Malayo na ang nilakbay ng kababaihan upang mas mabigyang-kapangyarihan ang kanilang kapwa kababaihan. Taon na ang nagdaan simula noong umandar ang makinarya upang makalas ang nakasasakal na gapos ng lipunan sa mga babae. Ngunit, sa kabila ng pag-unlad ng peminismo, matatanaw pa rin ang pangmamaliit; maririnig pa rin ang mga ‘di namamalayang salitang ubod ng pang-aapi. Likas pa rin ang mga karanasang ito sa kontemporaneong panahon—may bayad pa rin ang pagkasilang ng iba bilang bahagi ng kababaihan.
Sa gayon, malaki ang kahalagahan ng patuloy na pagkilala sa realidad na puno ng karahasan, pagsupil, at pang-aalipusta sapagkat mas mapatitibay nito ang hangaring mapaigting ang hanay ng kababaihan. Bilang tugon sa mga mithiing ito, inihandog ng The Rhetoricians: The UPLB Speech Communication Organization ang #Powerhouse2021 na may temang “Women Empowerment, Breaking Boundaries, and Amplifying Voices.” Isinagawa ito nitong Nobyembre 12, ika-2 ng hapon na pinangunahan ng mga tagapagsalitang sina Bise Presidente Leni Robredo at Reese Fernandez-Ruiz, presidente at founding partner ng negosyong Rags2Riches (R2R). Aktibo ring naglahad ng ibang perspektiba sina Krissah Taganas, assistant professor ng Female Philosophy sa Unibersidad ng Pilipinas – Los Banos (UPLB), at Nina Dizon-Cabrera, may-ari ng kompanyang Colourette Cosmetics at Fresh Formula.
Layon ng diskusyong pagtibayin at paigtingin ang pagpapakahulugan sa katagang “Women can!”—isang pagpapatunay na handa nang tumindig ang kababaihan laban sa kanilang katunggaling sistemang patriyarkal. Panahon na para lumaya sa tanikala ng mga nakasanayang naratibo ng nakaraan. Kaya buksan ang ating mga tainga upang marinig ang mga hiyaw laban sa buktot na katotohanang kinahaharap ng kababaihan.
Lugar ng kababaihan sa lipunan
Bilang panimula ng programa, nagbigay ng mensahe si Charlize Anne Lucero, presidente ng The Rhetoricians, at tinalakay ang kahalagahan ng ganitong programa upang ipanawagan ang peminismo sa ating komunidad. Aniya, hindi na itinuturing na damsels in distress ang kababaihan sa panahon ngayon. Bagkus, kaniya itong tahasang sinagot ng “Damn you to that narrative!” dahil kasaysayan na ang makapagsasabing lipas na ang estereotipikong pag-iisip na sa kusina ang lugar at tanging panganganak ang gampanin ng kababaihan sa lipunan. Inilahad ni Lucero na mula kina Gabriela Silang, Magdalena Leones, Maria Ressa, at iba pang kilalang personalidad, matagal nang malakas at kamangha-mangha ang kababaihan. Kaya’t sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng organisasyon, lila ang kulay ng naturang programa upang isulong ang panawagang “Women can!”
Sunod namang nagpahayag si Bise Presidente Robredo ng kaniyang suporta sa programa sa pamamagitan ng isang bidyo. Pagpapaalala niya, maraming kababaihan sa buong mundo ang umaalpas mula sa glass ceiling upang lumikha ng mga polisiya at adbokasiyang humihimok na pataasin ang kalidad at antas ng ating pamunuan. Dahil dito, mapatutunayang walang kasarian ang may monopolyo sa kakayahang mamuno.
Inilahad rin ni Robredo na sa kaniyang karanasan bilang isang abogado, marami sa kaniyang kliyente ang hindi makaalis sa mapang-abusong pamamahay dahil wala silang kapasidad na makapagbigay sa pangangailangan ng kanilang mga anak. Dito, kaniyang napagtanto na pagsugpo sa kahirapan ang unang hakbang tungo sa pagpapalaya mula sa epekto ng patriyarka. Kaya naman, marapat lamang na mabigyan sila ng pagkakataong makapaghanapbuhay upang hindi lamang nila matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, bagkus, upang maabot din ang kanilang sariling mga pangarap. Batid ni Robredo na hindi natatapos ang laban sa pagbibigay lamang ng pagkakakitaan. Aniya, panahon na upang buwagin ang makaluma at baluktot na sistema at politika na siyang nagiging balakid, hindi lamang para sa kababaihan, kundi sa lahat ng taong pinahihirapan nito.
Pinatotohanan ni Fernandez-Ruiz ang mga punto ni Robredo at sinabing, “Discrimination and violence happen because of systemic problems that deliberately oppress women.” Ito ang nag-udyok sa kaniya upang itayo ang R2R. Layunin nitong bigyan ng pantay at regular na kabuhayan at pagsasanay ang kababaihan upang mapagbuti pa nila ang kanilang gawa dahil naniniwala siyang “It is not just about income, it is also about access.”
Sa kaniyang karanasan bilang presidente at founding partner ng R2R, natutuhan ni Fernandez-Ruiz na hindi lamang responsibilidad ng kababaihan ang pagsulong sa karapatan ng kababaihan dahil kinakailangang mapagbuklod ang mas maraming tao upang mawakasan ang pang-aabuso sa mga babae. Dagdag pa niya, mahalaga rin ang gampanin ng mga ally at mga advocate dahil sistematiko ang problemang ito. Aniya, walang ganap na paglaya kung nababalot ng pangamba ang bawat pag-alis ng kaniyang kapwa babae tuwing gabi at nirerespeto lamang sila ng ayon sa pananamit.
Binuwag na kahon ng kababaihan
Sa kabilang dako, pinalawig ni Taganas ang diskusyon ukol sa peminismo bilang isang pagkilos at larangan sa pilosopiya. Aniya, isa ito sa mga hakbangin upang malutas ang kalupitan at panunupil sa loob ng mundong nakasentro sa kalalakihan. Binigyang-diin din ni Taganas ang pangangailangan ng mga bagong paraan ng pagsusuri sa pilosopiya—marapat na hindi ito naaayon sa mga nakasanayang sexist na paniniwala. Bagkus, malalim man ang kahalagahan ng pagsipat nito bilang larangan, ang pagbabagong nakamtan dahil sa peminismo pa rin ang naging pangunahing tampulan ng talakayan. “In the past, we weren’t. . . simply and absolutely women. . . womanhood was drawn from the sense of belonging to a group. You only become a woman when you become a wife. . . a mother,” ani Taganas. Isiniwalat niyang malayo na ito sa katotohanan ngayon dahil hindi na kailangang maging asawa o ina upang matawag bilang isang babae. “We simply become a woman,” paglalahad ni Taganas.
Inihayag din ni Taganas ang kahalagahan sa pagkilala at pagtanggap sa umiiral na pambabatikos at pang-aaping nararanasan ng mga babae upang masolusyunan at mas lumakas pa ang puwersa ng kababaihan. Sa kabilang banda, kaniyang binigyang-pansin ang madalas na napababayaan at nakalilimutang pananaw ukol sa women empowerment—ang negatibong panig nito. Madalas na tinatalakay ang empowerment sa positibong paraan subalit malayo ito sa katotohanan. May iba’t ibang bunga itong kinakailangang intindihin ng lahat upang maging mas maaliwalas at tama ang paglatag ng impormasyon ukol sa peminismo. “We cannot say the same for everyone that they’re going to be so empowered. . . some people might experience that upon knowing the truth. . . it suddenly becomes disempowering. . . paralyzing,” paglilinaw niya.
Mabilisan din niyang tinalakay ang peminismo sa konteksto ng COVID-19. Tahasan niyang binanggit na mas naging malubha ang mga kalupitan, pang-aalipusta, at ‘di pagkakapantay-pantay nang dahil sa pandemya. Bilang pagtatapos, pinanindigan ni Taganas ang paniniwalang: “We have to recognize that we are feminists in progress. . . and as long as we possess the commitment to change, we can collectively transform our society.”
Ibinahagi naman ni Dizon-Cabrera sa ginawang malayang talakayan ang pagbibigay-lakas sa kababaihan gamit ang konsepto ng pag-irog sa sarili at pagbuwag sa mga pamantayan ng kagandahan. Ibinahagi niyang hindi mababaw ang pagkakawili sa kagandahan at paggamit ng makeup. “Beauty isn’t really shallow. . . if beauty empowers you,” pagsambit niya.
Nilinaw rin niya ang kaniyang pananaw sa pag-eehersisyo nang dahil sa body shaming—na hindi maaabot ang pagkagalak kapag ibang tao ang naging motibasyon nito. Kinakailangang tanggapin at mahalin ng kababaihan ang kanilang sariling katawan upang makamit ang tunay na kasiyahan. Dagdag pa niya, “Ngayong pandemic. . . I gained like 50 pounds. . . prior to the pandemic I was at my best body pero mas masaya ako ngayon, mas nagagandahan ako sa sarili ko ngayon because I’ve come to accept myself for who I am.” Kawangis din nito ang kaniyang opinyon ukol sa paglaban niya sa mga diniktang pamantayan ng kagandahan ng mga banyaga. Naniniwala si Dizon-Cabrera na hindi kailangang makinis at maputi ang balat ng isang tao upang maituring na kaakit-akit. Aniya, “We are beautiful in our own rights.”
Pinaalalahanan din niya ang mga pumupuna sa kaniyang pagbibitiw ng mga salita ukol sa politika. Aniya, “. . . everything is political. . . as a brand, you have to take a stand also on things that. . . heavily affect the nation.” Sa huli, naghayag siya ng mensahe upang maging matibay ang kalooban ng kababaihan sa pagsabak sa negosyo, pati sa paglaban sa kawalan ng hustisya at pagkakapantay-pantay sa lipunan. “You have to believe in yourself. . . it should start from you,” taos-pusong pagbabahagi ni Dizon-Cabrera.
Para sa susunod na hakbangin
Ipinararating ng #Powerhouse2021 na hindi hiwalay ang usaping peminismo sa suliraning ekonomikong dulot ng sistemang patriyarkal. Mula sa pagkontrol sa kasuotan, pambabastos sa lansangan, hanggang sa mga kaso ng pang-aabuso at diskriminasyon sa pang-araw-araw na gampanin, malayo pa ang tatahakin ng laban patungo sa isang mapagtanggap na lipunan.
Kalakip ng progresibong pagkilos ang pagsisigurong hindi hadlang ang kasarian tungo sa kaginhawaan dahil gaya ng sambit ni Fernandez-Ruiz, “We are all woven together.” Sa pagkilatis sa interseksyonalidad ng mga isyung panlipunan, mababatid na ang mapaniil na sistemang nakaangkla sa patriyarka ang siya ring humahadlang sa pangkalahatang pag-unlad ng sansinukuban. Unti-unti mang nabubuksan ang kamalayan sa mga isyu ng diskriminasyon at opresyon dahil sa kasarian, hindi dapat tumigil ang nagkakaisang panawagan tungo sa isang ganap na inklusibong lipunan. Bagamat malayo na ang narating ng kilusan—hindi rito natatapos ang laban.