UMUGONG ang samu’t saring pagkatig sa iilang mga politikong naghain ng kanilang kandidatura sa Halalan 2022 nang ianunsyo ng Partido Federal ng Pilipinas ang kanilang pambato para sa pagkapangulo. Sa inaasahang pagbabalik ng dinastiyang tumitindig sa kabila ng mapait na kasaysayang bumabalot sa kanilang haligi, tanaw sa paningin ng nakararami na katapat ng bawat pagkalinga ng mga panatiko sa kanilang kandidato ang pagsalungat ng oposisyong dumanas sa alimpuyo ng rehimeng Marcos.
Bahagi ng pagdadalumat ng mga botante para sa susunod na eleksyon ang malaking posibilidad ng pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang. Kaugnay nito, mainit na paksa sa balitaktakan ng kaniyang mga tagasuporta at kritiko ang paghahain ng dating anak ng diktador na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) ng kaniyang kandidatura para sa pagkapangulo. Mariing kinondena ng iba’t ibang sektor ang desisyong ito lalo na’t nananatiling sariwa pa sa kanilang alaala ang naranasang dahas ng Batas Militar na ipinatupad noon sa bansa. Bagamat mabigat ang mga paratang na ibinabato sa anak ng dating diktador, buo ang loob ni BBM na ipagpatuloy ang planong makamit ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Tila dumadagundong ang nagkakaisang tinig ng iba’t ibang sektor ng bansa dahil sa mga hinaing ng ilang mamamayan sa paninindigan ni BBM na makabalik ang kanilang pamilya sa palasyo. Habang patuloy na dinidinig ang mga impormasyon at pahayag na binibitawan ng mga kapwa-botante, nagsisilbing sangkap ito sa mapanuring kaalaman at kamalayan na magpapabisa sa tintang magtutuldok sa pandarambong ng mga politikong naghaharing-uri sa ating lipunan.
Puwersa ng tigre ng Asya
Talamak sa iba’t ibang social media platform ang mga tagasuporta ni BBM. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay John Capuz, isa sa mga tagasuporta ni BBM, ibinahagi niyang may hangarin at kakayahan si BBM na pasiglahin muli ang kalakaran sa bansa. Aniya, taglay ni BBM ang pampolitikang disposisyon, matinding pananampalataya sa Diyos, pagiging makatao, at makabayan.
“Wala kang maririnig sa kaniyang na kahit anong salita ng paghihiganti, manapay [na] inilalapit niya ang kaniyang plataporma sa taong bayan,” paliwanag ni Capuz.
Naniniwala si Capuz na maibabalik ni BBM ang kaunlaran ng bansa sa pagkakataong maihahalal siya bilang pangulo. Idiniin niyang matatag ang taglay na kapangyarihan ni BBM na palakasin ang sandatahang puwersa, paunlarin ang ekonomiya at sektor ng agrikultura, at siguraduhing matiwasay ang pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino. Dagdag pa niya, matagumpay na nakapagpasa ang dating Senador ng 54 na batas at 372 panukalang batas noong mambabatas pa lamang siya. Gayunpaman, batay sa pagsisiyasat ni Michael Bueza, isang data curator sa ilalim ng Tech Team ng Rappler, lumabas na nakapagtala lamang ang ika-15 at ika-16 na Kongreso ng 70 panukalang batas at siyam lamang na batas dito ang nagmula sa dating Senador.
Bukod dito, pinabulaanan ni Capuz na hindi makatotohanan ang ‘fake credentials’ na patuloy na ibinabato kay BBM. Iginiit niyang kinikilala ng Oxford University ang dating Senador bilang isang alumni ng institusyon at magkaiba umano ang kurikulum na sinusunod ng United Kingdom sa kurikulum na pinaiiral sa bansa. Idinipensa niyang walang kredibilidad ang pahayag ng Oxford Philippines Society patungkol sa pamemeke ng dokumento ni Marcos sapagkat hindi ito rehistrado bilang isang ganap na organisasyon sa ilalim ng Securities and Exchange Commission at nananatiling anonimo ang mga kasaping lumagda sa nasabing pahayag.
Gayunpaman, taliwas ito sa pahayag ni Cathy King, kasalukuyang kalihim ng tanggapan ng Oxford University, dahil hindi ganap na graduate diploma ang natanggap ni BBM noong 1978. “There is no recorded link between the BA [Bachelor of Arts] and the Special Diploma—the special diploma was not a full graduate diploma,” paliwanag ni King. Batid ng isyung ito ang kuwestyonableng pagtatangka nina BBM at ng kaniyang mga tagasuporta na ibalik muli ang dalisay ng imahe ng kanilang pamilya subalit salungat ito sa katotohanang kanilang ibinabahagi.
Bukod dito, iginiit ni Capuz sa mga mamamayang Pilipino na hindi karahasan ang dulot ng Batas Militar sa bansa. Aniya, tuluyan lamang nalugmok sa kahirapan ang Pilipinas simula noong magmula sa Liberal Party ang mga sumunod na lider ng bansa. Bagamat hayag ang kalooban ni Capuz sa kaniyang pagsasalaysay, naiiba ito sa mga datos na nagpapakita sa lagim ng diktaturya sa ilalim ng Batas Militar. Ayon sa pagsasaliksik ni Gloria Esguerra Melencio, isang manunulat mula sa University of the Philippines Los Baños, umabot sa 5,531 ang kaso ng pang-aabuso, 2,537 kaso ng pamamaslang, 783 kaso ng pagkawala ng ilang mamamayan, at 92,067 kaso ng paglabag at pag-aresto ang naitala mula noong panahon ng Batas Militar.
Bilang pagtatapos, buong tapang na ipinarating ni Capuz ang kaniyang mensahe sa mga kapwa-loyalista na ipagpatuloy lamang ang pakikipaglaban sa mga paratang na lumalaganap patungkol kay BBM. Kaakibat ng kanilang pagsuporta sa dating Senador ang pagsugpo nila umano sa mga impormasyong pumupuna sa kakayahan ng kanilang kandidato.
Sa kabila ng mga pahayag na binitawan ni Capuz, salungat naman ito sa imbestigasyong isinagawa noong 2019 ng Sharktank, isang database sa ilalim ng Rappler, na nagpapakitang humigit-kumulang 360 Facebook pages at 280 Facebook groups na ang naitalang sumasandig sa mga Marcos. Batay sa ulat, bahagi ang mga natukoy na mga Facebook page at group na isang network propaganda na naglalaman ng mga impormasyong hinahamak ang panlalapastanganan sa karapatang pantao noong panahon ng Batas Militar. Bukod dito, patuloy ring pinupuntirya ng mga nasabing ‘troll accounts’ ang mga kritikong bumabatikos sa plataporma ng mga Marcos.
Lamat ng kasaysayan
Sa pagkalampag ng balitang maaaring pagbabalik ng isang Marcos sa Malacañang, muling nanariwa ang naunang karanasan ng mga Pilipino sa ilalim ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. Ang pagtatagpi-tagpi ng kasalukuyan at nakaraan ang siyang naging daan upang mas kritikal na kilatisin ng mga mamamayang Pilipino ang anak niyang kasalukuyang sinusundan ang naitaguyod na politikal na karera ng kanilang pamilya.
Bunsod nito, inilahad ni Shannen Solatan, isang kabataang botante mula sa Pamantasan ng De La Salle-Maynila, sa APP ang kahalagahan ng pagsuri ng bawat impormasyong lumalaganap. Batid niyang hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng dalawang panig ng diskusyon na naglalayong magsiwalat ng sari-sariling katotohanang nais panindigan. Aniya, “Sa panahon ngayon na talamak ang mga maling impormasyon at pagbabaluktot ng kasaysayan, gampanin ng mga kabataan na makilahok sa diskursong politikal at maging kritikal sa pagbase ng tamang impormasyon.”
Magkaibang tao man ang inihahambing, hindi maiiwasang maiugnay sa diskusyon ang amang gumapos sa demokrasya ng bansa at walang habas na lumabag sa karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino. Tila muling umusbong ang agam-agam na muling maranasan ng bansa ang mapangdustang rehimen sa oras na makababalik sa mataas na posisyon sa gobyerno ang isang miyembro ng pamilya ng dating diktador.
Lalong sumisidhi ang pagkamunghi ng ilang kabataan sa dating Senador nang patuloy niyang itinatanggi ang mga paratang ng pagmamalabis ng kanilang pamilya sa panahon ng Batas Militar. Bukod pa rito, lubos na tinuligsa ang patuloy niyang panggigiit ng kasinungalingan sa kaniyang edukasyon sa kabila ng paglutang ng mga konkretong ebidensyang nagsisiwalat ng katotohanan.
Paninindigan ni Solatan, “Si BBM ay naging parte ng sistema ng kaniyang diktador na ama sa pagdeklara ng Batas Militar na nagresulta ng libo-libong paglabag sa karapatang pantao ng mga Pilipino.” Naniniwala siyang hindi kailanman dapat ipagkakatiwala ang bansa sa isang taong isinasantabi at itinatanggi ang mga kamaliang nagawa sa nakaraan. Walang espasyo para sa napakataas na posisyon ang mga tila naghahangad lamang muli ng kapangyarihan upang mabigyang proteksyon ang pamilya.
“Sa paglapit ng Mayo 2022, suriin nang mabuti ang mga kandidato, tingnan ang nakaraan nila sa pananagot ng kanilang kamalian, [suriin ang] kanilang mga platapormang pang-masa na tingin nati’y maisasakatuparan,” panawagan ni Solatan. Naniniwala siyang sumasalamin sa tunay na adhikain ng Pilipino ang bawat platapormang inilalatag ng bawat politiko. Sa kabila nito, ibayong pagsuri sa katauhan at konsensya ng mga kandidato ang nakikita niyang magiging susi upang masiguradong hindi na mananatiling pangako ang mga binitawang salita sa panahon ng eleksyon.
Sa panahong madaling bumuo ng sariling katotohanan, pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip, at mataas na kamalayan ang magiging sandata upang hindi malinlang. Ang pagiging matalino at mapagmatyag sa kasalukuyan ang magsisilbing susi upang hindi na muling maulit ang pait ng nakaraan at maiwasan ang muling pagbalot ng kasakiman at pagdurusa sa hinaharap. “Bumoto nang naaayon sa prinsipyo at konsensya一hindi ayon sa pamilya at kasikatan ng kandidato,” pagtatapos ni Solatan.
Kabilang panig ng timbangan
Tila isang sunog na pahina ng kasaysayan ang paglimot ng kasalukuyan sa mga biktima ng diktaduryang Marcos. Hindi na bago sa kaalaman ng masa ang yaman at dangal na kinupit ng rehimeng Marcos sa taumbayan na pilit itinatalukbong mula sa pagpapawari ng susunod na mga henerasyon. Bagamat bahagyang binabaluktot ng mga Marcos ang kasaysayan para sa layuning mamuno muli sa bansa, gasgas na para sa taumbayan ang pagtatangkang bahiran ang dalisay ng kamalayang tumitindig pasalungat sa kanilang haligi.
Nananatiling nasa talas ng pangil ng mga botante sa nalalapit na halalan ang magdidikta sa magiging kahihinatnan ng bansang minsan nang inalipin ng naghaharing-uri sa lipunan. Bahagi ng pagtanaw sa katauhan ng mga kandidato ang pagsilip sa aninong mamamalagi sa Palasyo sa susunod na anim na taon. Nararapat lamang na maging mapagmatyag at naaayon sa prinsipyo para sa bayan ang desisyong hihimpil sa kamay na bakal.
Sa huli, sa manlulupig, hindi na muling magpapasiil.