BIGONG MAMAYAGPAG ang De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus Esports (VA) kontra Far Eastern University (FEU) Tams FX Tormentors, 1-2, sa Upper Bracket ng Quarterfinals ng University Alliance Cup (UAC) Season 3: League of Legends (LoL) Wild Rift, Nobyembre 14.
Sa unang laro ng kanilang best-of-three series match up, agad nagpasindak ang mga alas ng VA na sina DLSU Wanpapii, DLSU Rave, GS Rogue, DLSU PizzaTruck, at VA Despair ng kanilang diskarte sa paggamit ng mga kampeon na sina Ahri, Braum, Kaisa, Jax, at Jarvan IV. Sa kabilang banda, pinili naman ng FEU ang mga kampeon na sina Garen, Graves, Galio, Twisted Fate, at Ezreal para tapatan ang mga pambato ng DLSU.
Sa tulong ng kanilang diskarte at mahigpit na item build, agad na winakasan ng VA ang unang bakbakan nang paslangin ni VA Despair ang mga katunggali matapos niyang makapagbitaw ng isang malupit na ace. Nagsanib-pwersa rin sina PizzaTruck, Rogue, at Rave sa pagbitaw ng magagandang assist, 29 na assist, upang makalamang sa kanilang labanang best-of-three series, 1-0. Sa pagtatapos ng unang laban, nakakuha ng kabuuang 58,800 gold ang VA kontra sa FX Tormentors na nakakalap lamang ng 50,400 gold.
Patuloy na dinepensahan ng VA ang kanilang kalamangan sa simula ng ikalawang laban. Pinili ng VA ang mga kampeon na sina Vi, Gragas, Ahri, Kaisa, at Singed laban sa mga karakter ng FX na sina Xin Zhao, Ziggs, Lucian, Nami, at Jarvan IV. Hindi nagpapigil ang FX sa pag-atake, dahilan para salubungin ang ilang miyembro ng VA sa clash.
Sa kabila nito, hindi naging sapat ang naidulot na pinsala ng VA sa FX sa kalagitnaan ng laban. Kasunod nito, hindi nakailag ang VA sa magkakasunod na kill na pinangunahan ng FX, dahilan upang maangkin ng kalaban ang panalo sa ikalawang yugto, 1-all. Sa pagtatapos ng laban, nagtamo lamang ng walong kill ang DLSU laban sa 30 kill ng FEU.
Sumuong muli ang Viridis Arcus sa ikatlong laban at ipinakita ang kanilang katatagan sa laro. Agad na sinugod ni GS Rogue sina FX Honed at Nait na nagpakawala ng matitinik na atake, dahilan ng pagtamo ng kill ng FEU laban sa VA.
Matapos nito, sinalanta ng parehong koponan ang jungle at patuloy rin ang pagdepensa nila sa kanilang mga turret. Nanguna naman ang VA nang makapukol sila ng kills noong pinalibutan nila ang mga miyembro ng FX. Gayunpaman, matapos ang mahabang palitan ng puntos ng dalawang koponan, nabigo ang VA sa laban nang makapagtala ng 23 kill ang FX kontra sa pitong kill ng VA, 1-2.
Sa pagkatalo ng VA kontra sa FX, napunta ang koponan sa Lower Bracket ng kompetisyon at susubukan nilang makabawi at maisalba ang kanilang kampanya sa UAC Season 3: League of Legends Wildrift sa kanilang mainit na paghaharap kontra MGS Gaia sa paparating na Linggo, Nobyembre 21, ika-2 ng hapon.