INAPRUBAHAN sa ikatlong sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang paglalaan ng karagdagang panahon sa pagsusuri ng term-end clearance at pagpapataw ng penalty sa mga sangay ng University Student Government (USG). Sinundan naman ito ng pagsasapormal sa pagbitiw nina Alfonso Lima ng CATCH2T23 bilang bise presidente at Bianca Chua ng CATCH2T22 bilang presidente, Nobyembre 5.
Panibagong iskedyul sa pagkolekta ng dokumentasyon
Inihain ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022 batch legislator, katuwang ang mga kinatawan ng Commission on Audit (COA) na sina Allyana Rivamonte, COA Chairperson; Xyrelle Tejoso, COA Vice Chairperson for Audit; at Jonathan Villarico, COA Vice Chairperson for Administration, sa unang bahagi ng sesyon ang panukalang nagnanais palawigin ang durasyon ng pag-tsek ng term-end clearance ng COA. Matatandaang isang linggo lamang ang inilalaan sa COA upang matapos ang pagwawasto batay sa konstitusyon ng USG.
Nais nilang dagdagan ng isa pang linggo ang oras na nakalaan sa COA upang maisakatuparan nila ang kanilang tungkulin. Kaugnay nito, iminungkahi rin nila sa naturang panukala na dagdagan ng isa pang linggo ang durasyon ng pagpapataw ng penalty sa mga sangay ng USG. Nilinaw naman ni Tiffany Chua, BLAZE2023, kung sapat na ba ang karagdagang isang linggo sa pagsisiyasat ng mga term-end clearance.
Ayon kay Rivamonte, sapat na ang dalawang linggo sapagkat sisiyasatin lamang rito kung kompleto ang mga naisumiteng term-end report ng mga sangay ng USG. Bukod pa rito, binigyang-linaw rin ni Rivamonte na hindi sila makapagbibigay ng clearance hangga’t patuloy pa rin silang tumatanggap ng mga dokumento.
Nilinaw naman ni Didi Rico, 74th ENG, kung bibigyan rin ng abiso ang mga opisyal ng USG ukol sa mga penalty. “The penalties will be effective during the succeeding term,” sagot ng opisyal.
Isinapinal ang nabanggit na pagbabago sa konstitusyon ng USG sa botong 17 for, 0 against, at 0 abstain.
Pagbitiw ng mga opisyal
Inilatag naman ni Keil Finez, CATCH2T23, sa ikalawang bahagi ng sesyon ang opisyal na pagbitiw sa puwesto ni Lima. Paglalahad ni Lima, “I believe that I’ve done the best I can and I believe that the current electeds now are able to do well already and are prepared to do things without me.”
Ipinasa ang panukala sa botong 18 – 0 – 0
Sumunod namang inilahad ni Elderwell Ramos, CATCH2T22 ang pagbitiw ni B. Chua. Hindi nakadalo sa sesyon si B. Chua. Sa kabila nito, pinasalamatan pa rin ni Ramos ang serbisyo at dedikasyong ibinigay ni B. Chua bilang isang pinuno. “I would like to say that she had been a great leader for us and was able to reach out to as many batchmates and students that she can,” mensahe ni Ramos.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 17 – 0 – 0.
Patnubay sa resignasyon
Tinalakay naman ni Francis Loja, Chief Legislator ng LA, sa ikatlong bahagi ng sesyon ang mga patnubay sa proseso ng resignasyon.
Ayon kay Loja, kinakailangang magsumite ng pormal na sulat ang sinomang opisyal na nagnanais bumitiw sa puwesto. Kailangang ipagbigay-alam ng kinatawan ang kanilang intensyon sa pagbitiw at ipadala ito sa USG President, Executive Secretary, Chief Legislator, at Chief Magistrate kung mula ang opisyal sa kampus ng Maynila. Sa kabilang dako, kailangang ipaalam ito sa Campus President at Campus Secretary kung mula naman sa Laguna Campus Student Government ang opisyal na bababa sa puwesto.
Pinaalala rin ni Loja na pagsabayin na ang lahat ng mga nabanggit na opisyal sa pagpapadala ng resignation letter sa iisang e-mail. “It’s best that you message them all at once so that they could be aware of each other’s acknowledgement,” suhestiyon ng Chief Legislator.
Pagsasagawa ng legislator’s examination
Para sa huling adyenda ng sesyon, nagbigay ng pinal na paalala si Loja sa mga kumuha ng legislator’s exam. Ibinahagi rin ni Loja ang mga nilalaman ng pagsusulit. Kabilang dito ang multiple choice, enumeration, sanaysay, at pagsulat ng panukalang batas. Isinagawa ang naturang pagsusulit nitong Nobyembre 6.
Ipinaalam din ni Loja sa sesyon na mas nakaangkla ang mga katanungan batay sa kaalaman ng mga kinatawan ng LA. “I hope [that] by the questions that I prepared in the legislator’s exam, or the oral and written examination, you have this understanding now of what we do in the legislative assembly,” paalala ng opisyal.
Sa kaniyang pagtatapos, nagpaabot naman ng suporta si Loja sa mga kumuha ng pagsusulit. Inilahad niya na kung masasagutan ng mga kinatawan ng LA ang pagsusulat ng sanaysay, masasagutan din nila ang natitirang bahagi ng pagsusulit. “I have faith in everyone naman that they’ll do good,” pagwawakas ni Loja.