BINIGYANG-HALAGA ng Department of Political Science and Development Studies ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang papel ng makabagong politika upang makabuo ng epektibong balangkas tungo sa new normal, sa seryeng PolSci Speaks: Continuity and Change, Nobyembre 5.
Ipinaalala ni Dr. Rhoderick Nuncio, dekano ng College of Liberal Arts, sa kaniyang pambungad na pananalita ang kahalagahan ng pagpapataas ng antas ng kamalayan ng mga botante sa pansibikong partisipasyon. Bukod dito, inilahad niyang nararapat na ipaalam ng mga kumakandidato sa mga botante ang kani-kanilang plano para sa bansa sa pagtatapos ng pandemya.
Kumukupas na demokrasya
Ipinabatid ni Dr. Cleo Calimbahin, propesor ng DLSU, ang paghina ng institusyonalisasyon ng mga partidong pampolitika sa Pilipinas at ang kakulangan ng tunay na layunin ng mga ito. Dagdag pa niya, “The split and creation of new factions within the party is a more manifestation of the reorientation of Philippine politics before the elections.”
Tinalakay rin ni Calimbahin ang magkakasalungat na desisyon at prinsipyo ng mga partido. Iniugnay niya ang naging pahayag ni Hon. Francis Abaya mula sa partidong Liberal at ang pagsuporta niya kay Mayor Sara Duterte sakaling tumakbo siya sa pagkapangulo. Saad ni Calimbahin, personal na desisyon ito ng Kongresista at hindi ng kaniyang partido.
Ipinunto ni Calimbahin na hindi na bago ang pagpapalit ng mga kandidato ng partido. Inihalimbawa niya ang pagtakbo ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo bilang independent na kandidato sa kabila ng pagiging pinuno niya ng partidong Liberal. Aniya, “Party switching is not new in the Philippines, the increasing anarchy of political parties is.” Para sa kaniya, nanatili rin itong tipikal na suliranin sa pagpapatibay ng mga partido.
Sa kabilang banda, itinuon naman ni Calimbahin ang diskusyon sa paglaganap ng preperensiya ng nakararami sa mga awtoritaryan o “strongman rule” na kandidato. Pagbabahagi niya, “There is satisfaction and support for the violent war on drugs even Duterte’s ratings on pandemic performance has declined.” Pagpapaliwanag ni Calimbahin, sinasalamin nito ang umiigting na ambiguous democracy ng Pilipinas.
Binigyang-diin din ni Calimbahin ang laganap na pag-atake ng kasalukuyang administrasyon sa sektor ng kababaihan. Kasama na rito sina former Chief Justice Lourdes Sereno, Senador Leila De Lima, at pati na rin ang Pangalawang Pangulo. Dagdag pa niya, “The Office of the Vice President Robredo was disabled with limited resources, a budget constantly reduced and almost ridiculed.”
Inilantad rin ni Calimbahin ang mga institusyong patuloy na pinagbabantaan ng kasalukuyang administrasyon. “Institutions that can extract accountability such as CHR, Office of the Ombudsman, mass media . . . [which] should have been independent branches of government, were neutralized by the Duterte admin,” paglalahad niya. Ipinahiwatig din ni Calimbahin ang magiging gampanin ng Commission on Elections sa pagtataguyod ng patas na eleksyon sa susunod na halalan.
Inihalimbawa rin ni Calimbahin ang naging proseso ng pagpili ng liderato ng partidong PDP-Laban. Giit niya, “The dominant party’s candidate selection process [is] availability,” nang hiranging kinatawan ng naturang partido si Senador Bato dela Rosa. Dagdag pa niya, “Delayed candidacy strategy exploits the electoral system and undermines another democratic institution.”
Samakatuwid, naniniwala si Calimbahin na mahaba pa ang magiging diskurso bago sumapit ang halalan. Inilahad rin niyang hindi lamang sa pagboto naipakikita ang kahulugan ng demokrasya. “I invite everyone, especially young people, to have this active optimism. . . ask ourselves, what’s our advocacy . . . work on the democracy that we have,” pag-aanyaya niya.
Plataporma laban sa balakid ng pandemya
Pinangunahan naman ni Dr. Francisco Magno, propesor ng DLSU, ang ikalawang bahagi ng diskusyon. Siniyasat niya ang programang ipinatupad ng mga kandidato at mga posibleng reporma sa pagtatapos ng pandemya.
Nagpresenta si Magno ng balangkas batay sa mga nakuha niyang datos. Ipinaalam din niyang gagamitin niya ito sa halip na sumangguni sa personal na pananaw. Kaugnay nito, ipinakita niya ang mga track record gayundin ang mga inilunsad na proyekto, batas, at panukala ng bawat kandidato.
Binigyang-tuon din ni Magno ang mga pangunahing isyu na higit na nangangailangan ng aksyon. Kabilang dito ang pagkokontrol sa patuloy na paglaganap ng COVID-19, pagbabawas sa kahirapang pasanin ng mga Pilipino, at paglaban sa katiwalian sa gobyerno. Aniya, “These are the crucial issues to look for when you’re trying to study the candidates’ platforms.”
Sa naging datos ng AmBisyon Natin 2040, isang pangmalawakang sarbey noong 2015, mariing isiniwalat ni Magno na nasa pinakamababang katayuan sa sarbey ang larangan ng siyensya. Paglalahad niya, “Perhaps that’s the reason why science was not heavily employed during pandemic . . . leaders are not looking actively at using science, more of political rather than science.”
Hinikayat din ni Magno ang mga kapwa political scientists upang mas paigtingin ang ugnayan ng politika at siyensiya. Bukod pa rito, isinulong din niya ang sustainable development goals, bilang batayan na maaaring gamitin sa pagbuo ng balangkas sa pagwawakas ng pandemya. “Aside from AmBisyon Natin 2040, this is also a framework that is being integrated in our economic development plan,” pagsasaad niya.
Sinuportahan naman ng guest discussant na si Dr. Carmel Abao, propesor sa Pamantasang Ateneo de Manila, ang pahayag ni Calimbahin sa pagkakaroon ng ambiguous democracy ng bansa. Ayon sa kaniya, “What has happened in the past six years . . . [is] there’s no consensus anymore on what the requirements of a democracy are.”
Binigyang-tuon din ni Abao ang eleksyon bilang oportunidad para magkaroon ng diskurso at talakayan sa iba’t ibang isyung panlipunan. “In between elections, minsan may issues na ‘di pinapansin. Pero every election, kahit anong discourse, pinapansin,” dagdag pa niya. Ipinahayag niyang nagiging basehan din ito ng mga botante sa pagpili ng mga pinuno.
Itinaas naman ni Abao ang tatlong pangunahing problemang kinahaharap at pinalalaki ng eleksyon. Kabilang dito ang populismo, polarisasyon, at mga partidong politikal. Aniya, “It [polarization] made us hate each other even if we don’t even know one another.” Ipinunto rin niyang dapat palakasin ang diwa ng pagkamamamayan at pagkakaisa.
Ibinida ni Dr. Sherwin Ona, propesor ng DLSU, sa kaniyang pangwakas na pananalita ang serye ng PolSci Speaks bilang isang paraan ng Lasalyanong pagtugon sa mga hamon ng bansa. Kaugnay nito, binigyang-diin din niya na mahalagang makagawa ng tamang desisyon upang mas makilatis ang mga kandidato. Aniya, “We allude to 2022 as the make [or] break year, [the] speakers rightly emphasized the importance of making the right choice, knowing our candidates, and making that wise vote.”