Hindi likas sa atin ang kumalabit ng baril nang walang pakundangan. Pinag-aaralan muna ang bawat bahagi ng armas pati ang tamang paghawak nito upang maiwasan ang anomang aksidenteng maaaring maging sanhi sa pagkawala ng buhay ng isang tao. Sineselyuhan pa nga ang mga baril ng kapulisan tuwing sasapit ang Bagong Taon, sapagkat hindi kailanman naging pangkaraniwang bahagi ng ating buhay ang bastang paghila sa gatilyo ng mga ito.
Subalit sa pagsisimula ng panunungkulan ng administrasyong Duterte, hindi na binigyang-importansya ang selyo; disiplinado na raw kasi ang awtoridad. Hindi nagtagal, napalitan ng pagbibilang ng mga bangkay ang dapat na pagpapahalaga sa buhay. Nagsimulang balutin ng takot ang mga kalsada, at tila kamatayan na ang nag-aabang sa paglabas ng kani-kaniyang tahanan.
Ganito ang katotohanang kinahaharap sa kasalukuyan ng mga Indigenous People (IP), partikular ng mga Lumad, matapos silang pagbintangang mga terorista ng gobyerno. Hindi na sumasapat ang sampung daliri ng ating mga kamay upang bilangin ang mga Lumad na pinaslang ng mga awtoridad na sinasabi nilang disiplinado.
Upang ipanawagan ang paninikil ng kasalukuyang administrasyon sa karapatang pantao ng mga Lumad, pinangunahan ng The Playhouse Project nitong Oktubre 30 ang Paglaum: A Night of Culture and Inspiration—isang online concert at diskusyong naglayong isiwalat sa mga Pilipino ang tunay na kalagayan ng mga kapatid nating Lumad, bitbit ang hiling na matutuhang lumubog sa masa at ipaglaban silang nasasadlak sa dusa.
Binusalang salaysay
Ikinuwento ng mga manananghal na Lumad mula sa University of the Philippines – Diliman ang marahas na paglapastangang pilit nilang nilalabanan sa loob ng kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng isang madamdaming theatre-poetry, kanilang inilahad ang madudugong karanasang nag-udyok sa kanilang paghahanap ng ibang matutuluyan. Napalayo man sa gulo, hindi naibsan ang kanilang pangamba dahil sa patuloy na pananakot ng rehimeng Duterte sa kanilang buhay at kaligtasan.
Ayon sa pagtatanghal, lalong nasadlak ang estado ng kanilang pamumuhay nang lumaganap ang pandemya sa bansa noong Marso 2020. Dito pinasaringan ng kanilang grupo ang gobyerno dahil sa mistulang pikit-matang pagtrato sa mga namatay mula sa hanay ng mga Lumad. Sa kanilang kolektibong karanasan, tila kabalintunaan ang nararanasan nilang red-tagging dahil anila, “Kami raw ay terorista pero sila itong nagtatanim ng takot, nagbubudbod ng pangamba.”
Bakas sa kanilang pag-arte ang masalimuot na reyalidad na kanilang dinadanas mula sa makapigil-hiningang pagbabanta ng gobyerno hanggang sa walang-awang pagkitil sa buhay ng kanilang mga kapamilya. Naipakita ng theatre-poetry ang kawalan ng pag-asa na kanilang kinasasadlakan. Anila, “Marami sa aming kasama . . .ang pinagsarahan ng pagkakataong mabuhay.” Malungkot ding ibinahagi ng pagtatanghal ang pagkatuto ng mga bakwit na magbilang upang bilangin ang kanilang mga kasama at pamilyang naging biktima ng karahasan—malayo sa kanilang layuning matuto upang bumuo ng lipunang “may hustisya at kapayapaang nakabatay sa katarungan.”
Pinatotohanan ni Rose Cayacay, isang volunteer teacher para sa mga bakwit, ang naunang pagtatanghal ng mga Lumad. Inilahad niyang kahit noong panahon pa ng yumaong dating Pangulo Benigno Aquino III, talamak na ang pag-atake sa Lumad schools, ngunit hindi raw maikakaila ang lumalakas na mga atake sa ilalim ng administrasyong Duterte. Dagdag pa niya, bukod sa pagiging Minda-wide, common denominator daw ng Lumad schools ang pagiging biktima ng pagyurak sa karapatang pantao.
Noong 2017, nagbanta si Pangulong Duterte na bombahin ang bakwit schools, na naging mitsa upang manawagan ang grupong Lakbay ng Pambansang Minorya para sa kaligtasan ng mga estudyanteng Lumad. Ayon kay Cayacay, motibo ng bakwit schools na mailahad sa mga lungsod at sa pandaigdigang komunidad ang karahasang nararanasan ng mga Lumad kapalit ng pagkatuto. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pag-atake sa mga guro at propesor ng mga bakwit. Anila, pinagbabantaan ang mga guro na papatawan umano sila ng kasong trafficking at kidnapping matapos ang kanilang pagtulong sa mga batang bakwit upang makauwi sa kanilang lupang ninuno. Para kay Cayacay, mahalaga ang pagsikhay ng mga talakayan at mga diskusyon ng mga kolehiyo upang mapag-usapan at matugunan ang mga pangangailangan ng mga bakwit. Pangaral pa niya, “Nakakahiya na ipamana ang lipunang patapon sa susunod na salinlahi.”
Pagkalas sa tanikala
Sa kabilang banda, ibinahagi ni Jayvee Cabajas, bise presidente ng Mindanao for Kabataan Partylist, ang mga epekto ng mga tulong para sa bakwit schools na patuloy na sinusupil ng estado. Aniya, “left with nothing” ang komunidad ng mga Lumad dahil sa patuloy na pagkamkam ng gobyerno at ng mga pribadong korporasyon sa kanilang mga lupain. Dahil hitik sa likas na yaman ang lupang ninuno ng mga Lumad, inaabuso ito ng mga pribadong kompanya kaya’t nasisira ang pinagkukunan ng lokal na ekonomiya ng kanilang komunidad.
Paanyaya ni Cabajas, malaking tulong ang partisipasyon ng kabataan pagdating sa pagbibigay ng tulong sa mga Lumad dahil may likas na kakayahan silang makibagay at mapagdugtong ang puso ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang sektor. Dagdag pa niya, mas nagiging aktibo pa raw ang mga bakwit dahil halos kasing edad lamang nila ang mga nagtuturo sa kanila kaya’t hindi hamon ang makipagkaibigan. Para kay Cabajas, patunay lamang ang volunteers na may kakayahan ang kabataan na “mapalakas ang kampanya para sa mga isinusulong pang [mga] tagumpay.”
Subalit, dahil talamak ang red-tagging sa mga manggagawang nakikipag-ugnayan sa mga komunidad, mas mahirap tahakin ang landas tungo sa isang “culturally relevant and sustainable education”—bagay na binigyang-diin ni Dr. Wilfredo Alangui, propesor sa University of the Philippines – Baguio. Hitik sa damdamin ni Alangui, bilang isang katutubo, ang matinding pangangailangang paunlakin ang mga reporma sa edukasyong magpapanalo sa karapatan at dignidad ng mga Lumad. Sa pamamagitan ng pagsuporta sa Paaralang Mangyan na Angkop sa Kulturang Aalagaan (PAMANA KA), naisusulong niya sa kaniyang sariling paraan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng edukasyong nakaangkla sa kultura ng IP.
Kuwento ni Alangui, itinuturing din bilang pugad ng diskriminasyon ang eskwelahan dahil sa pagkakaroon ng alienation sa mga Lumad sa kasalukuyang kurikulum. Gayundin, kaakibat ng kawalan ng lupang ninuno ng mga Lumad ang posibilidad ng pagkawala ng kanilang pagkakakilanlan. Naniniwala si Alangui na magiging mas epektibo ang sistema ng edukasyong kumikilala at nagpapayaman sa kulturang kinagisnan, pati na rin sa pag-aangkop ng mga leksyon sa Agham at Matematika.
Iilan lamang ang mga nasabing paraan upang pag-ibayuhin ang pagtanggol ng mga Lumad sa kanilang komunidad at lupang ninuno, bagay na sinang-ayunan ni Sarah Elago, representatibo ng Kabataan Partylist. Para sa kaniya, maituturing na modelo ang pamamalakad at programa ng bakwit schools dahil aniya, “Posible pala ang tipo ng edukasyon na may paggalang sa karapatan at pangangalaga ng kalikasan.” Kinilala rin ni Elago ang napakalaking gampanin ng kabataan sa pagsiwalat ng karanasan ng mga Lumad, mula sa pagpapalayas at paninira ng pamahalaan sa kanilang lupain, hanggang sa maselang paglabag sa kanilang karapatang pantao. Dagdag pa niya, makapangyarihan ang anomang anyo ng pakikiisa sa laban ng mga Lumad na magdidikta ng isang kinabukasang inklusibo—ang may respeto at pagkilala sa kanilang dignidad.
Panawagan sa masa
Lulan ng ‘Paglaum’ ang katotohanang nais ibahagi ng mga Lumad—na ipinasara ang kanilang mga eskwelahan, nilapastangan ang kanilang mga karapatan, at pinabayaan sila ng pamahalaan. Tinawag silang terorista sapagkat sibat sa kasalukuyang administrasyon ang bawat titik na kanilang binibigkas. Kasabay ng katotohanang ito ang pakiusap ng mga Lumad na ating intindihin nang malaliman ang kanilang mga danas. Atin sanang makita ang paghahabol nila sa kanilang hininga at ang kanilang patuloy na pagkatok sa mga nagsarang pinto ng kinauukulan.
Ipinanawagan ng Paglaum na patuloy na magmasid ang mga Pilipino. Ngunit higit pa rito, makaramdam din sana ng kirot ang kanilang mga puso tuwing mapaaalalahanan sila na sa pagsasara ng bakwit schools, mayroong mga estudyanteng Lumad ang pinagkakaitan ng maaliwalas na kinabukasan. Huwag sana silang maging komportable sa pagdanak ng dugong sangkap sa paghihirap ng mga Lumad. Gamit ang kirot at ang pagkabalisang ito, piliin sana ng mga Pilipino na kumampi sa mga api at patuloy na makilahok sa pakikipaglaban nila para sa kanilang mga karapatan. Tandaan nating hindi ang mga bangkay na nakahandusay sa lansangan ang binibilang, bagkus ang mga medalyang nakamit sa eskwelahan. Baril ang binubusalan, hindi ang mga Lumad na nananawagan lamang ng agarang tugon mula sa pamahalaan para makaahon sa pandemyang kinalulugmukan ng bayan.