pandayin ang baluktot na pamamalakad at epektibong matugunan ang krisis pangkalusugan na kinahaharap ng bansa.
Bagamat marami ang sumusubok na tahakin ang larangan ng politika, ibinahagi ni Atty. Elaiza S. Sabile-David, Acting Director III ng Commission on Elections-Education and Information Department, na malaking bilang ng mga naghahain ng kandidatura tuwing eleksyon ang idinedeklarang nuisance na kandidato. “. . . almost 3/4 will be declared [as nuisance candidate] or the Law Department already filed a petition declaring these aspirants,” pagbubunyag ni Sabile-David sa isinagawang forum ng Development Academy of the Philippines’ Policy Research Office nitong Nobyembre 4.
Noong Halalan 2016, umabot sa 130 ang naghain ng kandidatura para sa pagkapangulo, 19 sa posisyon ng bise presidente, at 172 sa pagiging senador. Sa bilang na ito, anim lamang ang naging opisyal na kandidato para sa dalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno at 50 lamang ang naging opisyal na kandidato para sa Senado. Sa kasamaang palad, madalas na nagmumula sa sektor ng mga naghaharing-uri ang mga opisyal na kandidato habang marami sa mga idinedeklarang nuisance ang mula sa sektor ng masa.
Batayang pumoprotekta sa demokratikong halalan
Sa inilabas na Tentative List of Candidates ng COMELEC para sa darating na pambansang halalan, mahigit 200 mula sa 299 na nagsumite ng kandidatura ang nais ideklara ng COMELEC bilang nuisance na kandidato. Bagamat hindi pa pinal ang desisyon, inaasahang ang ilalabas na listahan ng mga opisyal na kandidato ang isa sa magdidikta ng kapalaran ng bansa sa susunod na anim na taon.
Ipinaliwanag ni James Jimenez, COMELEC spokesperson, sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel ang mga batayan sa pagdeklara ng nuisance candidate. Aniya, mayroong tatlong batayan na kinikilala ang batas, kabilang na rito ang pagkakaroon ng layuning gawing katatawanan ang sistema ng eleksyon, pagkakaroon ng kaparehas na pangalan sa halalan na maaaring magdulot ng pagkalito sa mga botante, at kawalan ng lehitimong intensyon para sa tinatakbuhang posisyon.
Ayon kay Jimenez, kinikilalang kontrobersyal ang pangatlong batayan dahil wala itong malinaw na pamantayan at mahirap umanong matukoy na walang lehitimong intensyon ang isang kumakandidato. “Made-determine mo ‘yan [kung mayroong lehitimong intensyon ang isang kandidato] sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga searching questions. Para madiskubre ang frame of mind ng nag-file,” pagpapatuloy ni Jimenez.
Ipinabatid din ni Jimenez na maraming implikasyon noon ang naturang batayan, tulad ng pinansyal na kapasidad ng isang kandidato. Gayunpaman, nilinaw niyang wala na itong kaugnayan sa pangatlong batayan matapos ideklara ng Korte Suprema na hindi ito sapat na pamantayan upang ituring na nuisance ang isang kandidato.
Tinutukoy ni Jimenez rito ang naging desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ni Norman Cordero Marquez na naghain ng COC para sa pagka-senador at idineklarang nuisance candidate ng COMELEC. “We hold that the COMELEC may not,” pagdidiin ng Korte Suprema sa desisyong inilabas noong Oktubre 2019, halos limang buwan matapos ang Halalan 2019.
Binigyang-diin din ni Jimenez na hindi pinipigilan ng COMELEC na makatakbong muli ang mga kandidatong naideklarang nuisance noon. Sa katunayan, maaaring umapela ang kandidatong idineklara bilang nuisance upang mabago ang naging desisyon ng ahensya. “Lahat ng desisyon ng COMELEC ay pwedeng i-appeal ‘yan. Doon sa appeal mo [para matanggal ang pagiging nuisance candidate mo], kailangan mo patunayan na ‘di ka pasok doon sa sinasabi na pagiging nuisance mo,” paglalahad ni Jimenez.
Sa huli, nanindigan si Jimenez na sapat ang mga kasalukuyang batayan para sa pagdedeklara ng nuisance upang matukoy ang mga opisyal na kandidato para sa susunod na eleksyon.
Karapatang pabor sa mayayaman at makapangyarihan
Sa pagtatapos ng paghahain ng COC, nakasalalay sa kapangyarihan ng COMELEC ang posibilidad na makatakbo ang isang kumakandidato. Sa bisa ng Section 69 ng Omnibus Election Code, may kakayahan ang ahensyang kanselahin ang kandidatura ng isang kumakandidato. Subalit, tila taliwas ito sa nakasaad sa Saligang Batas na may karapatan ang lahat na mabigyan ng pagkakataong tumakbo sa halalan.
Iginiit ni Atty. Noel Del Prado sa “Usapang de Campanilla” ng radyo DZMM na isang pribilehiyo umano ang pagtakbo sa halalan. Aniya, “Lahat ng tayo ay may karapatang manilbihan sa gobyerno. Pero ang karapatang ito ay hindi naman absolute, meron itong limitasyon.”
Bukod dito, nilinaw rin ni Jimenez na maaaring tumakbo sa halalan ang mga taong humaharap at haharap sa isang kaso sapagkat pinaiiral pa rin nito ang prinsipyo ng ‘presumption of innocence.’ Paghahalimbawa niya, “Kung mayroon ako gustong pigilang tumakbo, fa-filelan ko lang ng kaso. ‘Di bale nang matalo yung kaso later on basta naka-file kasi pag naka-file na ‘yan, automatic disqualify. You see the danger in that?”
Bilang pagtatapos, nanawagan si Jimenez sa mga kandidato na magpamalas ng mas mataas na pamantayan sa kanilang sarili. Gayundin, hinihiling niya sa mga botante na magkaroon ng mataas na pamantayan sa kanilang napupusuang kandidato sa Halalan 2022. “Higher standards always, we want higher standards for our politicians and candidates,” pagbibigay-diin ni Jimenez.
Anoman ang maging hatol ng COMELEC sa mga kumakandidato sa susunod na halalan, ipinahihiwatig nitong may mga mabibigo dahil sa mala-karayom na proseso upang maging opisyal na kandidato. Saksi sa napakahirap na prosesong ito si Rolando Plaza o mas kilala bilang “Rastaman” na minsang tumakbo sa pambansang halalan noong 2019 ngunit nabigong mapasama sa balota matapos ideklara bilang nuisance ng COMELEC. Ayon kay Elena Brito, election officer ng COMELEC, idineklara si Rastaman bilang nuisance na kandidato bunsod ng kakulangan sa katibayan ng kaniyang pinansiyal na kapasidad para makapangampanya sa buong bansa.
Bagamat madalas pinagtatawanan at hindi sineseryoso ang mga taong sumusubok, katulad ni Rastaman, hindi maikakailang marami sa kanila ang may tapat na hangaring mawakasan ang paulit-ulit na pang-aabusong ginagawa ng mga kasalukuyang nakaupo sa gobyerno. Kaakibat ng kanilang pagnanais na mahalal ang layuning matugunan ang mga isyung panlipunan, tulad ng kawalan ng mapagkakakitaan at krisis kalusugan, mga problemang sila mismo ang nakararanas at nahihirapan.