WAGING MAKAALPAS ang mga alas ng De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus Esports (VA) kontra sa matayog na puwersa ng University of San Carlos (USC) Regem Omnium, 2-0, sa Knockout Stage ng University Alliance Cup (UAC) Season 3: League of Legends (LoL) Wild Rift, Oktubre 31.
Buong tikas na ipinakilala ng VA ang kanilang starters sa unang yugto ng bakbakan sa katauhan nina DLSU PizzaTruck, VA Despair, GS Rogue, DLSU Lotus, at DLSU Rave. Nagsilbing sandata naman ng mga manlalarong Lasalyano ang kanilang mga ginamit na bayani na sina Riven, Gragas, Kai’Sa, Annie, at Jarvan IV. Samantala, matapang na pinili ng Regem Omnium ang mga bayaning sina Camille, Galio, Seraphine, Diana, at Xayah.
Malapader na depensa at malakidlat na opensa—ganito pinatatag at itinudla ng VA ang kanilang mga tirada kontra sa patay-sinding kinang at bagsik ng Regem Omnium. Kargado nito, matulin na nakalamang ang pambato ng DLSU pagdating sa ekonomiya bitbit ang 76,700 gold kontra sa kabilang kampong tangan ang mababang halaga na 64,500.
Kagila-gilalas namang pinangunahan ni Rogue ang VA karga ang kaniyang pitong kill, 12 assist, at 16,744 na gold. Kapansin-pansin ang pag-alab ng mga daliri ng naturang manlalaro sa buong takbo ng laban matapos wasakin ang depensa ng Regem Omnium mula sa kamandag ng mga abilidad ng kaniyang bayani na si Annie. Kapit-bisig namang naghain ng suporta ang kaniyang mga kakampi na sina Despair at Lotus na may pinagsamang 26 na assist. Buhat nito, natamasa ng VA ang kanilang matagumpay na pag-arangkada sa unang yugto, 1-0.
Mainit na sinalubong ng VA ang ikalawang yugto ng bakbakan matapos piliin ang mga bayaning mayroong mataas na damage at crowd control na sina Darius, Wukong, Akali, Ziggs, at Gragas. Para naman sa kabilang kampo, pinili ng Regem Omnium ang mga bayaning sina Jarvan IV, Amumu, Ahri, at Leona. Nakababahala ring pinili ng alas ng koponan na si USC Rice ang bayaning si Varus sa kabila ng panganib na dala ng counter nito na si Akali na hawak ng VA.
Maagang sinalanta ng VA ang depensa ng kabilang panig matapos nitong bigyang-halaga ang objectives ng laro. Bunsod nito, naging madali para sa koponan na kalbuhin ang jungle, minions, at opponent turrets na nagsilbing tulay sa pagkamkam nila ng mahigit 16,000 kalamangan sa gold kontra Regem Omnium. Sa kabilang banda, nagpasiklab din ang VA ng matatalim na opensa matapos makapagtala ng kabuuang 18 kill sa labanang tumagal lamang ng 18 minuto.
Bilang katas ng kanilang pagpupumiglas at pagkakaisa, masilakbong ibinulsa ng DLSU Viridis Arcus Esports ang panalo kontra Regem Omnium. Dulot nito, lumapag ang dumausdos na pambatong koponan ng USC sa Lower Bracket ng Knockout Stage. Samantala, ipagpapatuloy naman ng VA ang pagtatayo ng kanilang bandera sa Upper Bracket ng torneo kontra Malayan Warlocks sa darating na Linggo, Nobyembre 7, sa ganap na ika-2 ng hapon.