Nagmimistulang giyera ang politika tuwing sumasapit ang panahon ng eleksyon. May mga bangayan at sigawang maririnig mula sa magkakalabang partido at sa kanilang mga taga-suporta. Pinangungunahan ng bawat kandidato ang kani-kanilang mga batalyon tungo sa labanang magdidikta ng kinabukasan ng Pilipinas. May kaniya-kaniyang mga banderang iba’t iba ang kulay na iwinawagayway ang bawat kandidato sapagkat nakapaloob sa mga kulay na ito ang kanilang kagustuhan na makapaglingkod at maisulong ang kanilang mga plataporma at pangako.
Madalas nagpapakilala ang mga kandidato bilang mga tagapagligtas ng mga Pilipino mula sa kahirapan. Madalas din nilang binabanggit ang kanilang galit at pagnanais na labanan ang katiwalian sapagkat ito raw ang patuloy na nagpapahirap sa Pilipinas. Tila nakalilok sa mga salitang kanilang mga sinasambit ang kanilang tunay na pagkatao. Kaakibat ng mga palahaw sa pangangampanya, mayroong mga katotohanan sa kanilang pagkatao na hindi pa natutuklasan ng mamayanang Pilipino.
Sa likod ng rosas na bandera
Sa gitna ng kaguluhan, may isang kandidatong piniling iwagayway ang kaniyang kulay rosas na bandera. Nagmimistulang isang kumot na bumabalot ang pakikipagkapwa ng kandidatong nagbitaw ng mga makapangyarihang katagang “The last man standing is a woman.”
Nabigyan ng pagkakataon ang Ang Pahayagang Plaridel na makapanayam si Leni Robredo, kasalukuyang bise-presidente ng Pilipinas at kandidato para sa pagka-presidente sa Halalan 2022. Dumalo si Robredo, kasama si Senador Kiko Pangilinan, ang kaniyang kandidato sa pagka-bise presidente, sa isang press conference sa Batangas City para sa isang multi-sectoral visit na ginanap nitong Nobyembre 10.
Maliban sa mainit na pagtanggap ng mga Batangueño sa tambalang Leni-Kiko, mararamdaman din ang pagiging ina ni Robredo sapagkat nag-iwan siya ng paalala sa mga taong sumusuporta sa kaniya: “Pakiusap ko po sa mga nagsusuot ng pink, isabuhay po natin ang kulay na sinusuot natin.” Pinalakas din niya ang loob ng kaniyang mga taga-suporta sapagkat mahaba pa man raw ang kanilang laban, magagawa umanong posible ang imposible basta’t magkakasama sila.
Katulad ng isang inang nagpapangaral sa kaniyang mga anak, pinayuhan niya ang kabataan na mas lawakan ang pananaw pagdating sa mga kandidatong tumatakbo. “Kasi alam mo. . . madali lang mangako. Pero kapag sinabi mong, ‘mahal ko iyong mahihirap,’ ano iyong pruweba, ‘di ba,” sambit niya. Pinaalalahanan din ni Robredo ang kabataan na huwag magpadala sa matatamis na salita ng mga kandidato sapagkat mas importante ang track record at ang sinasabi ng kasaysayan kompara sa mga huwad at hungkag na pangako.
Mahinahon man niyang ipinaalala ang kahalagahan ng pagiging mulat ng kabataan, ngunit mararamdaman pa rin ang bigat ng papel na gagampanan ng kabataan sa halalan. Aniya, “. . . ang gusto ko lang sabihin dito, siguro iyong pinakatulong sa amin ng kabataan, turuan iyong taong bayan kung papaano maging discerning.” Tila nagsilbing paalala hindi lamang sa kabataan ngunit sa bawat botante ang kahalagahan ng tamang impormasyon. “Halimbawa, iyong mga maraming kasinungalingan na nababasa ngayon. Iyong mga halimbawa, YouTube videos, siguro mas marami pa iyong disinformation kaysa sa totoo,” diin ni Robredo. Upang labanan umano ang maling impormasyon, inilalagay na ng kanilang kampo ang katotohanan at tamang impormasyon sa kanilang website.
Inihalintulad naman ni Pangilinan ang kaniyang mga payo sa pagpili ng mga kandidato, tulad ng kaniyang payo sa kaniyang mga anak sa pagpili ng kanilang mga manliligaw. Aniya, marapat na kilalanin muna nang husto ang mga manliligaw sapagkat may red flags na kailangang makita bago sila sagutin. Nararapat na kilatisin ng mga botante ang mga nanliligaw na kandidato, katulad ng pagkilatis ng mga kabataan sa kanilang mga manliligaw. Sa pamamagitan nito, magiging mas malinaw at klaro ang desisyon sa pagpili ng kandidatong kanilang iboboto. “So iyon ang advice ko sa mga kabataan. Kung kayo ay naghahanap ng boyfriend o girlfriend, tingnan ninyo iyong track record,” paglalahad niya.
Matingkad na kulay ng oposisyon
Bagamat puspusan nang naglalagablab ang suporta mula sa taumbayan, tila hindi matatakasan ng kanilang hanay ang mga katanungang ukol sa kanilang mga katunggali at sa iba pang isyung panlipunan. Nagulat man ang karamihan sa biglaang pagbawi ni Davao City Mayor Sara Duterte sa kaniyang kandidatura para sa pagka-alkalde, nagmistula itong isang naulit na kuwento mula sa nakalipas na halalan.
“Expected. Nakita na natin ito noong 2016. . . iyong substitutions. So hindi na ito sorpreso sa amin, sa akin. I expected this. . . Basta kami tuloy-tuloy lang sa aming kampanya. . . They will do what they will do, and we will do what we will do in this effort for 2022,” paliwanag ni Pangilinan.
Gaano man kahindik-hindik ang alyansa sa pagitan nina Duterte at Bongbong Marcos, naniniwala si Robredo na mas inilantad nito ang tunay na anyo ng kanilang mga kakampi at kalaban. Isinisiwalat nito sa sambayan ang tunay na adbokasiyang kanilang isinusulong at pinatutunayan ang hangganan ng kanilang katapatan sa interes ng masa. Dagdag pa ni Pangilinan, nasa kamay ng mga mamamayang Pilipino ang desisyong panatilihin ang umiiral na kasalukuyang uri ng pamumuno. Subalit, hindi maikukubling marami pa rin ang patuloy na naniniwala sa mapang-abusong pamamalakad ng kasalukuyang administrasyon. Gayunpaman, buong-pusong nagtitiwala si Pangilinan na may kakayahan si Robredo na palayain ang mga Pilipino mula rito at tulungan ang bansang bumangon mula sa napakapait na pagkakalugmok.
Kaakibat ng patong-patong na krisis na kinahaharap ng bansa ang pagnanais ni Robredo na buwagin ang ahensyang naging instrumento ng estado upang sikilin ang mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon. “. . . pinakatakot ko talaga na may ganito na parang very powerful na grupo, baka maulit ulit iyong pang-aabuso na nangyari sa Tokhang. Maganda iyong intensyon pero kapag nabigyan ng masyadong maraming kapangyarihan at saka suporta [na] galing sa pamahalaan, baka dumating iyong panahon na magamit ito sa hindi tama. Magamit bilang harassment, magamit na panggigipit,” paglalahad ni Robredo.
Sa pagwawakas ng pagbisita nina Robredo at Pangilinan sa Batangas City, binigyang-diin ng bise presidente na higit pa sa pagiging pasibong tagapagmasid at simbolo ng pag-asa ang sektor ng kabataan. Sa patuloy na pagpapaigting ng kamalayan ng mga kabataan, hinimok niya sila upang siguraduhing may pananagutan ang mga susunod na lider at epektibong nakapagtatatag ng mga mekanismong magpapataas sa demokratikong partisipasyon ng mga ordinaryong mamamayan.
Sigaw ng masa
Sa muling pagkakaroon ng pagkakataong isakatuparan ang inaasam na pagbabago, nasa sambayanan ang kapangyarihang pandayin ang sistema upang hindi ito magluwa ng paninikil, pananamantala, at kawalang pananagutan sa susunod na anim na taon. Mas pasidhiin at pag-alabin natin ang pagnanais na igpawan ang sinomang kandidatong nagbabantang isailalim muli ang bayan sa isang piitan ng diktadurya. Sa huli, piliin natin ang kulay na makapagpipinta nang maginhawang kinabukasan at makalilikha ng lipunang malayo sa paniniil ng mga naghaharing-uri.
Sa pagharap ng Pilipinas sa panahon ng eleksyon, muli na namang raragasa ang giyera na mga salita at pangako ang gamit bilang bala. Marami man ang nag-aagaawan para sa posisyon, ngunit isa lamang sa kanila ang mananaig at magtatagumpay. Nakasalalay ang kinabukasan ng Pilipinas sa susunod na presidente, ngunit wala sa mga kandidato ang kapangyarihang mailuklok sila sa puwesto—nasa taumbayan ito. Nakapaloob sa bawat balota ang kuwento ng kinabukasan ng bawat Pilipino, kaya’t nararapat lamang na gawing makabuluhan ang bawat boto. Maging mulat at mapangbusisi, sapagkat ang huling banderang nakatayo ang magdidikta ng kinabukasang haharapin ng Pilipinas.