NAMAYAGPAG ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus Esports (VA) kontra Malayan Colleges Laguna (MCL) Malayan Warlocks (MWL), 2-0, sa University Alliance Cup (UAC) Season 3: League of Legends (LoL) Wild Rift sa ikalawang linggo ng Knockout Stage, Nobyembre 7.
Matatandaang nanalo rin ang koponang Lasalyano kontra University of San Carlos Regem Omnium para sa unang linggo ng Knockout Stage nitong Oktubre 31. Bunsod ng kanilang dalawang panalo, waging makaalpas patungong Quarterfinals ang VA sa naturang torneo.
Pagpapaulan ng kills at assists
Sa loob ng dalawang laro, maituturing na mahusay na manlalaro si DLSU Pizza Truck matapos umukit ng sumatotal 11 kill at 12 assist. Hindi rin nagpahuli si DLSU Lotus matapos kumana ng kabuuang sampung kill at 15 assist. Samantala, naghain naman ang team captain na si GS Rogue ng tumataginting na kabuuang pitong kill at 12 assist. Nagpaulan naman ng assists ang iba pang kasapi ng VA na si DLSU Wanpapii matapos niyang ipinamalas ang sumatotal 29 na assist, habang nakalikom ng 24 na kabuuang assist si VA Despair.
Agad naman nagpakitang-gilas ang marksman na si Kai’Sa na gamit ni Lotus matapos humakot ng limang kill at 12 assist sa huling bahagi ng unang yugto ng laban. Sa kabilang banda, ang crowd control at suportang ibinuhos naman ni Wanpapii sa kaniyang mga kakampi ang naging dahilan upang mapasakamay ng kanilang koponan ang liderato sa nalalabing dalawang minuto ng laban.
Lumipas ang 16 na minuto ng bakbakan, tuluyang tinuldukan ni Pizza Truck ang unang yugto ng laro matapos pabagsakin sina MWL Mischance, MWL Crazy, at MWL Zero mula sa kaniyang makapanindig-balahibong triple kill. Sa pagtatapos ng unang laban, umani ng kabuuang 18 kill at mahigit 66,300 na gold ang nangungunang koponan na VA, 18-9.
Pinasinayaan naman ni Lotus ang first blood ng ikalawang yugto nang mapaslang nito si MWL Zero. Nanatiling buo ang kumpiyansa ng VA nang mamayagpag sina Pizza Truck at Despair sa sagupaan matapos humakot ng kalamangan sa gold. Hindi nagtagal, natikman ng katunggaling koponan na MWL ang hapdi ng pagkatalo mula sa double kill ni Pizza Truck at matapos wasakin ng VA ang kanilang mga turret.
Sa huli, naghatid ng kabuuang 14 na kill at mahigit 61,700 na gold ang VA na nag-udyok ng kanilang tagumpay sa Knockout Stage ng Upper Bracket. Tinambakan din ng koponan ang talaan ng MWL na nakakuha lamang ng sumatotal tatlong kill sa pagwawakas ng laro. Bunsod nito, napasakamay ng VA ang puwesto sa Quarterfinals ng torneo.
Katatagan ng layunin
Sinigurado naman ng nagwaging koponan na naging malinis ang kanilang executions habang napananatili ang matibay na komunikasyon upang makamtan ang panalo sa naturang laban. “I guess our team’s strategies is to focus on our draft and to maintain a good execution in game,” ani GS Rogue sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP). Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng nakamamanghang rotasyon sa mapa at ng matalinong diskarte sa pag-ban at pagpili ng mga bayani ang nagtulak sa VA upang makamtan ang objectives ng laro.
Ibinunyag din ni Coach Karl “DLSU Taisen” Gomez sa APP na ilan sa mga pangunahing estratehiya na ipinamalas ng VA sa laro ang pag-ban sa meta junglers upang kontrahin ang jungle impact ng MWL. Kaakibat nito, nagsilbing jungler ng VA ang bayaning si Kai’Sa upang pantayan ang puwersa ng katunggali. “. . . We prioritised Kaisa Braum to make sure whatever the jungler chose, it wouldn’t be easy for their jungler and their team to kill our comp,” pagbabahagi ng head coach ng VA.
Hangad naman ng kapitan ng VA na manalo sa kanilang susunod na laban sa Quarterfinals para hiranging kampeon sa Division B ng UAC S3: LoL Wild Rift. “[I] felt like the team had a huge improvement despite the short time of practices . . . I already knew my teammates are confident enough to be in the top 4/champions of the Division B,” giit ni GS Rogue.
Sa pagwawagi ng VA kontra Regem Omnium nitong unang linggo ng Knockout Stage, nagpatuloy pa rin ang kanilang momentum sa sagupaan kontra MWL. Abangan ang kanilang susunod na laban kontra FEU Tams FX Tormentors para sa Quarterfinals ng Upper Bracket ng UAC Season 3: LoL Wild Rift sa darating na Linggo, Nobyembre 14, ika-2 ng hapon.