OPISYAL NANG MANINILBIHAN bilang bagong Chief Magistrate ng University Student Government – Judiciary (USG-JD) si John Andre Miranda matapos ang isinagawang joint session nitong Oktubre 23. Nailuklok si Miranda sa botong 49 for, 0 against, at 1 abstain.
Pag-upo sa puwesto
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ni Miranda ang kaniyang mga plano at tungkulin bilang Chief Magistrate. Isa sa mga pangunahing responsibilidad ni Miranda ang pangangasiwa sa kabuuang sistemang panghukuman ng USG-JD. Kabilang dito ang pagtataguyod ng konstitusyon ng USG at pagprotekta sa karapatan ng mga Lasalyano.
Matatandaang nagsilbi ring Acting Chief Magistrate si Miranda bago ang kaniyang opisyal na pagkakahalal. Nagsilbi itong pagkakataon para kay Miranda na makipag-ugnayan sa iba’t ibang komite sa loob ng Pamantasan upang higit na mapagtibay ang presensya ng USG-JD.
Binalikan din ni Miranda ang paninilbihan ng mga nagdaang Chief Magistrate. Ayon sa kaniya, magkakaiba man ang naging paraan ng pamamalakad ng mga naunang Chief Magistrate, nagsilbing inspirasyon pa rin ito sa kaniya upang patuloy na manilbihan at maglingkod sa ilalim ng hudikatura.
Kaugnay nito, isinalaysay rin ni Miranda ang mga pagbabago sa paraan niya ng pamamalakad kompara sa mga nagdaang Chief Magistrate. “I am not here to surpass any of their legacies or to simply copy what they did during their time. For this year, I want our officers to be continuously motivated to contribute to our work in the Judiciary,” ani Miranda.
Tinalakay rin niya ang mga pagbabago sa proseso ng USG-JD. Nais suriin ni Miranda ang sinusunod nilang Rules of Internal Governance upang maipaloob dito ang mga pang-administratibong pagbabago na naipatupad nila sa nagdaang taon.
Pagpapatibay ng mga proyekto
Ipinaalam din ni Miranda sa APP ang kaniyang mga plano bilang Chief Magistrate. Una niyang inilahad ang mga hakbang sa pagpapatibay ng proseso ng grievance sa loob ng Pamantasan. “We would want the students to know that we can be reached anytime, not just during grade consultation days,” saad ni Miranda. Kabilang sa mga naturang plano ang pagbubukas ng Telegram channel at pagsasapubliko ng kanilang website.
Nais rin niyang palawigin ang mga isinasagawa nilang kampanya hinggil sa grievance awareness. Para kay Miranda,“It is necessary for the students to feel empowered as each time they report a problem regarding their student life, they face an adversarial system, which is the school or someone of higher authority.”
Kaugnay nito, naniniwala siya na mas sentralisado na ang mga sinusunod na patnubay ng USG-JD sa pagreresolba ng mga kaso ng grievance. Makikipag-ugnayan din ang hudikatura sa mga ehekutibo ng USG Student Services at Student Discipline Formation Office upang epektibong maipatupad ang grievance manual.
Pagtutuunan din ng pansin ni Miranda ang kahalagahan ng mabuting pamamahala sa tulong ng isasagawang webinar. Mag-iimbita sila ng mga tagapagsalita mula sa tatlong sangay ng gobyerno upang ipaliwanag ang kani-kanilang mga gampanin. Inihayag ni Miranda na ito ang magiging pinakamalaking proyekto ng USG-JD sa ilalim ng kaniyang termino.
Naniniwala si Miranda na mahihikayat ng webinar na ito ang mga Lasalyano na makibahagi sa mga pang-demokratikong proseso ng bansa, tulad ng halalan. Nais nilang isakatuparan ang naturang webinar sa ikalawang termino ng akademikong taon.
Kabilang din sa kaniyang mga proyekto ang pagpapalawig sa kaalamang legal ng mga yunit sa ilalim ng USG. Para kay Miranda, marapat na may sapat ding kaalaman ang ibang sangay ng USG ukol sa mga legal na proseso. Dagdag pa niya, “I would like to advocate for at least a common and general understanding of our rules and policies here in the student government as student leaders.”
Pinasadahan din Miranda ang mga inisyatibang nais niyang ipatupad upang mapagtibay ang paglulunsad ng Office of the Ombudsman. “I believe the first step into making a strong Office of the Ombudsman is to ensure that it is filled with competent members with proven probity and independence,” wika ni Miranda.
Ayon kay Miranda, patuloy nilang gagabayan ang mga kinatawan ng Office of the Ombudsman pagdating sa mga administratibong proseso. Magpapaabot din sila ng tulong sa pag-recruit ng mga miyembro at pamamahala sa kanilang pananalapi.
Serbisyo para sa mga Lasalyano
Nakatitiyak si Miranda na maisasakatuparan niya ang mga proyektong kaniyang inilatag sa nagdaang joint session sa kabila ng mabusisi at mabigat na kalikasan ng mga naturang proyekto. Inilahad niya na nagtalaga siya ng tatlong mahistrado na magiging katuwang niya sa pamamahala ng USG-JD.
Kabilang dito sina Deputy Chief Magistrate Rachel Tolentino na mamahala sa Legal affairs, Magistrate Gio Almonte para sa kanilang external affairs, at Magistrate Alexandra Tolisora pagdating naman sa kanilang internal administrative affairs.
Patuloy ring pinagsisikapan ng USG-JD na makapaghikayat ng mga Lasalyanong handang manilbihan sa ilalim ng kanilang yunit. Liban sa pagdaraos ng Student Government Annual Recruitment Week ng USG, nagsasagawa rin ang USG-JD ng recruitment kada termino upang makapili ng mga kwalipikadong aplikante. Umaasa si Miranda na madadagdagan pa ang bilang ng kanilang mga miyembro upang patuloy na makapagbigay-serbisyo sa pamayanang Lasalyano.
Kaugnay nito, hamon pa rin para sa USG-JD ang pagpapanatili ng kanilang mga miyembro. Paglalahad ni Miranda, hindi raw maiiwasan ang kanilang paglisan. Dahil dito, nais niyang pagtibayin ang ugnayan ng kanilang yunit. “I believe, the way to retain our membership is to continuously check up on them and solicit their feedback or thoughts about what we are currently doing,” ani Miranda.
Bibigyang-tuon din ni Miranda ang hamon sa pamamahala ng oras. Nais niyang matugunan ito sa pamamagitan ng mas maagang paghahanda para sa kanilang mga isasagawang proyekto.
Sa huli, pinasalamatan ni Miranda ang tiwalang ibinigay sa kaniya ng pamayanang Lasalyano sa loob ng dalawang taong paglilingkod niya bilang mahistrado. Ipinangako niya na patuloy niyang pangangalagaan ang karapatan ng mga Lasalyano ngayong hawak na niya ang pinakamataas na posisyon sa USG-JD.
“As I finally hold the highest position for this branch, I am more inspired to lead and contribute to our community. . . you can be assured that we in the Judiciary will continuously look for ways to improve our service to you, the deserving students of this institution,” pagtatapos ni Miranda.